Actions

Work Header

alapaap

Summary:

Isa lang naman ang gusto ng pamilya ni Mingyu para sa kaniya—‘yun ay ang makapagtapos siya ng pag-aaral. Isa lang din naman ang gusto ni Mingyu para sa mga magulang at kapatid niya—ang maahon niya sila mula sa kahirapan.

At ano nga ba ang solusyon doon? Ang sabi nila, kailangan niya raw makipagsapalaran sa Maynila dahil masiyadong maliit ang probinsya para sa mga taong may malaking pangarap na gaya niya.

Or alternatively: Mingyu, isang makisig at matiyagang probinsyano at Wonwoo, na isang conyo at masungit na Manilenyo.

Notes:

brainrot ko lang naman dapat 'to sa tropa ko, kaso lumayo na 'yung imahinasyon ko haha isang eksena lang sana, kaso dumami na lang talaga lalo. first time writing a fic... sana ayos kalabasan lol nevertheless, enjoy naman ako sinulat 'tong unang parte haha 'yun naman siguro ang mahalaga (:

(See the end of the work for more notes.)

Chapter 1: Ganito pala sa Maynila… maingay, mausok, magulo, ngunit puno ng mga pangarap.

Chapter Text

Halos magkulay kahel na ang langit dala ng unti-unting pagbaba ng sikat ng araw. Rinig na rin sa labas ng bakuran ang paisa-isang daan ng kuliglig. May mga batang maririnig na nagtatakbuhan at sumisigaw ng ‘taya’. Alas singko na ng hapon, ibig sabihin lang ay tapos na muli ang isang araw para sa karamihan ng tao sa barrio nila Mingyu. 

 

Nakalagay pa sa bayong na may pattern ng kulay asul, pula at dilaw ang uwing uulamin ng ina ni Mingyu. Nakasilip ang bunga ng malunggay maging ang dahon ng saluyot. 

 

“Mano po!” Agad na pagbati ni Mingyu sa ina na siyang tinugunan lang nito ng isang tapik sa ulo.

 

“Saan mga ading mo?” Habang nagwawalis sa sala si Mingyu, siya rin namang simula nang pag-aayos ng ina nito para makapaghanda na sa pagluluto. 

 

Patuloy lang si Mingyu sa ginagawa, “Nandoon kanila Marie, maglalaro raw po. Sayang daw po at bakasyon naman eh, kaya ayun, hinayaan ko na.” 

 

Rinig ni Mingyu ang pilit na pagpihit ng ina sa kalan nilang bigay pa ng isa sa amo ng nanay niya. Hindi pa naman sira, sadyang gusto na lang talaga nila ng induction cooker at bumili raw ng air fryer ang panganay nito kaya ayan, pinamana na sa ina ni Mingyu ang double burner na kalan. 

 

“Ayaw bumukas, Ma?” Lalapit na sana si Mingyu pero narinig na niyang inutusan siya nito, “Goy! Balong, sindihan mo na muna ‘yung sa uling. Naubusan tayo ng gasul.” 

 

Alam na agad ni Mingyu ang gagawin. Hindi naman na bago ‘to. Madalas silang maubusan ng gasul, kaya lagi silang may tambak ng ilang tipak ng uling sa likod nila. Minsan, minamalas, kasi inaabot ng tubig ulan ang uling. Sayang. Imbes na makatipid, mapapagastos pa ulit sila eh tuyo at sinangag na nga lang ang lulutuin nila. 

 

Lagay ng kaunting uling, siksik ng iilang papel sabay sindi na rin sa isa pang papel ng apoy galing pa sa maliit na pulang lighter na mukhang paubos na rin ang laman. Wala pang limang minuto ay kita na ang lakas ng apoy na nagawa ni Mingyu sa uling. 

 

“Ma! Okay na. Ano ba uunahin? Saing?” Maliit lang ang espasyo ng bahay nila Mingyu. Isang bungalow na gawa sa pinaghalong mga iilang semento para makabuo ng pader, yero na ang iilan ay may butas na, mga kawayan na niyari pa nila ng tatay niya para maging bakod at pintuan–sa lagay na ‘yan, magkakarinigan talaga silang lahat, maski mabigat na buntong hininga ay rinig.

 

Dala na ng ina ang kalderong may laman ng kanin, kitang-kita pa na gamit na gamit ito. Paano ba naman? Itim na itim na ang pwet ng kaldero, kahit ilang kuskos pa ni Mingyu gamit ang lustay na scotchbrite ay hindi na kaya pa na pumuti ‘yon. 

 

“Dinengdeng na lang tayo? Sakto may bigay na ihaw na bangus si Perla. May nabili rin akong bunga ng malunggay at bulaklak ng kalabasa. May napitas din ako diyaang saluyot.”

 

Natawa si Mingyu, “Nayna! Agawan na naman sila Papa at ‘yung dalawa sa taba ng bangus.” 

 

Di rin naman maiwasan ng ina ang matawa sa naturan ni Mingyu, “Oo nga. Buti hindi nakain ang Goy ko kaya bawas kalaban si Papa at ‘yung dalawang makulit.” 

 

“Ay, Ma. Nakuha ko na po pala ‘yung toga ko.” Nagbabantay pa rin si Mingyu ng sinaing. Ayos nga ng pwesto eh. Ang laki niyang bulas pero naka-upo sa isang maliit at mababang bangko—gawa pa rin nila ng tatay niya.

 

Agad namang nagpunas ng kamay ang ina, “Buti naman. Ang sabi ng Papa mo ay magpunta raw kayo ng bayan sa Huwebes at mamili ka ng bago mong polo. Sakto ay araw ng palengke, panigurado maraming magaganda no’n.” 

 

Unti-unti nang kumulo ang sinaing ni Mingyu, “Nayna! Si Papa talaga! ‘Wag na. ‘Yung suot ko na lang din last year, ayos pa naman ‘yon.” 

 

Wala namang arte sa katawan si Mingyu. Pinagmamalaki pa nga niya ang paborito nitong puting short sleeve polo, ’yung ginamit niya noong moving up niya mula junior high school–maputi pa rin daw.  At dahil daw ‘yan sa galing ng nanay niya maglaba. Inaasar pa niyan ang ilan niyang kaklase na nagsasabing ayaw daw nila sa puti dahil naninilaw katagalan. Para kay Mingyu, libreng advertisement ‘yun—iyayabang niya ang paglalaba ng ina sabay sabing kunin ito ng mga nanay nila. At totoo nga, bukas-makalawa, marami na ang text sa de-keypad nitong cellphone—mga nais magpa-schedule ng labada sa nanay niya. 

 

Isang mabigat na paghinga ang pinakawalan ng ina. Ayan na naman kasi siya. Ayaw magpabili, gusto kung ano na lang ‘yung nandiyaan, ay iyon na. 

 

Pero hindi papayag ang nanay at tatay niya. Ang katwiran? Minsan lang naman grumaduate kaya dapat lamang ay bago at pormado ang damit niya. Hindi na rin itatanong, gagraduate ‘yan na With Honor, sabay Athlete of the Year pa, sapagkat isa siya sa nanalo ng ginto sa regional’s badminton competition ng Region 1 sa kategoryang Male Singles Badminton. Baka batang R1AA ‘yang si Mingyu. 

 

“Graduation mo naman, Goy. Tiyaka ilang beses tayong aakyat sa stage, dapat lamang na gwapo ka, Balong,” pagpapaliwanag ng ina nito. 

 

Sinubukan pa rin ni Mingyu tumanggi. Iniisip kasi niya na pwede na ring pang-bili ng ulam ‘yung dalawang daan na ipambibili niya ng bagong damit, “Ulam na lang ‘yun, Ma. Lechon manok.” 

 

Bata pa lang mulat na si Mingyu—mulat sa reyalidad ng buhay na mayroon siya. Alam niyang salat sila. Nakakakain man sila ng tatlong beses sa isang araw, alam pa rin niyang ang bawat sentimong kinikita ng nanay at tatay niya ay hindi basta-basta. 

 

“‘Wag na matigas ang ulo, Goy.” Pirming sabi ng ina habang sinisimulan na ang pagluluto ng ulam nila para sa hapunan.

 

Isa-isa ng nilalagay ng ina ang mga talbos ng gulay, “Napaghandaan na namin ‘to ng Papa mo… May pang-Jollibee na tayong lima. May pambili na rin ng bago mong damit. Isang araw lang naman, Balong.” 

 

Maaga siyang nagising sa katotohan na ang mga taong gaya niya ay nasa laylayan. Ang bawat pagkain na hinahain sa mesa, ang bawat saplot na sinusuot, ultimo ang mga lapis at papel na siyang instrumento sana niya sa pag-ahon sa kasalatan ay makukuha pa pagtapos umubos ng gabundok na labahan ng ina at maghapong paglalako ng ama sa palengke ng mga inaning prutas at gulay. 

 

Pero sa kabila ng reyalidad na ‘yan, patuloy pa rin siyang nangangarap. Pinagbubutihan ang bawat gagawin. Naniniwala pa rin si Mingyu na masusuklian niya ng sobra-sobra ang sakripisyo ng ama’t-ina para sa kanilang magkakapatid.

 

Mahinang tumawa si Mingyu, alam niyang papagalitan na siya ng ina kapag nangulit pa, “Opo. Pupunta kaming bayan ni Papa sa Huwebes, Ma.” 

 

Simple man para sa marami ang pinagsasaluhan nilang dinengdeng, masaya pa rin sila na buo ang pamilya nila sa hapag. Sa simpleng ulam na mayroon sila, sahog din nito ang kwentuhan, kaunting halakhakan at busog na puso mula sa pagmamahalan. 



-`♡´-



Suot ang bagong asul na polo, ang itim na slacks na gamit pa mula Grade 11 siya, samahan pa ng sapatos na pinaglumaan ng isa sa mga anak ng amo ng ama, at isang sachet ng sag-tres na gel na binili pa sa tindahan ni Aling Myrna—talaga namang handang-handa na umakyat si Mingyu ng stage. Handa nang tapusin ang buhay hayskul, at simulan ang bagong yugto na siyang maaring makapagpabago sa buhay niya.

“Mingyu Manuel A. Kim, may karangalan at atleta ng taon.”

Isang malakas na palakpakan ang hudyat pagkatawag sa pangalan ni Mingyu. Maraming estudyante ang nakakakilala sa kaniya, maging ang mga guro ay pamilyar sa kung sino siya. 

 

Sino ba naman ang hindi makakakilala sa kaniya? Simula pa lamang elementarya ay pambato na ito sa badminton. At ni minsan, hindi rin siya nawala sa listahan ng mga With Honors. Pati mga magulang ng kaklase niya ay naniniwalang malayo ang mararating niya. 

 

Sinukbit ni Mingyu ang isang medalya sa leeg ng ina, at ang isa naman ay sa ama. Nilalasap ang lasa ng tagumpay. Nakatatak kay Mingyu ang bawat puti, de kolor at maong na damit na siyang nililinisan ng ina sa bawat pagsagot sa pagsusulit. Nakamarka sa isipan ang kada yuko ng ama sa pamimitas ng prutas at gulay at saka ilalako sa palengke sa bawat hampas niya sa pinaglumaan na niyang raketa. 

 

Ang makapagtapos sa sekondarya ay itinuturing ng malaking karangalan ni Mingyu—dahil ang isang tulad niya, ang simpleng tao na gaya niya ay nakapagtapos—nairaos ang ilang taong pagsusunog ng kilay, kasabay ang paglalaro na baon ang motibasyong baka balang araw masabi na ang katagang “Ma, Pa, ayos na ang lahat.”

 

May mumunting butil ng luha sa mata ng ina ni Mingyu. Hindi naman nito naiwasan na hampasin ang anak nang mahina, “Dami mo talagang pakulo.” Tipikal na reaksyon ng ama, patawa-tawa lang. Lingid sa kaalamam ni Mingyu, ilang balde na ng luha ang iniyak ng ama habang paulit-ulit na binabasa ang pangalan ni Mingyu sa listahan ng mga magtatapos na may karangalan. 

 

“Mama. Papa,” panimula ni Mingyu habang pababa ng hagdan mula sa entablado. “Salamat sa lahat. Para sa inyo po ‘to,” at saka niya binigyan ng mahigpit na yakap ang mga magulang. 

 

“Ag-yaman ak unay, Inang ko, Amang ko.” Ang kanina lang na patawa-tawang ama ay biglang natahimik. Hindi na naiwasan ng ina ang mahinang hikbi.

 

Ag-yaman ak unay, Inang ko, Amang ko. Labis na pasasalamat lang naman ang ibig sabihin, pero para kay Mingyu, sa mga magulang at kapatid niya, ang pamilyang mayroon sila ang siyang lagi nilang ipagpapasalamat. 

 

Salat man, marami mang beses na nahihirapan sila sa pinansyal, labis pa rin ang kaginhawaan na dala ng pagiging buo nila. 

 

Isa lang ang pangarap ni Mingyu, at iyon ang maka-ahon sila sa kahirapan. Handa siyang suungin maski ang butas ng karayom mabigay lang ang maginhawang buhay sa pamilya niya. 



-`♡´-



Natapos na rin ang ilang oras na seremonya para sa mga magsisipagtapos. Nakauwi na ang lahat maging ang pamilya ni Mingyu. 

 

Ang plano dapat ay kakain sila sa Jollibee, kaso ayaw raw pumayag ng isa sa mga tiya ni Mingyu. Gusto raw nito handaan ang binata at may pinagawa pa raw na tarpaulin para rito. Natawa na lamang si Mingyu at sinabihan ang magulang na itabi na muna ang inipong pang-Jollibee at lumabas na lamang ulit sila sa susunod na araw.

 

Abala na ang lahat at kaniya-kaniya na sa pagkuha ng handa. Mayroong lechon manok, may liempo, may shanghai at pansit din. May isa pa siyang tiya na bumili ng cake. Ang iba sa kaibigan ng ama nito ay nagdala pa ng ilang bote ng kwatros kantos at nagsimula na rin mag-ihaw ng bangus at hito. Hindi na nga rin mawari ni Mingyu kung sino pa ang umarkila ng videoke.

 

Kung titignan, akala mo’y nakapagtapos na si Mingyu ng kolehiyo sa dami ng taong bumibilib sa kaniya ngayon. 

 

Suot pa rin ang bagong polo, naka-sukbit pa rin sa leeg ang medalya, may suot na medyas ngunit naka-tsinelas na, umiikot-ikot si Mingyu upang daluhan ang mga bisita nang tawagin siya nito ng ina.

 

“Goy! Balong! Kausapin ka raw ni Tita Glenda mo,” sigaw ng ina habang naka-dikit pa sa tainga ang de-keypad na telepono na halos mabura na ang mga imprintang letra sa pindutan nito. 

 

“Hello, Ta! Kamusta po?” Bati agad ni Mingyu nang mapunta na sa kaniya ang tawag. 

 

“Ayos lang, Goy! Happy graduation, Mingyu pogi namin. Magpadala ako pang-liwaliw mo bukas. Kunin mo na lang kay Mama mo,” masiglang ani ng nasa kabilang linya. May ngiti man sa labi, tumanggi pa rin si Mingyu, “Nayna, Ta! Ayos lang kahit walang regalo basta proud ka sakin.” 

 

Bumuntong-hininga ang tiya niya, “Kaya nga may regalo kasi proud kami sa’yo. Basta… may ipapadala ako. Tiyaka uusap kayo nila Ate Mila at Kuya Gardo… sa college mo, balong ko. Pero enjoy ka muna diyaan. Sige na.” Nagpaalam na rin si Goy at binaba na rin ang tawag.

 

“Usap para sa college.” Nagtataka si Mingyu pero nagkibit-balikat na lang muna, alam naman niyang sasabihin din ito ng mga magulang pagtapos siguro ng araw na ‘to. 

 

Ang Tiya Glenda niya ay kapatid ng Tatay Gardo niya. Matandang dalaga kung tawagin sapagkat hindi na rin talaga nag-asawa. Bagama’t may sariling buhay, paminsan-minsan ay inaaruga niya rin ang mga pamangkin na si Mingyu maging ang nakababatang kapatid nito na sina Mikoy at Mikay. 

 

Halos alas-onse na natapos ang munting selebrasyon para kay Mingyu. Naligpit na rin naman ang mga kalat at nakauwi na rin ang mga dumalo. 

 

Umuwing lasing ang mga kaibigan ng ama niya, at hindi matigil sa kakabati sa kaniya. Nagbibiruan pa na buti na lang daw at solido silang mga mag-kukumpare kaya kahit may kumanta pa ng ‘My Way’ ni Frank Sinatra ay walang maghahampasan ng bote ng kwatros kantos. Hindi rin matigil sa pagpuri ang mga tiya nito at iba pang bisita—kesyo napakabuting bata raw ni Mingyu, gwapo na nga, masipag pa—at marami pang iba.

 

“Goy…” Mahina ngunit malambing na asal ng ina habang pinapagpag ang mga kamay mula sa paghugas ng mga natirang hugasin.

 

Mabilis naman siyang dinaluhan ng anak, “Po?”

 

“Antok ka na ba? O pag-usapan na natin nila Papa mo ngayon?” May ideya na agad si Mingyu kung saan patungo ito. Nabanggit na rin naman ng Tita Glenda niya kanina. 

 

“Sige, Ma… Tawagin ko lang si Papa.” Maikli nitong sagot at saka pinuntahan ang ama sa bakuran, naabutang pinapasok ang ibang bangko na ginamit ng mga bisita. 

 

Minabuti nilang sa likod na lang mag-usap, kanya-kanyang upo sa mga upuan sa may hapag na siyang madalas nilang lugar para sabay-sabay kumain. Natutulog na rin kasi sina Mikoy at Mikay, at para na rin hindi ma-istorbo ang mga bata. 

 

Si Mingyu ang unang nagsalita, “Ano ‘yun, Ma? Pa?” 

 

“Ikaw na magsabi, baket ko. ” Ani naman ng ama nito. 

 

“Nagsabi naman ata ang Tita Glenda mo kanina…” Seryoso ang usapan ng mag-anak. Paano ba naman, kinabukasan ni Mingyu, ang panganay mula sa isang payak na mag-anak ang usapan. 

 

“Nagtatanong ano ang gusto mong kurso… pati kung saan mo gusto mag-aral. Ang sabi… baka raw gusto mo ay sa Maynila ka. Para raw mas maganda at sakto may sports ka rin daw.” Paliwanag ni Mila sa anak.

 

Tumango-tango lamang si Mingyu. Panandaliang tumahimik ang atmospera ng munting tahanan. 

 

“Pasado naman ako sa State U natin dito, Ma… ayos lang naman po ako rito. Tiyaka para may kaagapay kayo doon sa dalawang bulinggit.” Diretsahang sagot ni Mingyu.

 

Para kasi kay Mingyu, kahit saan naman o kahit anong kurso ay ayos lang, ang mahalaga pa rin naman daw ay tiyaga at pagsusunog ng kilay. 

 

“Ayon naman ang sabi namin… tiyaka kako ikaw pa rin ang mag-dedesisyon, Goy. Dahil—dahil buhay mo ‘yan… at kaming magulang mo, ay gabay mo lamang, diba lakay ko? ” Sumang-ayon ang padre de pamilya. 

 

Pero kung tatanungin sila, gusto rin nilang umalis si Mingyu sa barrio nila. Gusto rin nilang lumawak ang mundo ni Mingyu. Pakiramdam kasi nila ay tila ibon na nakakulong sa maliit na hawla si Mingyu—may kakayahang lumipad, pero limitado ang sakop ng kayang mapuntahan. Sa palagay nila, masiyadong maliit ang probinsya nila para sa tulad ni Mingyu na may potensyal. Gusto rin nilang makitang lumawak ang maliparan nito hanggang sa tumayog ang paglipad niya. At ang naiisip nilang solusyon para doon ay ang pakawalan siya mula sa hawlang naglilimita sa kung ano pa ang kaya niyang gawin. 

 

Sa mga ganitong pagpupulong ng pamilya, malimit magsalita ang padre de pamilya. Madalas niyang hayaan ang asawa sa mga desisyon, dahil alam naman niyang para sa ikakabuti rin ng mga anak nila. Isa ang gabing ‘yon sa mga araw na nagsalita at nagbigay ito ng saloobin. 

 

“Pero… kung gusto mo, balong. Sige lang. Ang sabi naman ng Tita Glenda mo ay kahit anong gusto mong kurso tapos may mga pamimilian kang eskwelahan na pasok sa budget niya kung sakaling private raw ang gusto mo.” Mahabang litanya nito.

 

“Goy…” Seryoso ang tono ng matanda. 

 

“Sa Maynila… mas—mas maraming oportunidad. Mas marami kang makikilala. Sabi nga ni pareng Junmar, koneksyon daw. Tiyaka… kung iniisip mo kami ng Inang mo…” May maikling tigil sa sinasalita nito, at ramdam ni Mingyu… ramdam niya ang kagustuhan ng ama na sana ay pumayag siya sa alok ng Tiya Glenda niya. 

 

“Kung kami ang iniisip mo… ayos lang sa amin, balong. Ikaw naman muna. Unahin mo muna ‘yung magiging buhay mo. Para… para hindi ka magaya sa akin… tumanda na sa barrio, sumakit na ang likod kakapitas ng mga halaman at gulay ng amo at—at hindi ko man lang kayo nabigyan ng komportableng buhay…” 

 

Kumirot ang puso ni Mingyu sa naturan ng ama. Kahit kailan. Hindi niya naisip na kasalanan ng ama kung bakit iyon ang kinalakhan nila. Naniniwala siya na hindi lang talaga patas ang mundo, at isa sila sa biktima nito. Dahil alam niya… alam niya kung gaano kasipag ang ama’t-ina niya. Isang magsasaka, at isang labandera… marangal na trabaho, at walang araw ni oras na naisip ni Mingyu na ikahiya ito. Para sa kaniya, ang magaspang na palad ng ama’t-ina ang patunay na hinulma siya at ang kaniyang mga kapatid upang maging mabuting tao. 

 

“Pa…” Kita ni rin ni Mingyu ang marahang pagpunas ng luha sa gilid ng mata.

 

Akala mo’y babasaging baso na natabig pabagsak sa matigas na sahig si Mingyu, “Gusto ko… gusto ko rin kayong mabigyan ng komportableng buhay. Pero… kahit kailan hindi po ako nagsisi na kayo ang pamilya ko… na ikaw—ikaw ang amang ko.”

 

“Alam naman namin ‘yun, Goy…” Sabat ng ina. “Alam mo namang ‘yang Papa mo… minsan… wala. Hindi lang din namin maiwasan isipin na sana mas marami ka pang narating kung hindi ka lang mahirap…” Pag-amin pa ng ina. 

 

Ngumiti lamang si Mingyu. Iyong ngiti na abot hanggang tainga, “Ay apo! Kakanood niyo na ata ‘yan ng drama sa gabi.” Lumapit ito sa mga magulang at saka hinaplos ang mga ulo nito.

 

“Akala ko ba’t bilib na bilib kayo sa panganay niyo? Dapat alam niyo na kahit saan ako dalhin ay yakang-yaka ko…” Biro nito.

 

Umupo naman siya sa pagitan ng mga magulang at hinawakan ang mga magaspang na palad na siyang bunga ng walang sawang pagtatrabaho para itaguyod ang munting pamilya nila, “Ito… pag-isipan ko pa ha? Pakiramdam ko kasi baka ma-homesick ako do’n. Alam ko namang aalagaan ako ng Tita Glenda… kaso baka ma-miss ko kayo ng sobra eh… lalo na ‘yung dalawang pasaway.” 

 

“Pero… pag-iisipan ko po. Ngayong linggo rin… mag-dedesisyon po ako…”

 

Ginawaran naman siya ng halik sa sentido ng ina, “Ikaw pa rin ang bahala… kung dito mo gusto, ayos lang. Kung luluwas ka ay ayos lang din… kung ano sa tingin mo ang makakabuti at saan ka komportable, Goy…”



-`♡´-



Matapos ang masinsinang pag-uusap ng mag-anak patungkol sa alok ni Glenda ay nagpatuloy pa rin ang araw-araw na buhay ng pamilyang Kim. Si Mila na abala sa pag-ubos ng mga labahin ng mga amo. Si Gardo na puspusan ang pagsasaka at pamimitas sa pananim ng amo at saka ilalako sa palengke ang mga gulay o prutas. Ang kapatid niyang sina Mikoy at Mikay na puro laro sa labas ang inaatupag pagkat bakasyon pa naman. At si Mingyu… siya muna ang abala sa loob ng bahay habang bakasyon niya rin at habang nasa kani-kaniyang trabaho ang mga magulang. 

 

Ilang araw na rin sumasagi sa isip ni Mingyu ang pag-uusap nila ng mga magulang. 

 

Hindi niya itatanggi ang kagustuhang lumuwas din ng Maynila. Nakarating at nakapamasyal naman na siya doon ng pailan-ilang beses sa tuwing pinapabisita sila ng Tita Glenda niya. Naalala pa niya kung gaano siya kasabik makakita ng naglalakihang gusali at isa sa pangarap ay makasakay ng tren dahil wala no’n sa kanilang probinsya. Alam niya rin na nasa mabuting kamay siya kung sakali, dahil malapit naman sila ng Tita Glenda niya. Nababahala lamang siya na umalis dahil sa pamilya. Alam naman kasi niya na malaking tulong pa rin ang panaka-nakang pagtulong niya sa mga gawaing bahay, maging sa pag-aasikaso sa mga kapatid niya. Malaking ginhawa na ito kung tutuusin sa araw-araw na buhay nila. 

 

Isa pa, mahal na mahal niya ang pamilya niya—iniisip pa lang ang isang araw na hindi niya sila masilayan ay parang lalagnatin na siya.

 

Hindi rin naman niya itatanggi ang pangamba at takot na siyang pumipigil rin sa kaniya. Wala siyang alam sa takbo ng buhay sa siyudad. Ni wala siyang ideya ano bang klase ng tao ang mga makakasalamuha niya sa unibersidad. Nabuhay at lumaki na kasi si Mingyu sa probinsya, sa barrio pa nga, kaya’t may malaking tinik sa lalamunan kung iisipin paano nga ba makikipagsabayan sa mga tao doon—kung paano siya makikipagsabayan sa takbo ng tadhana. 

 

Ilang araw din na halos tulala sa makipot na kwarto si Mingyu, nakatitig sa yerong kupas na. May mga gabing umuulan, kaya dagdag sa bigat ng konsiderasyon sa kanyang desisyon ang bawat patak nito pagkat rinig na rinig ang bawat butil na binabagsak ng langit. 

 

Mahirap… alam na ni Mingyu ‘yan. Ni minsan wala naman siyang gusto na nakuha sa madaling paraan. Lahat ng akademikong medalya na natamo mula elementarya, lahat ng medalyon at ultimo raketa na ginagamit sa paglalaro niya ng badminton, maging ang kanin at ulam na pinapatong sa luma nilang mesa—lahat ng ‘yon ay bunga ng tiyaga, sakripisyo’t paniniwala. 

 

Buo na ang desisyon ni Mingyu. 

 

Luluwas siya patungong siyudad. At doon… susubukan niyang abutin ang mga pangarap. At kung pahihintulutan man, gusto sana niyang ito na ang maging daan patungo sa inaasam na bagong kinabukasan. 



-`♡´-



“Wala ka na bang nakalimutan?” Pang-sampung beses na tanong na ata ni Mila sa panganay na anak. 

 

“Umihi ka na muna kaya at baka mahaba ang biyahe,” utos pa muli nito. Kasalukuyang nasa terminal ng bus patungong Maynila ang pamilya Kim. Hindi matigil si Mila sa paalala sa panganay na anak, ngayon na kasi ang luwas nito patungong Maynila. Gusto sana siyang ihatid ng ama sa Maynila, pero si Mingyu na mismo ang umayaw—mapapagod pa raw ang tatay. 

 

Sumingit din sa usapan ang amang si Gardo, “Nariyan na ba ang jacket mo? Baka lamigin ka sa biyahe.”

 

“Jacket? Check! Umihi? Check! Tubig at pagkain? Check! Cellphone? Check!” Enumerasyon ni Mingyu.

 

“Parang… mahigpit na yakap na lang ata ang kulang,” binuksan nito sa ere ang dalawang braso at saka humagkan ang ama’t-ina sa balikat niya. Ang dalawang kapatid naman ay yumakap sa may bandang bewang niya. 

 

“Kuya! Malayo ‘yung pupuntahan mo?” Sinserong tanong ng bunso niyang kapatid na si Mikay. Agad namang binuhat ni Mingyu ang kapatid, “Medyo… malayo-layo din.”

 

“Kailan ka uuwi, Kuya?” Si Mikoy naman ang nagtatanong. 

 

“Hindi pa nga nakakaalis.” Saway ng ina. 

 

“Parang ayoko na ata, Ma?” Ngayon pa lang naramdaman ni Mingyu ang paglisan. “‘Wag na kaya ako tumuloy?” Segunda pa niya. 

 

Saktong magsasalita pa sana ang ina nang sumigaw na ang konduktor ng bus, “Pasay! Pasay! Sakay na! Aalis na tayo!” 

 

“Oh siya! Tawag na kayo. Sumakay ka na do’n at baka maiwanan ka pa,” ani na lang ng ina nito. 

 

“Ag an-anos ka, Balong…” Bulong ng ama sabay hawak nang mahigpit sa kamay ng panganay na anak. 

 

Hindi na nagsalita ang ina, nangangamba na baka sumangayon siya–pumayag na ‘wag na lang lumuwas ang anak. Nagyakapan na ulit sila at saka umakyat na ng bus si Mingyu. Sumilip pa ito sa bintana, at doon kita niya ang pamilya–kumakaway nang kumakaway–at doon niya naramdaman ang bigat ng desisyong lumuwas patungkong siyudad.

 

“Ag an-anos ka, Balong…” Mag-tiyaga ka lang… nakatatak na sa puso’t-isip ni Mingyu ‘yan. Ang mga taong gaya niya ay kadalasan walang karapatan na magreklamo. Malimit magkaroon ng pagpipilian–kung ano ang mayroon, iyon na ‘yon–madalas nagtitiis sa kaditing na kung ano lang ang porsiyentong kayang ibigay sa kaniya ng mundo. Gusto niyang magbago ‘yon, gusto niyang baguhin ‘yon–gusto niyang magkaroon din siya ng pamimilian gaya ng iba–pangarap niyang magkaroon ng pansariling kagustuhan at hindi na lang nagtitiis sa tira ng kung sino man. 

 

Nagsimula na ang biyahe ni Mingyu. Biyahe patungong Maynila… maging ang biyahe ng buhay niyang hindi pa niya sigurado kung may kalkuladong ruta na ba. Wala sa plano niya ang umalis sa lugar na kinalakhan niya. Pero sabi nga nila, kapag may oportunidad, dapat sunggaban agad. 

 

Habang binabagtas ng sinasakyang bus ang tuwid na daan, ramdam ni Mingyu ang unti-unti niyang paglayo sa lugar na kumalong sa kaniya ng ilang taon. Ngayon nanunuot sa balat ang lamig na buga ng erkon, ngayon niya nararamdaman ang lamig dala ng pagkawala sa bisig ng magulang at kapatid. Habang bumibilis ang takbo ng bus, siya ring bilis ng kabog ng puso niya. Totoo na nga. Totoong ilang kilometro na ang layo niya sa pamilya… sa lugar kung saan nanatiling payapa ang puso’t-isip niya. 

 

Ilang oras pang pagbaybay ng sinasakyan ay mas lumalaki ang mga bahay at gusaling nakikita niya, dumadami ang kasabayang sasakyan, dumadami ang mga taong nakikita. Pansin na rin ang unti-unting pagkawala ng mga puno at damuhan na siyang napapalitan ng maitim na usok. 

 

Pumirmi na ang bus sa terminal, nagsimula nang magbabaan ang mga tao. At pagbaba ni Mingyu, sumalubong sa kanya ang nakakasulasok na usok, samu’t-saring ingay–mula sa mga tao, maging sa mga sasakyan na walang tigil sa pag-bubusina. Kita niya rin ang mabilisang galaw ng bawat nakakasalubong niya. Ganito pala sa Maynila… maingay, mausok, magulo, ngunit puno ng mga pangarap.

 

Hindi namalayan ni Mingyu na kinakalabit na pala siya ng Tita Glenda niya. 

 

“Welcome to Manila, Goy!” Ani nito na agaran ding tinugunan ni Mingyu ng ngiti at mahigpit na yakap. 

 

“Tara na? Baka pagod ka sa biyahe. Kain na tayo tapos uwi para makapagpahinga ka,” tinulungan siya ng Tiya na dalhin ang iba sa bagahe nito.

 

“Ang dami mo atang dala?” Tanong nito na siyang sinasagot ni Mingyu habang patungo sila sa sasakyan ng Tiya, “Wala naman po… pasalubong po ‘yan. May bangus, asin, bagoong at tupig po. Ang alam ko parang may longganisa at ibang gulay din ata, Ta.” Paliwanag ni Mingyu. 

 

“Ay apo! Nag-abala pa talaga kayo, ha?” Pabirong tugon ng Tiya na siyang tinawanan na lang ni Mingyu.

 

Mas marami pa nga ‘yung bitbit na pasalubong kaysa sa mismong mga dala ni Mingyu. Bitbit ang isang katamtamang itim na handbag, laman nito’y ilang pirasong matinong damit, isang sumbrero, isang gomang tsinelas, raketa ng badminton at tatlong shuttle cock nito at ang litrato nilang mag-anak na kinunan pa sa picture city noong isang panahon na gumala silang pamilya at kumain sa Chowking. 

 

Tahimik lang si Mingyu habang bumabiyahe sila ni Glenda palabas ng terminal ng bus. Hindi maiwasan ang matulala sa kung ano ang nakikita. Ibang-iba talaga sa siyudad. Malayong-malayo sa tahimik at payapang paligid ng probinsya niya. 

 

Dito unti-unting sumasagi sa isip ni Mingyu na hindi magiging madali kung ano man ang tatahakin niyang landas. Ramdam na niya na doble ang kailangan niyang gawin para sa bawat bagay na gustuhin at kailanganin. 

 

Maliban sa mga iilang materyal na bagay na dala, bitbit ni Mingyu ang pagmamahal at tiwala ng pamilya sa kaniya. Tanging lakas ng loob at ang malaking pangarap ang siyang tangan niya. 

Chapter 2: Maraming mata ang nakatingin, mga dilang matabil, kasabay ang mga salitang walang preno.

Summary:

Nagsimula na ang buhay ni Mingyu sa Maynila, at dito na rin nagsimula ang paniniwalang mas lumalapit na siya sa mga hangarin. Sa kabila ng nakikitang pag-asa, nadama na niya na hindi magiging madali ang buhay na mayroon siya—nariyan ang pag-aalala sa pamilyang naiwan sa probinsya, maging ang kung paano nga ba siya makikitungo sa mga bagong kakilala.

Notes:

hindi ko rin alam ba't naman umabot sa ganyan kahabang word count... i am jinja enjoying the process of writing this ): pangarap ko lang dati makapagsulat ng full-blown narration, and aaaaaHHHHH it's happening! yakap nga pala para sa lahat ng nagkaroon ng goy phase, o sa mga naroon pa rin. i am rooting for you <3

(See the end of the chapter for more notes.)

Chapter Text

Kahapon lang ay mga sunod-sunod na tilaok ng manok pa ang siyang gumigising sa natutulog na diwa ni Mingyu, ngayon, ang ingay mula sa rumaragasang tren ang siyang nagpamulat sa mata niyang pikit na pikit pa. Alas singko na pala ng umaga. Nakasanayan na ni Mingyu ang gumising sa ganoong oras. 

 

Hindi naman kalakihan ang bahay ng kaniyang Tiya Glenda. Sapat lang para sa pang-apatang pamilya—mas maluwag, wala namang kasama si Glenda eh. 

 

Dalawang palapag at may dalawang kwarto sa taas. Isang maliit na sala, kusina at kubeta ang nasa baba. Malapit sa kalsada kaya rinig ang mga busina ng bus, ang pagdaan ng tren at maging ang mga humarurot na jeep. 

 

Halatang naninibago si Mingyu. Unang araw pa lang niya sa siyudad, dama na agad ng binata ang pagkakaiba. 

 

Maghahanda na sana siya ng agahan, ang kaso hindi niya pa kabisado ang lugar na ‘to. Hindi na ‘to gaya sa barrio na dadaan ang naglalako ng pandesal at monay simula alas sais, at pagsapit naman ng bandang alas otso ay magkasunod na dadaan ang nagtitinda ng taho at binatog. 

 

Mabuti na lang at nakita niya ang pakete ng gardenia sa mesa, nagbukas ng pridyider at nakakita ng itlog—sisimulan na ang pagluluto para sana ay mayroon silang mapagsaluhang agahan ng tiya. Alam kasi niyang bandang alas otso ang alis nito papuntang trabaho. 

 

Nang maayos na niya ang nais lutuin, doon niya lang napagtanto na wala siyang ideya paano nga ba gamitin ang lutuan sa bahay ni Glenda. Gamit niya’y induction cooker, sanay lamang si Mingyu sa kalan, at pagsindi sa uling kung sakaling ubos na ang tangke nila. 

 

Ilang minuto ring tinitigan ni Mingyu ang induction cooker, hindi magawang hanapin sa internet kung paano dahil de keypad lang naman ang telepono nito. Napakamot naman ito sa ulo, “Ay apo! Sayang naman ang oras. Paano ngay kaya ito?” 

 

“Goy? Aga mo naman, Balong?” Ang Tiya Glenda niya ay gising na’t naabutan siya sa kusina. “Gutom ka na?” 

 

Nahihiyang hinarap ni Mingyu ang Tiya, “Hindi naman po, Ta. Magluluto po sana para sakto pag gising mo, almusal na tayo… kaso— kaso di’ ko po gamay mga gamit dito…” 

 

“Ay apo aya! Ikaw talaga! ‘Wag mag-alala ituro ko sa’yo lahat. Tiyaka, masasanay ka rin. Mahirap talaga sa umpisa. Sanayan lang talaga, Balong.” Pakiramdam ni Mingyu ay hindi na lang patungkol sa lutuan ang ibig sabihin no’n.  

 

Madali namang natutunan ni Mingyu paganahin ang mga kagamitan sa bahay ni Glenda. Itinuro na sa kaniya paano gamitin ang lutuan pati air fryer. Minabuti rin nito na masigurong pamilyar at komportable si Mingyu sa bahay niya. 

 

“Gamitin mo lang lahat ng gamit dito. ‘Yung mga pagkain sa ref at tukador, kainin mo lang. Lahat ‘yon ay para sa atin, Balong.” Maikling pagpapaalala ni Glenda. Alam niya kasing mahiyain ang pamangkin, at ayaw niya namang gutumin ito, at nangako rin siya sa nakatatandang kapatid na aalagaan niya si Mingyu. 

 

Tinupi ni Mingyu ang isang pirasong tinapay bago ito isawsaw sa tinimplahang mainit na kape. Si Glenda naman ay abala sa paglalagay ng binating itlog sa tinapay niya. Tahimik silang nagsasalo sa munting bahay—siguro ay hindi pa rin masiyadong sanay sa presensya ng isa’t-isa. Si Glenda na nasanay mag-isa at si Mingyu na nasanay na kasama ang pamilya.

 

“Isip ka na ng kukunin mong kurso, ha? Maglibot tayo ng mga unibersidad sa makalawa… kung may gusto kang pasukan, sabihin mo lang, balong.” Basag ni Glenda sa katahimikan sa hapag. 

 

“Balak ko po sana ay Political Science, Ta. Tapos kukuha po ng Civil Service para magkaroon ng tiyansa sa munisipyo kung sakali. Pwede po ba ‘yun, Tita?” Sinsero ang pagtatanong ni Mingyu. Isa ‘yun sa nakita niyang kurso na kahit papaano ay kaya ng pinansyal nilang estado kaya ‘yun na ang kinuha niyang kurso noong sumubok ito sa kanilang State U. Isa pa, dahil nga buong akala’y sa probinsya pa rin siya, umisip siya ng kurso na sa palagay niya ay mapapakinabangan niya sakaling manatili siya sa kanila. Nakahiligan na rin naman ni Mingyu ang pagbabasa, kaya sa palagay niya ay bagay sa kaniya ang naturang kurso. 

 

“Balak mo bang mag-abogado kaya Pol Sci? Sige, Balong… kung ano ang gusto mo.” Paglilinaw naman ni Glenda. 

 

“Kung ano ang gusto mo.” Hindi maiwasan ni Mingyu mapangiti ng bahagya. Hindi maalala kung ilang beses lang ba sa buong buhay niya na nagkaroon man lang siya ng pamimilian sa mga ganito kalaking bagay. Nasanay siya na kung ano lamang ang maihahain ay dapat lamang na malugod niyang tanggapin. 

 

Hindi sumagot si Mingyu. May bahagi sa kanya na pinoproseso pa ang kasalukuyan na mayroon siya. 

 

“Goy… Balong… tiis lang, ha? Ag an-anos ka, balong… para kenni Inang ken Amang mo… pati kanila ading mo… siyempre para sa’yo…” Nagsimula ng ligpitin ni Glenda ang pinagkainan.

 

“Ako na diyan, Tita.” Agarang tumayo si Mingyu at akmang sasaluhin ang hugasin. 

 

Masiyadong malambot ang puso ni Glenda para sa pamangkin. Alam niyang mahirap magpalaki ng anak, kaya nga hindi na rin niya binalak. Hindi maiwasan ni Glenda ang kurot sa puso nang mapagtanto kung gaano kaganda ang pagpapalaki ng Kuya Gardo niya sa mga anak. 

 

Pinigilan niya ang pamangkin sa pag-ako ng gagawin, “Balong… andito ka para mag-aral, hindi para maging kasama rito at akuin lahat ng gawain. Pamilya tayo, Goy… hindi ka iba sa Tita.” 

 

Matalinong binata si Mingyu. Alam niya kung ano ang ibig sabihin no’n. Alam niyang sinisiguro siya ng tiya niya na hindi siya pinapunta ng siyudad para maging utusan… para kawawain lang. 

 

“Salamat, Ta. Pagbubutihin ko po. Para sa akin. Kay Mama. Papa. Mikoy at Mikay. At… sa pagtulong niyo po sa amin…” 

 

Tanging ngiti na lang ang sinukli ni Glenda. 



-`♡´-



“Sigurado ka na sa Pol Sci, balong?” Naniniguro na si Glenda. Nakahanap na sila ng unibersidad para kay Mingyu. Ilang beses din silang nagkaroon ng diskusyon dahil nagpupumilit si Mingyu na sa maliit na unibersidad na lang pumasok. Ilang beses din nilinaw ni Glenda na ayos lang naman kung pribado ang papasukan nito, dahil kaya naman niya at bukal sa loob niya ang pag-aralin ang pamangkin.

 

Kaya heto na sila ngayon, nasa isang pribadong unibersidad sa loob ng Mendiola, nakapila sa Accounting at magbabayad na ng matrikula. Kaunti na lang ang napamilian ni Mingyu sapagkat karamihan ng unibersidad ay tapos na ang kani-kanilang entrance exam. Ayos lang naman kay Mingyu ‘yun, ang mahalaga ay makakapag-aral siya. 

 

Ngumiti si Mingyu. Hindi makapaniwala na nasa isang malaking unibersidad siya. Pila pa lamang para magbayad ng matrikula’y kita na niya ang lawak nito, kita na niya ang rami ng estudyanteng nagsisipag-daan, maging kung ano ang mga hubog nito. Aamin niya, kinakabahan siya, may kaunting takot dahil wala siyang kahit na anong ideya kung paano ang magiging tungo niya sa mga ito. Iniisip kung gaya rin ba sila ng mga tao sa barrio nila—mahinahon, kalmado. 

 

Bagama’t may alinlangan, ang boses ng pamilya na siyang naririnig tuwing gabi sa pagtatawagan nila sa telepono ang siyang nagpapakalma sa kaniya. Marinig lamang ang mga pangaral at bilin ng ina, ang pangungumusta ng ama, at pangungulit sa pasalubong ng dalawang nakababatang kapatid—lumalakas na ang loob niya. 

 

Nagsimula nang bilangin ni Glenda ang ilang libong hawak para ibayad bilang matrikula, at nang makuha na ito sa maliit na bintana ng accounting, inabot na kay Mingyu ang resibo’t listahan ng klase nito, doon pa lamang tuluyang nagising si Mingyu… narito na siya… nasa siyudad, at handa na niyang simulan ang bagong landas na tatahakin at kinabukasan na hahabulin. 

 

Sa kabila ng alinlangan at takot, hindi rin naman maalis ang ngiti kay Mingyu—nariyan ang umaatikabong antisipasyon sa kung ano nga ba ang hitsura ng silid-aralan, gaano kalamig, sino ang magiging katabi sa klase, at kung paano siya posibleng makapaglaro pa rin ng badminton. Eksayted na eksayted siya, at natutuwa naman si Glenda na napasaya niya ang pamangkin. 

 

Pinalaki si Mingyu sa isang payak na pamumuhay ng isang payak na pamilya— pinalaking nakatapak ang mga paa sa lupa. 

 

Paalis na sila ng unibersidad at nagyaya si Glenda na dumaan na rin sila ng mall upang kumain. Habang tinatahak nila ang daan pabalik sa kotse ng tiya, nagsalita si Mingyu, “Ta… salamat po. Salamat dito.” 

 

Napatigil naman sa paglalakad si Glenda. Ramdam niya ang sinseridad sa boses ng pamangkin. Bumabalik sa ala-ala niya ang lahat ng sakripisyo ng Kuya Gardo niya para sa kaniya noong mas bata pa siya—sa wakas, siya naman na ang nakatanggap ng pasasalamat. Hindi dahil may tinatanaw siyang utang na loob, gusto lang din ni Glenda na maibalik lahat ng sakripisyo at pagod ng Kuya Gardo niya. Ang nakatatanda niyang kapatid na siyang unang naniwala sa kaniya, na siyang kumayod noon mabigyan lang siya ng pamasahe at kaditing na baon nang piliin niyang sumugal sa Maynila. 

 

Ang makitang magtagpumay si Mingyu ay tropeyo para kay Glenda, dahil sa ganitong paraan, nakakabawi siya. Sa ganitong paraan alam niyang natutulungan niya ang kuya niya. 

 

“Welcome, Goy. Basta… aral ka lang ng maayos, ha? Hindi ko naman hinihiling na laging mataas ang grado mo. Basta– basta makapagtapos ka.” Sagot naman nito. 

 

Hinarap ni Mingyu ang tiya, “Opo, Ta. Pangako… susuklian ko po lahat ng pagod niyo nila Mama at Papa.” 

 

Nakikinig lang si Mingyu sa mga eksplenasyon ni Glenda habang bumabiyahe sila patungong mall. Pinapaliwanag kung ano ang mga pwede niyang sakyan, saan ang daan at ruta at iba pa. Taimtim na nakikinig si Mingyu, minamanmanan din ang maingay at mausok na kalsada, sinusubukang kabisahin lahat ng sinasabi ng tiya. 

 

Nang makarating sa mall ay agad siyang tinanong ni Glenda kung saan gustong kumain. Wala namang ideya si Mingyu kung ano ba ang mga gustong kainin ng tiya. Sanay lang naman siya sa kainan gaya ng Jollibee, Mang Inasal o Chowking—doon lang naman kasi sila halos nakain ng pamilya kung may sobra. 

 

“Kahit saan po. Ikaw na po bahala, Tita. Hindi ko po kasi alam kung ano gusto niyo.” May kaunting hiya, pero inamin pa rin niya na hindi siya pamilyar sa ganitong bagay. 

 

Tumango lang si Glenda, “Nakakain ka na ba sa Gerry’s Grill? Gusto mo ba ng sisig?”

 

“Hindi pa po. Nakain naman po ako ng sisig, lahat naman po kinakain ko. Hindi lang po talaga ako pamilyar sa mga kainan na andito.” Pag-amin pa muli niya. 

 

Nagpatuloy lang sa paglalakad si Glenda at Mingyu hanggang sa marating nila ang naturang kainan. Gaya ni Mingyu, ganoon din si Glenda noon—wala masyadong alam sa lawak ng mundo, walang ideya sa kung ano ba ang mayroon sa mga lugar na gaya nito. 

 

Hinayaan na ni Mingyu ang tiya pumili ng kakainin nila. Hindi rin naman siya mapili sa pagkain. Sa isip niya, sino ba siya para mag-inarte sa grasya kung sa tanang buhay niya ay sardinas, tuyo at dinengdeng ang halos bumuhay sa kanila ng pamilya niya. 

 

“Bili tayo ng laptop mo mamaya. Wala kasing kompyuter sa bahay, tapos ‘yung laptop ko’y ginagamit ko sa trabaho,” pagbukas ni Glenda ng konbersasyon habang nag-aantay silang dumating ang mga piniling pagkain. 

 

Gumuhit ng pagtataka ang mukha ni Mingyu, “Po? Para saan po?” 

 

“Sa school mo. Kailangan mo ng laptop, Balong. Kaya bibili tayo mamaya bago tayo mag-dessert.” 

 

Hindi pa rin naalis ang pagtataka sa mukha ni Mingyu, “Wala po bang piso net malapit sa atin, Tita? Doon po kasi ako gumagawa paminsan. Mura lang po.” 

 

Tumango-tango si Glenda. 

 

“Mas mabuti kung may laptop ka na, Goy. Para kahit nasaan ka magagawa mo ‘yung ipapagawa. Para rin hindi ka na sa mga computer shop gagawa.”

 

Nagsimula na ang serbedor ilagay sa mesa nila ang mga ulam. May sisig, kare-kare at sinigang na hipon. 

 

“Hindi ba mahal ang laptop, Ta? Tatanungin ko po muna sila Mama at Papa kung kaya po namin mabayaran sa iyo kahit buwan-buwan.” Diretsong sagot ni Mingyu na siyang ikinatawa ng Tita Glenda niya. 

 

“Goy… Balong… kasama ‘yan sa package. Kasama sa pangako kong pag-aralin ka ang ibigay din ang mga bagay na kailangan mo. Basta. Mag-aaral ka lang, ‘yun lang…” 

 

Alam naman ni Mingyu na wala na siyang magagawa kahit tumanggi pa siya. Bibilhan at bibilhan pa rin siya ng tiya. Iniisip na lang niya na magagamit naman talaga niya ito, aalagaan niya na lang para hindi agad masira. Aayusin ang pag-aaral para bawat sentimong ginagastos sa kaniya ay sulit—ay nasusuklian ng magandang resulta.



-`♡´-



May ilang linggo ring ginugol si Mingyu sa bahay ni Glenda. Kinabisa ang pangkaraniwang takbo ng isang araw ng tiya. Doon niya nakita na gumigising ito bandang alas-sais saka kakain at mag-aayos. Napansin niya rin na dalawang beses sa isang linggo lang ito kung pumasok ng opisina, ang natitirang tatlong araw ay sa bahay ito nagtatrabaho. 

 

Nag-presinta na rin si Mingyu na siya muna ang magluluto at maglilinis habang wala pa siyang pasok. Minabuti na rin ni Glenda na ipaalala na hindi naman kailangan laging maglinis o paglutuan siya kapag may pasok na si Mingyu. Ika nga niya, unahin pa rin daw niya ang sarili.

 

Ilang gabi rin na binutingting ni Mingyu ang laptop. Madali naman siya matuto, at kahit papaano ay gamay naman niya ang paggamit ng kompyuter sapagkat madalas naman ay sa piso net siya gumagawa ng ibang kailangan patungkol sa akademiko. 

 

May ilang araw din na sinubukan niya ang mag-commute patungong unibersidad, na madali naman niyang nakabisa. Alam na niya alin ang dapat sakyan, saan mas mabilis at alin ang may mas mahabang biyahe. 

 

Sa mga araw na wala siya masiyadong ginagawa, mas pinili niyang mag-ayos at maglinis sa bahay. Maraming araw at gabi rin ang iginugol niya upang makausap ang pamilya sa probinsya. May mga araw na sa text lamang sila nag-uusap, ngunit mas marami ang mga gabi na nagtatawagan sila. Para kay Mingyu, ang marinig ang boses ng pamilya niya ang siyang kapit na kailangan niya—ito ang siyang nagsisilbing lakas niya. 

 

Nakahanda na ang isusuot niya para sa unang araw ng klase kinabukasan. Isang maong na pantalon, itim na t-shirt, at ang kaniyang itim na Nike roshe run na siyang swerte niyang nakuha sa halagang dalawang daan sa ukayan sa bayan noong isang araw ng palengke. Mayroon din siyang itim na backpack na ang tatak ay Hawk, bili ng tiya kasabay ng pagbili nila ng laptop. 

 

At dahil unang araw pa lang naman, tanging ballpen, papel, payong, baunan ng tubig at pera ang siyang laman ng bag niya. Hindi niya rin nakalimutan dalhin ang imprinta ng Certificate of Registration niya kung saan nakalista ang mga klase niya. 

 

Mahigpit ang kapit ni Mingyu sa bag. Ilang beses siyang pinaalalahanan ng tiya na maging alerto sa biyahe dahil maraming tao ang mapagsamantala. Minabuti niya ring agahan ang pagpasok kahit pa alas nuwebe ang unang klase niya. Hindi pa naman kasi niya kabisado ang pasikot-sikot ng unibersidad kaya mas mabuti na ‘yung maaga kaysa mahuli siya. 

 

Alas otso pa lang ay nakarating na siya sa pupuntahan. Maraming estudyante ang naglalakad, may iilang kumpulan at tila nag-uusap sa kung ano ba ang nangyari sa bakasyon. 

 

Wala pang kakilala maski isa si Mingyu. Mamaya pa lang niya makikita ang mga kaklase. 

 

Mahigpit ang hawak niya sa COR, tinitigan at binasang mabuti kung saan ba ang unang klase niya. Kita na nakalagay sa ‘building’ ay TBA. Sa totoo lang, hindi niya alam kung saan ang TBA. Nasanay din kasi sa dating eskwelahan na naka-paskil sa harap ng pinto ng bawat silid ang mga pangalan nila. 

 

Minabuti niyang magtanong. Ilang beses niyang sinubukan lapitan ang ilang estudyante pero hindi siya matuloy-tuloy gawa ng hiya at marami sa kanila ay mabilis ang paglalakad. 

 

Trenta minuto na lang ay alas nuwebe na, pero hindi pa rin alam ni Mingyu kung saan ba ang kwarto ng unang klase niya. 

 

Sakto ay may nakita siyang binata na mabagal ang paglalakad. Suot ay itim na pantalon, kayumangging mahaba ang manggas na tila gawa sa makapal na sinulid na siyang pinatong niya sa panloob na puting t-shirt. Wari niya’y laking Maynila ang isang ‘to. Kita sa postura nito na sanay siya sa paligid, at maging sa suot pa lang ay alam mong hindi galing probinsya. 

 

Mabagal ang bawat hakbang ng isang binata, hindi mo kikitaan ng kaba o pagmamadali. Malayang tinatapakan ang damuhan ng unibersidad. Napatingin sa de-keypad na telepono si Mingyu. Halos bente minutos na lang at magsisimula na ang klase niya. 

 

“Ex… excuse me po… pwede po ba magtanong?” Putol-putol ang pananalita ni Mingyu. 

 

Agad namang inalis ng binata ang suot na earphones sa tainga, “What is it?” 

 

Napakamot sa ulo si Mingyu, “Ah… saan po ba ‘yung building TBA? Bago po kasi ako rito…” 

 

Tuwid ang mukha, halos may kaunting pagtaas ng kilay, pakiramdam tuloy ni Mingyu ay mali na dito siya nagtanong. 

 

“TBA means To Be Announced,” buo ang boses ng binata nang sagutin ang tanong ni Mingyu. Unti-unti namang umangat ang dugo sa ulo ni Mingyu—nahihiya at bakit hindi niya naisip ‘yon.

 

Nilakasan ni Mingyu ang loob, sa palagay niya’y hindi naman na muli sila magkikita ng estudyanteng kaharap. Malawak naman ang unibersidad, imposibleng magkita pa muli sila. 

 

“Saan? Saan po pala pwede makita garod ‘yung room? Pasensya na po…” 

 

Nagpasak na ulit ng earphones ang lalaki, “Check your student portal. It should be there.” Sagot nito at saka lumakad na palayo. 

 

“Ah… sige po. Salamat po!” Hindi sigurado kung narinig ba siya nito.

 

“Patay! Paano ko mabubuksan ang portal?” Isip-isip ni Mingyu. Maliban sa hindi niya dala ang laptop, de-keypad lang ang telepono niya, wala rin siyang kahit na sinong kilala. 

 

Unang araw pa lang, may aberya na agad. 

 

Sinubukan niyang humanap ng kompyuter shop sa paligid ng unibersidad, at dahil hindi pa naman niya ganoon kabisado ang bawat kanto nito, bigo siya. 

 

“Kaya mo ‘to, Goy! Kaya mo ‘to!” Pagpapalakas niya sa loob. Tagaktak na ang pawis sa noo, halos bakat na rin ang butil ng pawis sa likod nito. 

 

Mula sa maliit na barrio, madali masolusyunan ang bawat maliliit na abala na makaharap niya. Nariyan agad ang mga kapitbahay para mag-bayanihan, sa eskwelahan, natutugunan naman agad ng guro kung may katanungan—ngunit sa lawak ng lugar na kinatatayuan niya ngayon, kasabay ng mga estudyanteng akala mo ihip ng hangin ang bawat kibot—natataranta siya, kinakabahan at pakiramdam niya’y nag-iisa siya. 

 

Natutuliro na si Mingyu habang nakatayo sa gitna ng unibersidad niya, patuloy ang pagtulo ng pawis sa katawan, kumakabog ang dibdib kasabay ng kaunting nginig ng mga kamay. Sinilip niya ang de-keypad niyang telepono—9:30 na ng umaga—trenta minutos na siyang huli sa unang klase niya. 

 

Bago pa siya tuluyang lamunin ng takot, minabuti na lang niyang magpunta sa opisina ng registrar upang magtanong. Hindi naman siya nabigo. Hinanap ng tao roon kung saan ang gusali ng unang klase niya. Nahanap na rin naman niya matapos ang panik-panaog sa ilan pang gusali—nalilito kung saan ba pupunta. 

 

Ayaw na ayaw ni Mingyu ang lumiliban sa klase, pakiramdam niya’y marami siyang nakakaligtaan kahit isang araw lang na hindi pumasok. Halos alas diyes na ng umaga nang makarating siya sa silid niya—isang oras na ang nasayang, isang oras siyang huli. Dalawa lang naman ang pagpipilian niya—ang pumasok at mapagalitan o lumiban at umiwas sa nagbabadyang kahihiyan. Labag man sa loob niya, mas pinili na lamang niyang humakbang palayo sa unang klase. Minabuti niyang hanapin na lang ang kasunod. 

 

Dama niya ang kaunting kalungkutan. Ramdam niya ang kaunting pagkabigo. Hindi maiwasan ang ikumpara ang karanasan mula sa probinsya. Doon… kalmado ang bawat agos, banayad ang bawat kilos. Ibang-iba sa kung ano ang nararanasan niya ngayon. Pakiramdam ni Mingyu ang halaga ng bawat segundo. Para siyang nagmamadali, laging may hinahabol—at kailangan na niyang masanay dahil umpisa pa lang ‘to. 



-`♡´-



Maagang nakarating si Mingyu sa ikalawang klase. Nauna pa ngang maka-upo, at wala pang isang oras, nanunuot na sa balat ang lamig dala ng erkon. Wala pa man din siyang dalang jacket, isa na naman ito sa dapat niyang alalahanin. 

 

May iilan na siyang kaklase na pumapasok sa silid, may iba na nag-iisa pero bihira, karamihan ay may kasama na. Kadalasan pa ng mga dumating ay nagtatawanan at kwentuhan. Napaisip siya, “Marami na bang nangyari sa unang klase kaya halos magkakaibigan na sila agad?” 

 

Mayroong tatlong estudyante ang pumasok at rinig niya ang maligalig nilang tawanan. Ang isa’y lalaking may katangkaran, medyo moreno, at kitang-kita ang tangos ng ilong nito, ang kasama naman niya’y mas maliit ng kaunti ngunit litaw na litaw ang medyo malaman na pisngi. May kasama rin silang babae na katamtaman ang tangkad, at kita ang mayumi nitong mukha. Napangiti si Mingyu sa nakita, iniisip na baka magkakaibigan na talaga sila noon kaya ganyan na lamang sila kalapit ngayon. 

 

Sa tabi niya umupo ang isa sa mga magkakaibigan, ang dalawa naman ay sa harap niyang upuan. Nginitian niya ang tatlo.

 

Inayos muna nila ang gamit bago hinarap si Mingyu. 

 

“Hi! Anong name mo?” Tanong ng isang lalaki. 

 

Natawa naman ang babae nilang kaibigan, “Wow! Introduce yourself pala.” 

 

Ngumiti si Mingyu, “Mingyu Manuel A. Kim. Mingyu na lang. Kayo?” 

 

“Dokyeom S. Lee. DK na lang. Tropa na tayo, ha?” Sunod-sunod nitong ani. 

 

“I’m Jennie Ruby J. Kim. Same surname tayo! Jennie na lang.” Pagpapakilala naman ng babae. 

 

“Ako si Seungkwan D. Boo. Boo na lang itawag mo sa akin. Mas sanay kasi ako sa apeliyido ko.” Paliwanag naman ng isa. 

 

“Sige garod … DK, Jennie at Boo.” Mahinahon niyang sagot patungkol sa pagpapakilala nila. Nagulat naman siya nang nanlaki ang mata ni Boo. 

 

Napatayo si Boo sa kinauupuan, ‘yung tipong maligalig at akala mo’y sobra siyang nagulat, “No way! Ilocano ka rin? Saan ka?” Tuloy-tuloy niyang tanong.

 

Tila nabunutan ng tinik si Mingyu nang marinig ang tanong, “Oo… pero paano mo nalaman?” 

 

Tumaas-taas ang kilay ni Boo, “Sige… garod …”

 

Doon lang napagtanto ni DK at Jennie ang usapan, “Hala! Oo nga! It’s your usual expression, Boo!” Masayang sabi ni Jennie. 

 

“So? Saan ka? Baka kapitbahay pala kayo ni Boo,” tanong ni DK. 

 

“Pangasinan. Ikaw ba, Boo? Saan ka?” 

 

Pumalapak si Boo, “Tarlac ako! Hala! Halos magkalapit. Kaunting kembot na lang, Pangasinan na ako ‘no.” 

 

“Nice! Nice!” Segunda ng dalawa. 

 

May kung anong kalma ang dala na malaman niyang may kapareho siya. May kung anong dalang hagod sa pakiramdam ang malaman na mayroon din naman pala na iba pang galing probinsya. Wari ni Mingyu ay mas madadalian siyang gamayin ang bagong lugar ngayon na may mga kakilala na. 

 

“May friends ka na ba dito sa block? Kung wala pa sa amin ka na lang… please ?” Akala mo’y aagawan ng kendi kung hindi payagan ang tono ni DK. 

 

Wala naman sa isip ni Mingyu ang tanggihan ang alok na pagkakaibigan. Naisip niya rin na malaking tulong sila upang mapagtanungan kung kinakailangan. Natutuwa rin siya na binati nila siya. Ngayon, pakiramdam niya’y hindi na siya nag-iisa. 

 

Sunod-sunod na ang naging kwentuhan nila. Nagpapakilala sa isa’t-isa. Madali namang gumaan ang loob ni Mingyu sa tatlo. Namamangha pa sa nalaman na hindi naman pala sila magkakakilala, nagkataon lang na sila ang magkakatabi sa unang klase na hindi niya napasukan. Binalitaan na siya kung ano ang naganap, mabuti naman at wala naman daw masiyadong nangyari maliban sa pagpapakilala. 

 

Limang minuto na lang at magsisimula na ang klase, hindi na napansin ni Mingyu na dumami na pala ang estudyante sa loob ng silid. Halos okupado na lahat ng upuan. 

 

Sakto lingon niya sa pintuan nang may pumasok na dalawang matangkad na lalaki. Parehong may maamong mukha, at kitang-kita mo ang tila inukit na hulma nila. Parehong may kaputian, at ramdam mo ang lambot ng mga balat. Ito ‘yung mga mukha na halos sa telebisyon mo lang makikita. 

 

Pamilyar ang isa kay Mingyu. Inaalala saang palabas ba niya nakita. At bago pa siya tuluyang malunod sa pagalala sa memorya, naunahan na siya ng paglamon mula sa hiya. 

 

‘Yung isa sa nahuling pumasok ang siyang pinagtanungan niya kanina. Akala pa naman niya’y hindi na ulit sila pagtatagpuin—swerte nga naman, kaklase pa niya.

 

“Grabe talaga si Jun at Wonwoo ‘no?” Sabi ni DK.

 

Nagtaka si Mingyu, bahagya namang natawa si Jennie at Boo. “Halata mong mga manglalamon sa klase eh, noh? Introduction pa lang kanina sa RPH, pak na pak na!” Si Boo. 

 

Kaklase niya nga. Nasa iisang block sila. Bulong na lang niya sa hangin ay sana hindi siya namukhaan nito, dahil hanggang ngayon nahihiya pa rin siya sa tinanong. 

 

Halos hindi na marinig ni Mingyu ang usapan ng tatlo, natatabunan ng iniisip ang bawat kwento. Hindi naman niya sinasadyang mapatitig, hindi sinasadyang mapatagal ang tingin sa maamong mukha ng kaklase. 

 

Akmang pabalik na sana ang hwisyo sa tatlong kaibigan nang magtama ang mata nila ng kaklase. 

 

Matalas. Diretso. Akala mo’y walang sinasanto. 

 

Parang nalulusaw si Mingyu sa kinauupuan. Nakatingin mata sa mata. Ganoon lang. Pero pakiramdam niya’y binabasa na nito ang buong pagkatao niya. Bago pa man siya makaiwas ng tingin, napansin niya ang pagtaas ng dalawang kilay nito—ni walang ideya ano bang ibig sabihin no’n. Ang hirap basahin ng ekspresyon. Hindi alam ni Mingyu ano ba ang mayroon sa mga tingin na ‘yon. 

 

“Anong pangalan no’n?” Tanong ni Mingyu sa tatlo. At bago pa ulit niya mapagtanto ang tanong, kita niyang nakatalikod na ang binata. Naka-upo sa pinaka-gitna at harap na upuan sa klase. 

 

“Wonwoo. Wonwoo Louise S. Jeon.” 

 

At bilang usyoso, nagtanong pa si Boo, “bakit?”

 

Wonwoo. Wonwoo Louise S. Jeon. Bagay sa kaniya ang pangalan niya. 

 

“Ah… wala… parang—parang pamilyar lang.” 

 

Nagkibit-balikat na lang ang mga ito at saka sumagot si Jennie, “Gets. He’s everywhere. He’s really popular.” 

 

Natapos ang araw ni Mingyu na halos makabisado na ang lahat ng kaklase sa dami ng pagpapakilala nilang ginawa. Hindi pa nagsimula ang bawat klase niya, puro lamang pagpapakilala at pagpapaliwanag ng kung ano ba ang dapat nilang antisipahan sa buong semestre. 

 

Nakinig naman si Mingyu sa lahat. Sigurado siya. Siguradong pinakinggan ang bawat kaklaseng nagbabahagi kanina. Pero may isang tumatak. May isang namutawi sa lahat. 

 

“Wonwoo Louise S. Jeon. You can call me Wonwoo. I’m 18 years old and I want to be a lawyer someday, just like my father. My interests are writing, reading and painting. Nice to meet all of you.” Parang sirang plaka na paulit-ulit tumutugtog sa utak niya. Hindi mabura sa memorya ang mga ngiti nitong pinamalas sa buong klase. Sa isip-isip ni Mingyu, bakit ngayon lamang siya nakakita ng ganoong klase ng mukha. 



-`♡´-



Nagkaroon man ng aberya, nairaos pa rin naman ni Mingyu ang unang araw sa eskwela. Paniguradong ibabalita niya ang lahat ng nangyari sa pamilyang nasa probinsya. Pero bago pa niya tuluyang lisanin ang silid sa huling klase, hinihila na siya ni DK at Boo, tahimik lang na nakasunod si Jennie sa kanila.

 

“Kain muna tayo! 3 PM lang naman… tiyaka… first day, oh!” Pag-aya ni Boo.

 

“Tara! Tara! Sama ka, Mingyu! Kahit meryenda lang sa Jollibee,” maktol naman ni DK habang hinihila na sila palabas. 

 

Wala nang nagawa si Mingyu kung hindi magpatianod na lang sa mga kaklase. 

 

Hindi naman sa tinitipid siya ng tiya Glenda. Sa katunayan nga ay binigyan na agad siya ng dalawang libo para baon ngayong linggo. Hindi siya sanay. Nakagisnan lamang ay ang singkwenta pesos na baon sa isang araw, minsan bawas pa kung sakali na may baong biskwit o tinapay. Para kay Mingyu, malaking halaga na ang dalawang libo, wari niya’y isa na siyang milyonaryo. 

 

Nakapila na sila ngayon sa Jollibee. Si Jennie at Boo ay nasa upuan na, nagbilin na lang ng ipapabili para raw may maupuan na. Nariyan siya, sa likod ni DK, tinititigan ang bawat paskil, sinusuri alin ba ang pinaka-mura.

 

“Tama! Burger na lang… ‘yung walang cheese at inumin…” Isip-isip niya. Kung tutuusin, singkwenta pa lang naman nababawas niya sa baon, saktong kinargahan na rin naman kasi ng tiya ang beep card niya. Naaalarama pa rin siyang gumastos lalo pa’t alam niyang may makain naman kapag uwi niya. Hindi na rin naman kasi siya makatanggi, hinila at nahiya na rin siya—kaya heto, kukunin na lang ang pinaka-mura. 

 

“Burger na lang sa akin, DK,” ani ni Mingyu sa kakalaseng naka-pila sa harap niya.

 

Nilingon siya nito, “Large na ba ‘yung drinks? Eh ‘yung fries?” 

 

Napalunok siya.

 

“Burger lang… busog pa kasi ako…” Hiling niya lang ay sana hindi na magpumilit si DK, sana ay ‘wag na siyang magtanong pa. 

 

“Okay.” Maikling sagot nito. “Upo ka na do’n… ako na bibili.” 

 

Hindi ata nauubusan ng kwento si Boo at DK, si Jennie, hindi rin nauubos ang tawa sa bawat buka ng bibig ng dalawa. Masaya naman sila kasama. Madali silang pakisamahan. Mukha rin namang simple sila. Ayos na ayos. Ewan ba ni Mingyu bakit biglang naiilang na siya. 

 

Spaghetti na may manok ang kay DK. Palabok, jolly hotdog at peach mango pie ang kay Boo. Cheeseburger na may bacon at fries, at oreo sundae ang kay Jennie. Samahan mo na rin na lahat sila’y may inuming coke at iced tea.

 

At si Mingyu? Ayun! Dahan-dahang nginangata ang burger niyang walang keso. Bawat kagat, halos lumalagok ng tubig mula sa baunan niyang kanina pa niya pa ni-refillan sa loob ng unibersidad.

 

Hindi naman siya gutom, pero natatakam na rin siya sa amoy ng manok. Naaalala kung paano pa mag-agawan ang dalawang kapatid sa balat ng chicken joy—palibhasa bihira sila kumain sa Jollibee. 

 

Patuloy sa kwentuhan ang mga kaklase, paminsan ay may tinatanong sa kaniya na agad niya ring sinasagot, pero sa bawat kagat niya sa kinakaing tinapay, mas nawawala ang mga ugong na naririnig. Napagtanto na normal pala sa maraming tao ang makakain sa Jollibee. Normal sa kanila ang kumain rito kahit kailan nila gusto—hindi gaya sa kanila, kailangan pa ay may okasyon para lang makalabas sila. 

 

Walang kaso sa mga kaklase niya. Simula’t-sapul alam naman niyang naiiba sila. Hindi lang niya maiwasan maalala ang naiwang pamilya sa barrio. “ Kamusta na kaya sila? Kailan kaya ulit maipapasyal ang mga kapatid niya? May gasul pa kaya sila?” Iyan ang mga naglalaro sa isipan niya.

 

Hindi niya alam paano uubusin ang tinapay. Wala man lang nagbigay babala sa kaniya. Wala man lang nakapagsabi na ganito pala—lulunok ka ng pagkaing kung ituring niyo ay luho samantalang wala kang ideya kung ano ba ang hinahain sa mesa ng mga minamahal na naiwan mo sa malayo.



-`♡´-



Mabilis lang lumipas ang unang linggo sa unibersidad, hindi na namamalayan ni Mingyu ang bilis ng pagpilas ng pahina sa kalendaryo. Noong una, halos gabi-gabi niya pang natatawagan ang pamilya, ngayon ay bihira na—parami na rin kasi ng parami ang ginagawa sa eskwela. 

 

Mas malapit na sila ng Tiya Glenda niya ngayon, mas komportable na sa presensya ng isa’t-isa. Mas may lakas na siya ng loob sambitin ano man ang saloobin niya. Kumpara noong unang salta, mas kabisado na niya ang siyudad ngayon—hindi na takot kapag nakakakita ng kumpulan ng taong patawid, bagong talento na ang pagtayo sa tren na hindi natutumba, maging ang pagkasyahin ang kalahati ng pwet sa tuwing nagpupumilit ang barker sa jeep na kasya pa raw ang lima. 

 

Isa pa sa nagkaroon ng progreso ay ang relasyon niya kanila DK, Boo at Jennie. Sila na nga talaga ang naging barkada niya, magkakatabi sa halos lahat ng klase. Sila-sila na rin ang magkakagrupo sa tuwing may ipapagawa ang propesor na kailangan at pangkatan. 

 

May progreso sa pamumuhay niya sa Maynila. Binibiro nga na parang sanay na sanay na raw siya. Taliwas doon ang katotohanan. May mga gabi na napapatitig siya sa kisame, iniisip bakit parang ang bilis ng mga pangyayari pero ang bagal ng isang araw. Sa probinsya, pagsapit ng alas-singko, marka nitong tapos na ang isang araw. Bukas na ulit. Pero dito? Ngayon? Alas siyete na ng gabi, wala na ang haring araw at tumatanglaw na ang mga bituin at buwan, pero malakas pa rin ang busina ng iba’t-ibang klase ng sasakyan, dagsa pa rin ang mga tao kaliwa’t-kanan. 

 

Sa dalampu’t-apat na oras na ikot ng mundo sa imahinasyong guhit nito, sinubsob ni Mingyu ang sarili sa pag-aaral, pinag-iigihan ang pagtatalata sa bawat salitang gusto niyang iparating. Hindi nawala ang panaka-nakang pagtawag sa pamilya sa probinsya, maging ang pagtulong sa tiya sa mga gawaing bahay. 

 

Datapwa’t nasasanay na, may mumunting boses pa rin ang kumukulit sa isipan ni Mingyu. Kung ano man ang mga marangyang bagay na tinatamasa niya ngayon, wari niya’y utang ito na siyang kailangan pagbayaran pagdating ng panahon. 

 

Kung ituring ni Mingyu ang buhay sa Maynila ay karangyaan. Ang dating pantawid-gutom na tokwa at dahon ng kangkong ay napalitan na ng siomai rice at minsan kapag mas kumakalam ang sikmura ay ang mix and match sa Jollibee. At para sa kaniya, karangyaan na ang matikman ang mga ‘to—at doon nagsisimulang sumagi sa isip niya na wala siyang karapatan kumain ng masarap dahil utang niya sa ibang tao ang lahat ng ‘to. 

 

Mas umiigting ang panga sa bawat nguya, dahan-dahan sa paglunok, tulala sa kawalan—nagbago ang buhay niya, pero bakit parang hindi niya magawang maging masaya. Na para bang may kung ano ang pumipigil sa kaniya na tamasahin ang gaan ng buhay ng kasalukuyan niya. 

 

Binabagabag siya ng konsensya kahit wala namang ginagawa. Animo’y hinahatulan na may sala kahit wala namang masama. 

 

Ilang beses na ba ‘to nangyari? Hindi niya mabilang. Pero may iilan na tumatak sa kokote niya sapagkat ramdam hanggang kaibuturan ng buto ang pagbulong ng konsensyang hindi malinaw sa kaniya saan ba nagmula. 

 

Hindi malinaw dahil sa pagkakaalam ni Mingyu, wala naman siyang ginagawang mali. Walang ginagawang masama. 

 

“Mingyu! Anong IG username mo?” Masiglang tanong ni Boo habang binababa ang gamit sa upuan. Saktong wala kasi ang propesor nila sa unang klase kaya mas napa-aga ang tanghalian nila. 

 

Bahagyang may pagkunot sa noo ni Mingyu, nagtataka sa naturan ng kaibigan. Hindi pa man napoproseso kung ano man ‘yun ay sumegunda na si DK, “Oo nga… ano IG mo? Follow tayo… tagal na nating friends pero hindi pa rin tayo mutuals doon.”

 

“Buti na lang nga Facebook friends mo na kami…” Si Jennie.

 

Ang totoo niyan ay wala ring Facebook account si Mingyu noon, dala na rin na de-keypad lang ang telepono nito. Ang kaso, hindi naman niya pupwedeng bitbit na bukas maski sa biyahe ang laptop niya. 

 

Halos isang buwan din bago niya napagtanto na kaya pala hindi niya nalalaman ang iba sa anunsyo sa klase ay dahil sa FB messenger ito nilalatag ng class beadle nilang si Wonwoo. Nagpaturo pa siya sa tiya kung paano ba ‘yun, at saka siya ginawan ng sariling account. Binilhan na rin siya ng bagong teleponong touch screen at pwede na kumonekta sa WiFi at may data. May Facebook at FB messenger na siya—pero siyempre ilang laban-bawi muna ang nangyari sa kanila ng tiya Glenda bago niya tinanggap ang binili nitong telepono na nasa halagang pitong libo. 

 

“Ano ba ‘yun, Boo? Ano ‘yung IG?” Inosente niyang tanong. 

 

Si Jennie ang nagpaliwanag, “Parang Facebook din, Mingyu. Pero more on photos ang postings and stories too. Parang sa my day. You’re not fond of social media kasi, ano?” 

 

Tumango si Mingyu, “Ah… oo. Wala akong hilig diyan. Ayos na iyong FB, tutal kaya lang din naman ako napagawa no’n dahil sa mga announcement sa klase,” mahaba niyang paliwanag. 

 

Ni wala nga rin laman ang Facebook niya, ultimo isang litrato bilang profile picture, wala. Maliban sa hindi niya hilig, wala rin naman raw siyang kahit na anong pwedeng ilagay doon. Pakunwari pa ngang nagtampo si DK no’n, ang sabi’y pwede naman daw niya ilagay ang mga litrato nilang magkakaibigan. 

 

Bagama’t kaibigang tunay ang turing niya sa tatlo, maging ang pagpapahalaga nila sa kaniya ay dama naman niya—hiram mula sa langit pa rin kung tignan niya sila lalo sa tuwing naalala ang kani-kanilang reyalidad. 

 

Si Boo, simula pa elementarya ay pinasok na ng mga magulang sa pribadong badminton training center. Si Mingyu, umaasa sa coach niyang nagtiwala sa kakayanan niya.

 

Si DK na eded dise-otso pa lamang pero dala-dalawang kotse na ang pinagsasalit imaneho. Si Mingyu, tanging ang kuliglig na pagmamay-ari pa ng amo ng ama ang minamaneho sa tuwing tumutulong siya sa ani at paglalako.

 

Si Jennie, pumapasok halos araw-araw iba-ibang bag at sapatos ang suot at lagi pang may bitbit na mahal na kape o inumin. Si Mingyu, halos matulog siyang katabi ang bagong bag na binili sa kaniya sa sobrang galak. 

 

Kabaliktaran ng buhay nila ang kung ano ang mayroon siya. 

 

Inseguridad nga ba? O masiyado lang niyang binuhay ang sariling nakatapak sa lupa, na ang kaunting pag-angat ng mga paa ay tila pagtalikod sa kung sino at ano siya. 

 

Inggit nga ba? O baka nas nananaig ang takot—ang takot na baka balang araw ay singilin siya ng mga tao sa kung ano ang pinadama sa kaniya. Natatakot sa kung ano man ang pinakain sa kaniya ay baka ipasuka rin sa dulo.

 

Siguro nga’y nag-iingat lang siya. Siguro nga’y ayaw niya lang masanay. Pero mali ba na pagbigyan ang sarili kahit minsan? 

 

Malapit-lapit na rin matapos ang unang kalahati ng semestre, ibig sabihin lang nito’y mas dumarami na ang ginagawa nila.

 

“Please?! Aral na tayo sa cafe? Kahit ‘yung Starbucks na lang diyan sa La Co or Tims,” kanina pang pag-aya ni Boo. 

 

Ginulo ni Jennie ang buhok ng kaibigan, “If everyone’s G, I’m G.” 

 

Agad na tinapunan ng tingin ni DK si Mingyu. Madalas kasi siyang tumanggi sa mga aya nila. 

 

“Ano, Gyu? Sama ba tayo, pre?” Ani DK.

 

Gustong tumanggi ni Mingyu dahil alam niyang masiyadong mahal ang mga bilihin do’n. Kasya pa naman ang baon niya sa buong linggo, pero nanghihinayang pa rin sa gagastusin. 

 

Pero para saan pa’t nabubuhay ka kung palagian mong lilimitahan ang sarili kahit na may pahintulot naman na ng sitwasyon. Sapat pa ang baon, medyo inaantok na siya, marami pang gagawin— sige, sapat na dahilan na ang lahat ng ‘yan para sumang-ayon.

 

“Si—sige… tara na?” At agad siyang tinitigan ng tatlo, nanlaki ang mga mata, at may malapad na ngiti. Agad nilang nilisan ang okupadong mesa sa silid-aklatan, at nagtungo sa naturang kapehan. 

 

Sanay sa hamon ng buhay si Mingyu, dala na rin ng buhay na mayroon siya sa probinsiya. Pero lulan nang makarating siya sa siyudad, marami-raming maliliit na bagay din ang prinoblema niya. 

 

Isa ang sitwasyon niya ngayon sa sumusubok sa katauhan niya. Nakapila na sila ngayon ni DK sa Starbucks. Si Jennie at Boo ay pirmi na ang upo. Nag-presinta naman na si DK na siya na ang bibili, sinamahan na lamang siya ni Mingyu. Sumama dahil hindi niya masagot ang tanong ni DK sa kung ano ba dapat ang kaniya. 

 

Maiging binabasa ni Mingyu ang mga karatulang naka-paskil sa kapehan. Tinititigan din ang pagkaing nasa tapat nila sa pila. 

 

Kayang-kaya niya basahin lahat ng inumin na naroon—caramel macchiato man ‘yan o croque monsieur. Ang kaso? Hindi niya alam ano ang lasa ng mga ‘yan. Iniisip niyang kunin na lang ang americano dahil ‘yun ang pamilyar sa panlasa niya, pero minsan na lang siya nandito, ba’t naman ‘yung itim na kape pa na halos araw-araw naman na niyang natitikman sa anyo ng nescafe stick. 

 

Mabuti na lamang at dahan-dahan ang usad ng pila, walang tao sa likod—kalmado siyang nag-kokontempla kung ano ang iinumin niya. Kung magtatanong siya sa kaibigan, sasagutin naman siya, pero ewan ba niya, gusto niyang lutasin ‘tong maliit na problema na mag-isa. 

 

studiousxcz :D

3:15 PM 

 

Seungkwan Boo

@DK Pogi kuha mo ako blueberry chez keyk

charge mo na lang diyan sa card ko

 

Jennie Kim

Mine’s roasted chicken pesto na lang pls

Care of Boo nga pala hihi <3

 

DK Lee

noted. ba’t kami wala?

 

Seungkwan Boo

kuha na kayo kahit ano

ask Mingyu na rin. my treat, kasi ako nagyaya :) 

 

DK Lee

oks. pasta sakin 

 

Mingyu Kim

Ikaw na garod bahala sa akin, DK

Salamat, Boo

 

Ibubulsa na sana ni Mingyu ang telepono at saktong naka-usad na rin ang pila, sila na ni DK ang sunod na bibili—wala pa rin siyang naiisip kunin. 

 

“Excuse me. Next daw.” 

 

Medyo nagulat pa si Mingyu nang may magsalita sa likod niya. Agad naman niya itong nilingon. Para siyang na-estatwa sa kinatatayuan, nakatitig sa kaniya ngayon ang class beadle nila, ‘yung lalaking pinagtanungan niya noong unang araw ng eskwela—’yung kaklase niyang bighaning-bighani siya. Si Wonwoo Louise Jeon. 

 

“So… sor–” nauutal, natutulala. 

 

“Gyu, pre… Dito ka na,” tawag ni DK sa kaniya. 

 

Mabuti na lamang at nagsalita si Jun, isa pa niyang kaklase at matalik na kaibigan ni Wonwoo, “Oh, Mingyu… DK’s calling you na.” 

 

“Sorry…” At saka yumuko na akala mo’y may nagawa siyang hindi kaaya-aya. Natawa si Jun, at si Wonwoo naman ay kumunot ang noo—nagtataka sa inasal ng lalaki. 

 

“You know him?” Tanong ni Wonwoo kay Jun. 

 

Humawak naman sa braso nito ang kaibigan, “Of course! Blockmate kaya natin siya… and he’s like… cute and, you know smart too…” 

 

Umirap si Wonwoo, “I know… I know he’s our blockmate. I meant his name… and wow, ha? Seems like you have a crush on him pa?”

 

Bumitaw ang kaibigan sa pagkakahawak, “Oh, why? Bawal ba, Lou? Hindi mo naman type mga likes ni Mingyu eh… so I can crush on him…” 

 

“Yeah, you can. He’s not my type… besides, I don’t even know his name until you mentioned it today,” malamig ang tono ng pananalita niya, halata mong walang bahid ng kahit anong emosyon—walang kahit na anong apeksyon, walang pakialam. 

 

Sa kabilang banda, hindi pa man nakakahigop ng kape, ni hindi pa nga nakukuha ng barista ang nais niyang bilhin—may nginig ng nararamdaman si Mingyu. 

 

Tapos na basahin at sabihin ni DK ang kani-kanilang order sa barista, “Ano sa’yo, pre? Ano rin pagkain mo do’n sa libre ni Boo?” 

 

Sumulyap muna si Mingyu sa gilid, at doon niya nakita si Wonwoo—mas lalong bumilis ang kabog ng dibdib niya. 

 

“Ah… Chocolate chip po, ‘yung pinaka-maliit lang. Tapos—tapos ‘yung chocolate cake na lang po…” Dire-diretso niyang sabi sa barista. Ni hindi nga niya namalayan na parehong matamis ang binili niya kung hindi pa siya sinabihan ni DK na ‘sweet tooth’. 

 

Titiisin na lang siguro ang sakit ng lalamunan dala ng pagkataranta sa presensya ni Wonwoo. 



-`♡´-



Mag-tatatlong buwan na ang unang semestre, at ‘yan din ang bilang ng buwan na sumisilay si Mingyu sa paborito niyang kaklase. May kung anong gumuguhit na ngiti sa tuwing makikita niyang papasok na ang kanilang beadle. Manghang-mangha sa tuwing sumasagot ito sa klase—at ultimo sa pagpapaalala sa kanilang group chat ay walang mintis kung paano siya mapangiti nito. 

 

‘Happy crush’ kung tawagin ng nakararami—ayun nga siguro ang nararamdaman ni Mingyu para sa kaklase.

 

Kung sa bagay, sino ba naman ang hindi mabibighani sa kaniya? Si Wonwoo Louise Jeon na magandang lalaki, matalino, magaling at higit sa lahat may mataas na pagpuri at tiwala sa sarili—kayang-kaya niya dalhin ang sarili, at kitang-kita ng lahat ‘yon. 

 

Wala namang balak si Mingyu na pormahan si Wonwoo. Unang araw pa lang, alam naman na niyang hindi niya ito abot—rinig sa iba’t-ibang tao, maging sa mga kaibigan gaano siya kalaki bilang tao. Apelyido pa lang ay nagsusumigaw na ng identidad. Kilala siya ng maraming propesor sa unibersidad, maging ang pamilya niya. Alam kung sino si Wonwoo Louise Jeon—kilala ng marami, tinitingala at pinagkakatiwalaan. 

 

Maliban sa dis-proporsyon nilang buhay at pagkakakilanlan, wala rin naman sa isip ni Mingyu ang manligaw o umibig. Pamilya at pag-aaral—’yan una sa linya. 

 

Sapat na ang masulyapan niya si Wonwoo paminsan-minsan. Sapat na ang mabasa niya ang pangalan at mga anunsyo nito sa kanilang class group chat. Kuntento na sa presensya niya sa klase.

 

Kuntento man sa mga nakaw na tingin, panandaliang titig at mabilisang sulyap—hindi naman sinungaling si Mingyu para itanggi ang labis na galak na naramdaman niya nang mapasama siya at ang kanyang mga kaibigan sa iisang grupo kasama si Wonwoo at Jun. May iba pa namang miyembro, pero hindi na niya napagtuunan ng pansin ‘yun. Nagpapasalamat sa propesor sa loob-loob niya at naswertihang sa grupo ni Wonwoo nailagay ang pangalan niya. 

 

Bilang sanay naman na si Wonwoo bilang lider, siya na ang unang nagsalita para may masimulan na. Ang kailangan nilang ipasa ay role play patungkol sa kurso nilang Understanding the Self—kailangan daw gumawa ng maikling pelikula na magpapakita ng kahalagahan ng pangkalusugang mental. 

 

Agaran din naman silang nagbigay ng mga suhestyon, at taimtim na nakinig si Wonwoo. Nagbibigay ang iba ng komento, kalaunan ay nagkasundo na rin sila sa tema at kwento—may usapan na rin kung sino ang gagawa ng daloy, sino ang kukuha ng bidyo.

 

Ngayon ay nagpipilian na sila ng kung sino ang magiging bida sa gagawing maikling pelikula. Tahimik lang si Mingyu, ayos na italaga na lang sa kaniya ang paggawa ng mga materyales o kaya ay ekstra. 

 

“Why not si Mingyu?” Asal ng isa sa mga ka-grupo niya.

 

“Ha?” Ani niya, sumabay pa ang mga kaibigan niya. 

 

“You suit the role eh… someone who seems physically strong daw para kunware hindi halata na they’re struggling because of stereotype na lalaki tapos malaking tao kaya walang pinagdadaanan…” Eksplenasyon ng kaklase. 

 

“I think you’re perfect for the role, Mingyu,” segunda ni Jun. 

 

Umupo ng de-kwatro si Wonwoo bago umismid, “Don’t we have any other pa? Any volunteers? It seems ayaw naman niya.” 

 

Ayan na naman ang bilis ng kabog ng dibdib ni Mingyu. Nakatingin sa kaniya si Wonwoo—seryoso ang tingin, alam mong naghihintay ng sagot. 

 

“Ah… ok—okay lang. Si… sige, ako na lang…” Pagpayag ni Mingyu. 

 

“Okay. All settled. Shooting is on Saturday at 9 AM. Meet up at Jubilee Garden. Don’t be late, everyone. Again, no late comers.” Magiting na paalala ni Wonwoo sa lahat. Sumagot ang lahat at isa-isa na silang umalis.

 

Hindi na makapaghintay si Mingyu ng Sabado. Nasasabik na sa posibleng interaksyon nila ni Wonwoo.



-`♡´-



Dumating na nga araw na hinihintay niya. Bagama’t nagkikita sa klase, iba pa rin sa araw na ‘to—mas maliit ang espasyo sa pagitan nila, mas kaunti ang taong kasama. 

 

Inagahan na ni Mingyu ang alis sa kanila, pero bunot ata siya ng mundo ngayon, kung kailan malapit na siya saka pa nagkaroon ng aberya. Pinatigil daw ang linya ng LRT-2, sakto namang nasa Doroteo Jose na siya, palipat na sana sa istasyon ng Recto para makababa sa Legarda.

 

Nagmamadali ay bumaba na siya para makasakay ng dyip patungong Mendiola. Nabigla sa dagsa ng mga tao, kumpulan na ang iilan, at puno na rin ang nagdaraang dyip. Isip niya’y malapit na naman, kaya tinakbo na niya mula Recto hanggang loob ng Mendiola. 

 

Pumorma pa man din siya. Naglagay ng gel sa buhok, nagpabango at nagsuot ng bagong damit na ang tatak ay ‘Culture’ na nabili niya noong nakaraan sa department store. Sayang. Sayang ang porma pagka’t pawis na siya, gulo na ang buhok, amoy usok na. 

 

Alas-nuwebe kinse nang marating niya ang pinagkasunduan nilang lokasyon. Tinitigan niya ang paligid, kumpleto na ang lahat—siya na lang ang inaantay. Hapong-hapo siyang lumapit sa mga kaklase, “So—sorry. Pa… pasensya na… ano kasi…” 

 

Magpapaliwanag pa lang sana ngunit napatigil siya nang magsalita si Wonwoo, “Can we start now? I thought I was clear when we agreed about na wala sanang late.” Diretso lang ang mukha niya, pero alam mong may punto, alam mong may gustong iparating. 

 

“Let’s hear him our first, Wonwoo. Baka naman may emergency,” sabat ni Jennie na siyang tinaasan lang ni Wonwoo ng kilay, “Are you his spokesperson now?” 

 

Minabuti na lang ni Jennie ang tumahimik, baka mas humaba pa, baka mas lumala pa. Kita rin naman niyang tumango-tango na lang si Mingyu at binulungan siya, “Hayaan mo na, Jennie. Kasalanan ko naman din…” 

 

Sinimulan na rin naman nila ang pagkuha sa mga eksena ni Mingyu. 

 

Kanina pa irap nang irap si Wonwoo, kanina pa masama ang tingin—hindi kuntento sa kung ano man ang ginagawa ni Mingyu. 

 

“Cut! Retake!” Sigaw ni Wonwoo. Ramdam na ng mga kaklase ang bigat sa sitwasyon. 

 

Nilapitan ni DK si Boo at bumulong, “Ito ‘yung hirap kapag masiyadong matalino ka-grupo, hirap gumalaw.”

 

Tumango si Boo at natawa, “Oo nga… kawawa naman si Mingyu. Gago rin kasi ‘yung nag-suggest na siya na lang ang bida. Ito namang frenny natin, hindi maka-hindi. Masiyadong shy-type.” 

 

Napatigil sa bulungan si Boo at DK nang magsalita pa muli si Wonwoo, mas malakas, mas may awtoridad, “Don’t we have any other actor? Aside from he’s not getting the right emotion, his pronunciation of the lines is just…” 

 

“It’s not just it… he can’t even pronounce it well… even his enunciation… it’s not giving”

 

“My gosh! Sino ba kasi nag-suggest na siya ang mag-act, we’re getting so tagal here because of this!” 

 

Lahat ay natahimik. Walang nagsalita. Bawat kilos ng mga kaklase ni Wonwoo ay maingat, nangangamba na baka pati sila ay makatikim. 

 

Nakayuko si Mingyu, umaakyat sa mukha ang dugo—hiyang-hiya na siya. Sa kabila no’n, pinilit pa rin niyang tignan si Wonwoo. 

 

“Pa… pasensya ka na, Wo—Wonwoo. Ulitin na lang… A… aayusin ko na… ” Basag na halos ang boses ni Mingyu. Namumula na rin ang mukha.

 

At sa perspektibo ni Mingyu, pakiramdam niya’y nakalapat na ang lahat ng mga mata sa kaniya. 

 

“You’re late na nga, and you can’t even deliver the lines clearly pa. What’s with your tone ba?” Hindi pa rin tapos si Wonwoo. Patuloy pa rin siya sa pagsasalita, patuloy ang pagbuka ng bibig.

 

Sinubukan siyang pigilan ni Jun, “Lou… enough na…” 

 

Sinubukan din ni Jennie pumagitna, “We can just start again. Enough with this tension na.”

 

Marunong naman magsalita ng Ingles at Tagalog si Mingyu, hindi nga lang talaga nawawala ang tono kapag nagsasalita—mas nasanay kasi ito sa Ilocano. Mas gamit ang inang wika sa probinsya, kaya kung magsalita man ito ng Ingles at Tagalog, hindi maiiwasan na iba ang tunog. Mabilis na ritmo, may punto sa dulo, madalas pataas ang intonasyon at ang ibang salita ay may diin—ganyan kadalasan ang dating kapag si Mingyu ang nagsasalita. 

 

Naiintindihan naman niya kung hindi nga maganda ang dating sa bawat bitaw ng linya, pero hindi naman siguro sapat iyon para siya ay mapahiya. Hindi naman siguro nararapat na ipahiya siya ng isa sa mga taong tinitingala niya. 

 

Pinilit niya. Pinipilit pa rin niya ang sarili na harapin silang lahat, lalong-lalo na ang taong gusto niya, si Wonwoo. Lalapitan na sana niya upang humingi ng despensa, ngunit nagsalita pa muli si Wonwoo.

 

“That’s what you get when you keep on trying to fit in.”

 

Pretending to be someone else… my gosh!” Saka ito umirap. 

 

Nagpanting na ang tainga niya, naputol ang mahabang pisi ng pasensya. Hindi niya alam saan nakuha ni Wonwoo ang inaakusa sa kaniya ngayon. 

 

Kita niyang nilapitan siya ng kaibigang si Jun at binubulungan.

 

“Wonwoo! That’s too much. Stop.” Si Jun. 

 

Pero hindi pa tumigil si Wonwoo. Hindi pa rin siya tumigil. 

 

“What? You’re siding with him pa? It’s true naman… he shouldn’t have payag in the first place if he’s not trying to be pretentious…”

 

Sinubukan naman ni Mingyu pigilan ang sarili niya. Naghahanap ng dahilan para hindi sagutin si Wonwoo. Humahagilap ng paraan para hindi bumuka ang bibig at sumagot pabalik. 

 

Pero tao rin siya… nakakaramdam din siya. At higit sa lahat, hindi siya sanay na napapahiya. Hindi siya sanay na maraming mata ang tumititig sa kaniya na hindi karangalan ang dahilan. Hindi sanay makarinig ng mga salitang ni hindi niya alam saang lupalop hinukay dala ng dungis sa bawat salitang binabato sa kaniya. 

 

Napahilamos siya ng mukha, “Baka nakakalimutan mo, naiitindihan kita, Wonwoo…” 

 

“Really? That’s good, then. So you know what I’m trying to say, right?” Sumagot pa na may nakakalokong ngisi.

 

“Lou naman… enough being a brat na…” Rinig niya si Jun, pinipigilan ang kaibigan. 

 

“Hayaan mo siya, Jun. Hayaan mo siyang sabihin lahat ng gusto niyang sabihin,” si Mingyu naman ang nagsalita.

 

Tinaasan lamang siya ni Wonwoo ng kilay. Hindi na kaya magpigil ni Mingyu. Alam niyang wala siya kumpara sa lahat ng kaklaseng kasama niya, pero hindi ibig sabihin no’n ay hahayaan niya lang na sumadlak siya. 

 

“Talaga? Pretentious? Ako? Nagpapanggap?” Ngumisi si Mingyu. 

 

“Hindi ko alam saan mo nakuha ‘yan, Wonwoo. Ni hindi mo nga ako kilala, pero kung akusahan mo akong mapagpanggap akala mo ilang taon na tayong magkakilala,” natahimik ang lahat. Maski si DK at Boo ay hindi inasahan ang asta ng kaibigan. Nasanay kasi sila na tahimik ito at pala-ngiti. Alam din nila na mahaba ang pasenya nito, dahil kahit anong pangungulit nilang tatlo ay hindi ito napipikon. 

 

“Ganyan ba talaga kayong mga mayayaman? Kapag hindi pumasa sa pamantayan niyo, iisipin niyo agad mapagpanggap? Ano bang akala mo, Wonwoo? Sa mga gaya niyong mas nakaka-angat umiikot ang buhay namin?” Tahimik lang si Wonwoo, ngunit bakas pa rin ang simangot sa mukha. 

 

“For your information, Wonwoo Louise Jeon…” Madiin ang bawat salita, pinapadama ang kanina pang pinupunang pagbigkas, tono, ritmo at kung ano pa. 

 

“Hindi ko ginusto pumunta rito, at lalong hindi ko gustong pumasok sa mundo mo para umasta ka na akala mo nagpapanggap ako para lang tanggapin niyo… hindi ko ipipilit o isisiksik ang sarili ko sa inyo… lalo na sa taong gaya mo…

 

Masiyado kang mataas, Wonwoo… subukan mo rin babaan ‘yang lipad mo, para malaman mo na hindi lahat ay tungkol sa’yo…” 

 

Binagsak ni Mingyu ang hawak na script sa sahig, “Sa’yo na ‘yang pelikula mo… kaya ko gumawa mag-isa. Ako na rin magsasabi sa prof natin na hihiwalay ako ng grupo…”

 

Mabibigat ang iniwang yabag ni Mingyu na kahit wala na siya ay ramdam pa rin ang tensyon. 

 

Agad sumunod si Boo at DK sa kaibigan, “Gyu! Wait! Sama kami sa’yo.”

 

Tahimik pa rin ang lahat. Walang balak gumalaw. Hindi alam paano ibabalik sa umpisa ang lahat.

 

Unti-unting nilapitan ni Jennie si Wonwoo, ang dati niyang kaibigan. Marahan niyang pinasadahan ng tingin mula ulo hanggang paa at saka binalik ang matatalim na tingin sa mata ni Wonwoo. Hindi nagpatalo si Wonwoo, diretso niya ring tinignan ang dating kaibigan. Nanlalaban, naghahamon. 

 

“You never really learn, ‘no?” Ani Jennie kay Wonwoo. 

 

Nakapamewang na ngayon ang binata, “What now, Jennie?” 

 

Natawa si Jennie, iyong tawang may halong insulto, “Hindi ka talaga matututo, because it’s the same thing all over again… I don’t think that’s still a mistake. Ugali mo na siguro talaga ‘yan, Wonwoo.” 

 

Nilapitan siya ni Wonwoo, “What are you trying to say now?” 

 

Masiyadong matangkad si Wonwoo para kay Jennie, kaya tumigkayad pa ito, “What I’m trying to say is… It’s the same old shit again, Wonwoo. Hindi ka pa rin nagbabago.”

 

“You really love jumping to conclusions.”

 

“You always run your mouth mindlessly…” Umatras na siya at hinanap ang mga kaibigan. 

 

Bago ang araw na ‘to kay Mingyu. Panibagong karanasan ang mapahiya nang dahil lang sa kung paano siya magsalita. Kumirot ang dibdib sa kung paano manliit sa kinalalagyan kanina. 

 

Higit sa lahat, may kung anong pakiramdam ng pagkabigo sa kaniya ang maisip na ang taong nakapagbighani pa sa kaniya ang dahilan kung bakit siya nagkakaganito ngayon. 

 

Ang ganda na ng pagtingin niya sa binata—maliban sa pagkabighani sa hitsura, bilib ito sa angking talino at galing na siyang dahilan ba’t tinitingala niya ito sa kabila ng pagiging magkapareho nila ng kurso. Ang layo na ng konseptong nabuo niya patungkol sa katauhan ni Wonwoo. At sa isang iglap, gumuho lahat ng ‘yun. Gumuho lahat ng persepsyong nabuo niya nang dahil sa isang parte ng pagkatao niya na kahit kailan ay hindi niya ikinubli. 

Notes:

kung may sigaw man, andito ako :D

 

Zaqa

 

X

Chapter 3: Bilog ang mundo, at hindi lahat ng gusto ay makukuha mo.

Summary:

Matalino, gwapo at mayaman—perpekto kung tignan ang pagkatao ni Wonwoo—akala mo’y walang bahid ng kahit anong pagkukulang ang kabuuan nito. Agarang nakukuha ang kahit na anong gusto, at maski mga tao’y kusang sumasaludo sa bawat sabihin nito. Gawa ng karangyaan at impluwensya ng pamilya, sanay si Wonwoo sa magaan at madaling buhay—sanay na tinititingala at hinahangaan.

Notes:

(See the end of the chapter for notes.)

Chapter Text

Maingay, matao at mausok—kahit anong pilit na pagroromantisa pa ang gawin ng nakararami sa siyudad ng Maynila, hinding-hindi na nito maikukubli ang gulo nito. 

 

Pero para sa iilan, sa mga taong nasa rurok ng tatsulok, hindi alintana ang ingay at usok. Para sa mga may kakayahan at kapangyarihan, sisiw ang pagmasdan ang reyalidad ng siyudad. Karamihan sa kanila’y prenteng naka-upo sa mabango’t malamig nilang sasakyan—minsan sila mismo ang nag-mamaneho, madalas may ibang gumagawa. Payapa lang silang makinig ng musika sa kotse, o hindi kaya’y ipikit ang mata habang nakasalampak ang likod sa magarang sasakyan. 

 

At ganiyan. Ganiyan mismo ang buhay na tinatamasa ni Wonwoo. 

 

Bagama’t Sabado, naabutan pa rin ng trapiko sina Wonwoo at Jun. Isinabay na ni Wonwoo ang kaibigan pauwi, tutal madadaanan din naman ang tirahan nito. Magkatabi sila sa likurang parte ng kotse ni Wonwoo, parehong tahimik, hindi alam kung pagod ba galing sa paggawa ng pelikula o may iba pang dahilan. 

 

Panaka-naka rin ang pagsilip ng drayber sa dalawa, halatang hindi sanay na hindi naghuhuntahan sa biyahe ang magkaibigan. Naninibago sa katahimikan sa kadahalinang sa tuwing mabagal ang usad ng mga sasakyan, ay ‘yun naman ang bilis ng talon ng pinag-uusapan ni Wonwoo at Jun. 

 

Sinusubukang makiramdam ni Jun. Kating-kati magsalita at ungkatin ang ano mang nangyari sa kanila ng mga kaklase. 

 

Kung isang salita lang ang pwedeng gamitin para bigyang deskripsyon ang katauhan ni Wonwoo, ang salitang ‘mataas’ ang siyang sapat na buod para sa kung sino o ano man siya. Pinanganak na may pilak sa labi, kalakip ang prominenteng apelyido, maging ang angking galing at talino—talaga nga namang mataas ang kinalalagyan ni Wonwoo. Kung titignan ang tatsulok, isa siya sa iilang nasa tugatog nito.

 

Bukod doon, marami ang mataas ang pagtingin sa kaniya. Ni hindi pa nga niya nasisilip ang liwanag ng mundo no’n, marami na ang nag-aabang sa kung gaano kalayo ang mararating niya. Marami na ang bilib sa kaniya.  

 

Kahit minsan hindi naranasan ni Wonwoo ang mautusan, maliban na lang kung patungkol ito sa pagiging lider niya sa klase o mga organisasyon. Ni minsan hindi niya naranasan ang mahuli, pati ang maging pangalawa. Palaging una, palaging nag-iisa. 

 

At higit do’n, sanay si Wonwoo sa mundo na siya ang nagmamaneho ng gulong para sa direksyon nito, kumbaga siya ang may kontrol sa kung anong gusto, sa kung ano ang kailangan. Gamay na gamay ang mamuna, ngunit hindi sanay na mapuna—ganoon na lamang kalakas ang kontrol niya sa takbo ng buhay niya, maging sa mga taong nasa mundo niya. 

 

Sa tanang buhay niya, bilang sa daliri ang mga pagkakataon na napagsabihan siya ng ama’t-ina. Iilang beses lamang siyang napaalalahanan. Wala na rin siyang rekoleksyon kung napagalitan man lang ba siya noong bata pa siya. Bakit? Dahil bihira magkamali ang taong gaya niya. At para kay Wonwoo, perpeksyon ang buhay na dapat mayroon siya. Alam kung ano ang gusto, at may sapat na mapagkukunan para sa mga kailangan upang makamit ito. Sa madaling salita, abot-kamay anuman ang kailanganin, anuman ang hangarin. Walang pangarap na suntok sa buwan, dahil lahat ‘yan ay nasa palad niya lang. Makukuha ng walang hirap, matatamasa kahit hindi kumilos. 

 

Maliban sa pamilya, sa pagkakatanda niya may dalawang tao lang ang sumubok punahin siya. Si Jennie at Jun. Si Jennie na dating kaibigan na ngayon ay tila estranghero na lamang sa buhay niya. At si Jun, ang kaniyang kaibigan, ang taong lagi niyang kasama. At kung may dadagdag man, malamang sa malamang, si Mingyu. Ang kaklaseng nakasagutan niya, wala pang bente kwatro oras ang nakakalipas. 

 

“Lou…” Putol ni Jun sa mahabang katahimikang kanina pa pumapagitna sa mabagal na biyahe nila. 

 

Tumingin lamang si Wonwoo sa kaibigan, bahagyang tumaas ang kaliwang kilay. 

 

Bumuntong-hininga si Jun. Ramdam pa rin ang tensyon, kita sa bawat linya na kumukunot sa noo nito—iritado pa rin si Wonwoo. 

 

Kahit mayroon pa si Jennie, magkaibigan na rin naman si Wonwoo at Jun, at sa ilang taong magkakilala sila, marami-raming beses na rin nakarinig si Jun ng mga komentong hindi naman niya kailangan. ‘Sidekick ni Wonwoo’, ‘sunud-sunuran kay Wonwoo’, ‘hinihimod ang pwet ni Wonwoo para sa koneksyon’, iyan ang iilan sa mga narinig na niya, pero wala namang kaso sa kaniya ‘yon dahil wala namang pagkakataon na pinaramdam sa kaniya ito ni Wonwoo. Kahit na mas malapit pa si Jennie at Wonwoo noon, hindi naramdaman ni Jun na reserba lang siya o di’ kaya’y alalay—dama niya ang pagkakaibigan nila ni Wonwoo. 

 

Maliban kay Jennie, si Jun din ang siyang bumabalanse sa ugali ni Wonwoo—sa mainitin niyang ulo at ubod ng ikling pasensya. Kaya madalas na nasasabihan na masungit at maldita, dahil totoo naman, palaging seryoso ang tingin, tuwid ang postura—matindig at magiting ang galaw ng bawat parte ng katawan. 

 

Tunay ngang nakakatakot si Wonwoo, tunay nga ang taglay nitong intimidasyon na siyang dahilan kung bakit may mga taong nanliliit sa tuwing nakikihalubilo sa kaniya. 

 

Sa kabila no’n, naniniwala pa rin si Jun na kung tunay ka mang kaibigan, ikaw mismo ang magsasabi ng mali sa kaibigan mo. May intimidasyon man, alam niyang kailangan niyang kausapin si Wonwoo patungkol sa nangyari kanina. 

 

“Wonwoo…” Tawag niyang muli sa kaibigan. Diretso lang ang tingin ni Wonwoo sa harapan ng sinasakyan, matuwid ang pagkaka-upo sa kotse nito at tanging mahinang halinghing ang sinagot nito, “Mmm…”

 

Hindi maikakaila na may taglay na tapang si Jun. Alam niya, siya mismo’y saksi sa kung paano kaganda ang salitang natatanggap ni Wonwoo mula sa iba, kabisado niya na rin ang mga kislap sa mata ng nakararami sa tuwing maririnig ang pangalan ng kaibigan. Sanay na sanay sa pagbuhos ng mga regalo, magagandang komento at kung ano pang bagay o salita na siyang nagtataas kay Wonwoo sa tuwing may nararating ito. 

 

Pero heto siya ngayon, katabi ng mismong kaibigan, at sinisimulang gisahin at isampal ang pagkakamaling nakita kanina. Hindi niya ginagawa ‘yon para ibaba siya, bagkus ay gusto niya lamang din mapagtanto ni Wonwoo ang inakto niya sa inosenteng kaklase kanina. 

 

“That was so low… I mean… You didn’t have to say such words to our classmate, Lou.” Pagkasabi niya no’n ay agad siyang tinapunan ng tingin ni Wonwoo. Ayan na naman siya sa pagtaas ng kilay na akala mo’y may mali sa sinabi ni Jun. 

 

Hindi nagpatalo si Jun. Tinaasan niya rin ng kilay ang kaibigan na tila ba naghahamon. “Can’t you see? He’s trying, Won–”

 

Naputol ang sinasabi sapagkat sumagot si Wonwoo, “Oh… He’s trying? So that means I’m right? He’s pretending?” 

 

Hindi ikinubli ni Jun ang dismaya sa mukha, harap-harapang inirapan ang kaibigan, hinahabaan pa lalo ang pasensya sapagkat gusto niyang mapagtanto nito kung ano man ang ginawa. At… gusto niya rin sana maintindihan bakit ganoon na lamang ang trato nito sa kaklase na wala namang ginagawa sa kaniya. 

 

“Wonwoo Louise!” Buo ang boses ni Jun, malayo sa nakasanayang malumanay at malambing na tono. Maging ang drayber ni Wonwoo ay napatingin sa salamin ng rear view. 

 

“Patapusin mo muna ‘ko, girl! ‘Wag ‘yung pati me bibigyan mo ng attitude, ha? I’m getting pissed na…”

 

“You shut up muna and listen to me, Wonwoo Louise!” Madalas na masiyahin si Jun, kaya sa tuwing seryoso na ang mukha nito, maging ang konbiksyon ng pananalita ay talagang makikinig na ng taimtim si Wonwoo sa kaibigan. 

 

“Go on,” Maikling tugon ni Wonwoo. 

 

“Sir Jun, malapit na ho tayo sa condo niyo,” Singit naman bigla ni Berting, ang drayber ni Wonwoo simula pa pagkabata. 

 

Hinarap ni Jun ang drayber at binigyan ng matamis na ngiti at saka nakiusap, “Can you ikot muna po, Tay? I just have to knock some senses to this brat right here po.”

 

Tinapunan naman ng tingin ni Berting si Wonwoo, nanghihingi ng permiso na siyang pinalitan lamang ni Wonwoo ng tango. Nagsimula na ulit umikot sa loob ng komplex ng condo ni Jun si Berting. 

 

“Okay, Lou… I’ll make this short and sweet… or bittersweet should I say?” Naka-krus na ang mga kamay nito. 

 

Bagama’t nagtataray, alam pa rin ni Wonwoo na seryoso ang gustong pag-usapan ng kaibigan, “You always come to Tita Wina’s medical missions, right?”

 

Tumango si Wonwoo, “What about it?” 

 

Totoo naman. Palagi siyang sumasama sa mga medical mission ng nanay niya. 

 

“How do you feel about it?” 

 

Kumunot muli ang noo ni Wonwoo sa sunod na tanong, nagtataka. Ang buong akala’y kokomprontahin lamang siya nito patungkol sa kaklaseng si Mingyu, pero tila iba na ang ihip ng hangin ngayon. Patungkol sa ibang bagay ang tinatanong, at hindi niya mawari ano ba ang nais iparating o ano ang pupuntahan ng konbersasyon na ‘to. 

 

“Happy. I’m very happy whenever I help them. Aside from my luho… that… doing medical missions and helping other people are the only thing and experiences in the world that makes me genuinely happy…”

 

“Like… really really… genuinely happy… ” Bakas sa boses nito ang pagsasabi ng totoo, kita rin sa ekspresyon ng mukha ni Wonwoo ang bahagyang paglambot ng kanina pang tila naghahamon na hitsura. 

 

Totoo rin. Iba ang Wonwoo na makikita sa tuwing nasa medical mission ng ina, iba ang kislap ng mga mata nito sa tuwing nakikihalubilo sa mga tao, maging ang angat ng mga labi sa labis na ngiti—ibang-iba. 

 

Tumango-tango si Jun, “I see… I see…”

 

“How about the kids? What do they usually say about it? About you?” 

 

“The kids?” Tila nagningning naman ang mga mata ni Wonwoo nang marinig ang sunod na tanong ni Jun. 

 

Hinawi ni Wonwoo ang maikling buhok papunta sa likod ng tainga, at saka pinagdikit ang mga labi bago magsalita, “I like them.” 

 

“No. I love them. I love the kids. And they always say they love me too… that I’m their idol daw because I’m smart daw, kind and have a pretty face…” 

 

“They said they want to be like me, pag nag grow up na sila…” Ramdam sa boses ni Wonwoo ang kaligayahan na dala ng mga bata. Ramdam dito ang galak maisip pa lamang na gusto siya ng mga bata na tinutulungan nila, na gusto ng mga ito maging katulad niya—kaya maging siya, sinisikap maging maayos, magaling at mabuting tao sa paraang alam niya. 

 

Perpekto at matino—ganiyan din tignan ni Wonwoo ang sarili, lalo ang buhay na mayroon siya. Mas nakaka-angat man siya, wala man kulang o sobra, bilog pa rin naman ang mundo—at wala naman sigurong perpektong tao. 

 

Ang mga bata sa bahay ampunan, kabundukan at saan pa mang liblib na lugar ang mga motibasyon ni Wonwoo sa pagpapakahusay. Kung si Jun at Jennie ang balanse sa ugali niya, pwes, ang mga batang ito ang siyang rason kung bakit sinisikap niyang maging magaling… maging mabuti… 

 

Akala’y sapat na ang paraang alam niya, buong akala’y tama naman ang ginagawa niya—ngunit hindi lahat ng paraang alam ay nagagawa ng tama. Hindi porket gumagawa ng tama sa iilan ay sapat na upang maging kabuuan ng kabutihang inaasam. 

 

Oh.”

 

“So gusto nila maging like you?”

 

Walang pakundangan, diretsahan, “Tingin mo, Lou? They’re trying to pretend din? They’re trying to fit into your world?” 

 

Nagpanting ang tainga ni Wonwoo sa narinig, “What the hell? Why would you think like that about the kids? That’s so– so rude, Jun!” 

 

Imbes na mainis ay may ngiting tagumpay pa sa mga labi ni Jun, “Last ikot po, Tay. Then drop off na po me.” 

 

“I just thought, Lou… since they want to be like you, baka they’re trying to fit into your world. I mean… let’s face it, that’s why nga Tita Wina does medical missions and all that to help them, kasi we all know how they struggle with their lives…” 

 

Umirap na naman muli si Wonwoo, “I don’t like what you’re trying to say about the kids, ha? I’m inis na.”

 

“I mean… not because they want to be like me means they want to be in my world too… I know… they just want to study, too. And… survive…”  

 

Kita ni Jun na malapit-lapit na muli sila sa harap ng gusali ng unit niya, “I love the kids, Lou. I really do, that’s why even Mom and Dad support Tita Wina’s advocacy.”

 

“Galing na rin from you… you know. They just want to study, and… survive… and maybe–”

 

“Just maybe… baka Mingyu is like that, too. He just wants to finish his studies. And you know? Survive from the cruel world he’s in to… and not necessarily to be into your world.” 

 

Pinoproseso pa ni Wonwoo ang sinabi ng kaibigan, dahil hindi pa rin makita ang koneksyon ng mga bata sa kaklase, “I don’t get you.”

 

“Dito na po, Sir Jun,” Hudyat na muli ni Berting. 

 

Inayos na ni Jun ang maliit na bag at saka tinapik ang balikat ni Berting, “Thanks po for making hatid, Tay Berting.”

 

Bago buksan ang pinto ng kotse, bumeso pa si Jun sa kaibigan, “I’ll send some prayers over. Go and make nilay-nilay tonight, my dear friend.” 

 

Naiwang walang ideya, naiwan na may tanong sa isipan at ni isa, walang naitindihan si Wonwoo sa nais iparating ni Jun.

 

“He could’ve just explained rather than making me do that ‘nilay-nilay’ thing. I don’t even know what that means,” Bulong ni Wonwoo sa sarili habang binabagtas na nila ang daan pauwi sa bahay niya. 

 

Nangangati ang mga boses sa utak ni Wonwoo. Gusto niyang malinawan, gusto ng kasagutan. At habang binabagtas na nila ang daan papasok sa kanila, hindi na niya napigilan itanong ang drayber.

 

“Tay?” 

 

“Hm? Bakit, nak?” Marahang tanong ng drayber. 

 

Lumapit siya ng bahagya sa upuan ng drayber, “You heard Jun po, right? Do you get him, Tatay?” 

 

Wala na ngayon ang mga pagtaas ng kilay at kunot na noo, maging ang tuwid na postura—tila ba biglang naging maamong tupa ang kanina lang na umuungot na tigre. 

 

“Alin ba do’n ang hindi mo maintindihan, nak?” Tanong ni Berting. Sanay na ang drayber makarinig ng mga konbersasyon ni Wonwoo sa mga kaibigan. Ultimo nga ang naging ‘happy crush’ nito noong elementarya at hayskul ay alam ni Berting. May mga iilan din silang sikreto ni Wonwoo, katulad na lang ng paglabas ni Wonwoo kasama ang isa sa mga nanligaw sa kaniya noon. Para na rin niyang anak si Wonwoo, sa tagal ba naman nilang magkasama. Literal na nakitang lumaki ang bata. 

 

Nakapalumbaba na si Wonwoo sa pagitan ng dalawang upuan sa harap ng kotse, “Everything, Tatay.”

 

“But… I know, Jun’s trying to say I was awful.” 

 

Datapwa’t nasa daan ang pokus ni Berting, tinapunan niya pa rin ng madaliang tingin ang binata, “Mukha namang naintindihan mo si Jun eh.”

 

“What?” Nagtaka naman ang binata. 

 

Sakto ay pinagbuksan na sila ng bakod ng isa sa mga kasambahay, at dahan-dahan ng pinapasok ni Berting ang kotse sa lawak ng bahay nito. 

 

“Alam ko namang gusto mo lahat ng ginagawa mo, Louise. Alam ko rin na masaya ka sa piling ng mga bata, wala eh, iisa ka rin kasing anak nila Wina at Luisito– kaya alam ko na minsan, gusto mo rin ng kalaro o kausap.”

 

Nasa garahe na ang kotse, at bago patayin ang makina nito, tinignan niya si Wonwoo sa salamin, “Hindi ko alam kung ano ba ang nangyari sa eskwela para sungitan ka ng ganoon ni Jun, nak. Dama ko sa boses niya na parang malalim ang hugot ng kaibigan mong ‘yon eh…”

 

“Pero base lang sa pag-uusap niyo… pakiramdam ko sinasabi lang naman ni Jun na kagaya ng mga bata, ganoon din iyong kaklase mo…”

 

Nahihirapan pa rin si Wonwoo. Hindi pa rin lubos na maintindihan. 

 

“Hindi sa pinipilit niya ang sarili niya sa inyo o nakikibagay siya, baka nakikisama lang siya.”

 

“At kung nakikibagay man siya, hindi naman agad ibig sabihin no’n ay nagpupumilit siya. Baka… alam mo na? Baka naman naparamdam niyo sa kaniya na iba siya kaya sinusubukan niya lang ding magawa kung ano man ‘yung gusto niyo.” Bagama’t hindi ganoon katatas magsalita ng Tagalog si Wonwoo, nakakakaintindi pa rin naman siya. Ngayon sumasagi sa isip niya na hindi nga maganda ang naturan sa kaklase. Ngayon niya napagtanto ang bigat ng nasabi. 

 

Bumaba na si Berting at pinagbuksan ng pintuan sa kotse si Wonwoo, “Alam mo kung bakit niya nilagay sa sitwasyon na ‘yun ang mga bata, nak?”

 

Umiling si Wonwoo. 

 

“Kasi… kung talagang gusto mong maging mabuti, hindi ka mamimili ng papakitaan no’n. Walang pagtatangi. Hindi ka mamimili sa kung sino man ang papakitaan mo ng kabutihan.”

 

“Gaya nga ng sabi ni Jun, baka gaya rin siya ng mga batang minamahal mo… sinusubukan lang din niyang mabuhay,” Mahaba-habang litanya ni Berting. 



-`♡´-



May mataas na kisame, halos balutin ng puting pintura at nagkikislapang aranya at mga palamuti kung tignan ang bahay nina Wonwoo. 

 

Maging ang kwarto niya’y walang takas sa kung paano magsumigaw ng karangyaan ang bahay nito. 

 

Ultimo kwarto’y may mataas na kisame, laman nito’y kama na ani mo’y kasya na ang isang buong pamilya sa laki. Ang mga unan, kumot at mismong higaan ay tila ulap sa lambot. Malawak ang kwarto, may sariling parte para sa mga mamahaling damit, may parte para sa mga naggagandahang sapatos at bag. Hindi rin mawawala ang silid kung saan naka-organisa pa ang mga libro, at kung ano pang gamit para sa pag-aaral. Pwede ba namang mawala ang parte ng kwarto ni Wonwoo kung saan makikita ang mesa at upuan kung saan niya inaayos ang sarili. Nakalapag ang ilang kolorete at iba’t-ibang panlinis ng mukha at may nakadikit na salamin na napapalibutan ng napakaraming bumbilya. 

 

Nilapag ni Wonwoo ang maliit na bag sa sahig na siyang sinalo ng basahan—iyong basahan na medyo malaki, makapal at mabalbon, samantalang sa iba pinagtagpi-tagping retaso ng tela lang naman ang basahan sa kamay man o paa. Tila ba hapong-hapo siya ngayon, agarang nagpalit ng saplot at saka binagsak ang sarili sa malambot nitong kama. 

 

Ipipikit na sana ang mata nang tumunog ang telepono niya. Hindi pa rin pala tapos si Jun sa pangaral niya. 

 

Junhui 

 

*link*

Homily of the day!

According to today’s homily,

we shouldn’t easily judge people raw, Lou!

I hope you’re safe and sound! Lol 

Privilege check, too. Mwa! 

 

Since when did you start attending mass?

And please? 

Enough na. I get it, okay?

I was wrong.

And I’ll do something about it. 

 

As you should, Mx. Wonwoo Louise!

 

Hindi na sumagot si Wonwoo. Alam naman na niya. Naiintindihan na niya. Hindi man sanay mapuna, sapat na ang boses ni Jun at ni Berting para mapagtanto na mali nga siya, at ngayong binabalikan ang inasta kanina, mas nakita na niya ang bigat ng mga sinabi niya.

 

Akala mo’y pelikula na naka-rolyo sa telebisyon kung ulit-ulitin niya sa isipan ang nangyari kanina—kung ano ang mga sinabi kay Mingyu, pati kung paano siya sinagot nito pabalik. 

 

Hindi rin nakatakas ang mga sinabi ni Jennie. Ang konotasyon na nagkamali na naman siya, at ‘yung pagkakamaling iyon ay pareho lang sa dati na niyang nagawa. 

 

Sinilip niya ang groupchat nilang magkaklase, hinahanap ang pangalan ni Mingyu. Nagbabalak na kausapin ito at humingi ng paumanhin. Kakaunti lang naman sila doon, kaya madali niya ring nahanap ang Facebook account ng binata. Pagpindot ay kita niyang wala itong laman—ni isang litrato, wala. Halos sampung minuto rin siyang nakatitig sa Facebook messenger ni Mingyu, hindi alam kung ano ang ititipa—di’ alam paano hihingi ng pasensya.

 

Sisimulan niya sana sa pagbati ng ‘Hi’, kaso biglang may kumatok sa pintuan ng kwarto niya, “Ser Wono, baba na raw ho kaya sabi ni Madam. Kakain na raw ho…” Ani ng isa sa mga kasambahay nila. 

 

“Pinapasabi ni Madam nag-bake raw ho siya ng paborito niyong melkfish at salmon… nasa baba na rin ho si Ser,” Dugtong pa niya. 

 

Tumayo na siya at sumagot, “Okay po, Ate. I’ll go down na. Thank you!” 

 

Ilang taon na rin sa kanila ang naturang kasambahay, pero hanggang ngayon hindi pa rin nito mabigkas ng maayos ang ‘milkfish’, matigas pa rin ang pagbigkas nito ng ‘salmon’. At maging ang pangalan niya’y hirap pa rin ito sambitin. Pero ni minsan, hindi pinuna ni Wonwoo ang naturang kasambahay. Ni minsan hindi siya nainis na mali ang pagbigkas nito sa pangalan niya, maging sa paborito nitong ulam. 

 

At doon na mismo siya natauhan. Napangunahan na naman siya ng init ng ulo. Pinairal na naman ang ikli ng pasensya. Dali-dali niyang kinuha ang telepono at saka nagtipa. 

 

Mingyu Kim

 

Hi! This is Wonwoo Louise.

Your blockmate.

I’m sorry about what happened 

a while ago.

My emotions got the best of me,

but I know that shouldn’t be

an excuse. This is why I’m apologizing.

 

Iniwan na niya ang telepono sa kwarto, umaasa na sana’y pag-akyat ay may sagot na ang kaklase. Nakuha naman na ni Wonwoo humingi ng pasensya, pero alam niya sa sarili niyang walang kasiguraduhan kung mapagbibigyan ba siya. 



-`♡´-



Marahan ang pagbaba ni Wonwoo sa paikot na hagdan ng pamamahay nila. Malawak man ang bahay, rinig pa rin niya ang munting usapan sa hapag ng kanyang mga magulang. 

 

“Where’s Lou, sweetheart? I don’t think papalampasin no’n ang ulam,” Rinig niya ang ama.

 

“Pinatawag ko na, Dad. Baka he’s there na rin. He won’t want to miss our ulam,” May munting hagikhik pa mula sa kaniyang ina.

 

Katamtaman ang lawak ng hapag-kainan, hindi mahaba, ngunit hindi maikli. Sa gitna naka-upo si Luisito, ama ni Wonwoo. Sa tabi nito’y ang ina naman niyang si Wina, at sa harap niya ang pwesto ni Wonwoo.

 

Pirmi ng naka-upo ang ama’t-ina sa hapag, hindi pa nagsisimulang kumain at halatang inaantay ang kanilang unico hijo. 

 

“Hi, Mom… Hi, Dad…” Bati ni Wonwoo sa mga magulang na sinamahan na rin ng halik sa pisngi.

 

“Let’s eat,” Buong sagot ni Luisito. Para kay Wonwoo, hindi naman strikto ang ama, sadyang may awtoridad lang sa tuwing kumikilos at nagsasalita gawa na rin ng propesyon nito—isang tanyag at tagumpay na abogado. 

 

Alalay ng isang kasambahay, isa-isa ng nilapag ni Wina ang mga ulam sa mesa. 

 

“Baked salmon, my baby’s favorite…” Nilapag niya ang salmon sa gitna. 

 

Bitbit pa ni Wina ay dalawang plato. Dalawang plato na may bangus na binudburan ng keso, kamatis at kung anu-ano pang dekorasyon. 

 

“Baked milkfish… Lou and Dad’s fave. Ayan, ha? We baked two para hindi mag-agawan sa belly fat,” Kapwa natawa ang mag-ama sa naturan ni Wina. Paborito kasi ni Wonwoo at Luisito ang isda’t gulay. Maliban sa steak, alimango at lobster, isda at gulay talaga ang paborito nila. Panatiko ng mga mamahaling salad sa mga kainan sa labas. At dahil na rin doktor si Wina, pare-pareho silang maingat sa mga kinakain.

 

Isa sa paborito ng mag-anak ang salmon at iba pang isda. At dahil nagbabantay nga sila ng kaunti sa mga kinakain, malamang sa malamang ay kumakain din sila ng bangus. Naging paborito ni Wonwoo at Luisito ang baked bangus na gawa ni Wina nang sinubukan niyang lutuin ito dahil nagrereklamo na si Wonwoo na tanging prito lamang ang naluluto nila sa naturang isda. At simula pa no’n, sinisiguro ni Wina at ng mga kasambahay na hindi mag-aagawan ang mag-ama. 

 

Madalas ay tahimik lang sila sa hapag. May kaunting kamustahan, pero mas marami ang pag-nguya sa kung ano mang mga samu’t-saring nakahain sa mesa. Bihira sila magkasabay-sabay sa kainan—masiyadong asikaso sa trabaho ang mga magulang ni Wonwoo—doktor at abogado ba naman. Kaya sa mga panahong ganito, sa mga pagkakataong nagkakasabay silang pamilya sa hapag, malaking galak ang dulot nito kay Wonwoo. Hindi man niya pinapakita, pero sa loob niya’y labis na saya ang dala nito.

 

“How’s school, Lou?” Tanong ng ama kay Wonwoo habang naghihiwa ng piraso sa bangus.

 

Pinunasan muna ni Wonwoo ang gilid ng labi niya, “Good. All good, Dad.”

 

Tumango lamang si Luisito, “Great!”

 

“I saw Atty. Paz last time, and his co-faculty shared with him you’re doing good, nga raw. And you didn’t tell us? Ikaw pala beadle ng block? That’s a great start, son,” Mahabang litanya ng ama. 

 

Wala namang kaso kay Wonwoo ang mga tanong. Hindi naman siya kahit kailan pinuwersa ng mga magulang na mas maging magaling, na dapat may talunin. Kung ano ang kaya niyang ibigay, sapat na ‘yon. Si Wonwoo lang din talaga minsan ang nagbibigay presyon sa sarili—masiyadong lulong sa perpeksyon, ayaw magkamali. 

 

“Really? Wow! Galing talaga ng baby namin…” Sagot ni Wina.

 

“With that… I heard ilalabas in a few months ‘yung new series ng iPhone. Would you like to have it, Lou?” Tanong naman ng ina. 

 

“Right? You can go to SG or Hong Kong kung gusto mong mauna. For sure matatagalan pa stock dito sa atin,” Segunda ni Luisito. 

 

Aminado naman si Wonwoo na maluho siya, at laking pasasalamat na lang din niya na may labis silang pera para bilhin ano man ang gustuhin niya.

 

“Hmm… I’ll check muna the colors if may want ako. I’ll let you know na lang po,” Maikli niyang sagot. Aminado rin naman kasi siya na maarte siya, na mapili siya sa mga bagay-bagay—kaya nga siguro gusto niya ng perpeksyon, kasi kahit siya, maingat at mapili sa lahat ng bagay. 

 

Bihira sila magtagpo ng mga magulang kahit pa sa iisang bahay lang sila nakatira. Minsan nga iniisip niya kung alam ba nila ano ang nangyayari sa kaniya, kung may ideya ba sila sa kung ano ba ang ginagawa niya. Tingin niya naman ay mayroon, dahil kahit papaano, may mga maliliit na bagay na napapansin patungkol sa kaniya.

 

Binaba ng ina ang mga kubyertos, dahan-dahang tumutusok ng berdeng mansanas sa isang bahagi ng hapag, “You seem down, baby. Are you tired ba? Fatigue? Want me to get you some IV drip?”

 

“Have you been drinking the vitamins I gave you ba?” Sunod-sunod na tanong nito. Hindi alam ni Wonwoo paano nasabi ng ina na iba ang timpla niya.

 

“I’m okay, Mommy. A bit tired lang din po siguro since it was too hot kanina”, Maikling sagot na lang niya. Bumalik na rin sa katahimikan ang hapag matapos ang ilang palitan ng kamustahan at ganap. 

 

Matapos ang salu-salo, agad ding bumalik si Wonwoo sa sariling silid. Agarang kinuha ang telepono at tinignan ang laman nito.

 

Wala. Wala siyang natanggap na mensahe mula kay Mingyu. Walang sagot mula sa pinadala niyang paumanhin. 

 

Bahagyang naguluhan si Wonwoo sa sariling pakiramdam. Hindi sanay, naninibago. May kung anong pagkabigo sa kaniya. Pagkabigo —bagay na maski isang beses hindi niya naransan. 

 

Naghintay si Wonwoo buong Sabado at Linggo, ngunit bigo talaga siyang makatanggap ng sagot mula sa kaklase. 

 

Gabi na ng Linggo at hindi pa rin matahimik ang isipan niya—kung ano-ano na ang umuusbong sa utak. Sinilip niya muli ang pinadalang mensahe sa binata. 

 

‘Seen.’ 

 

Kita na rin sa baba ng mensahe niya ang bilog na blangkong litrato ni Mingyu, senyales na nabasa ng kaklase ang pinadala nito. 

 

Hindi pamilyar kay Wonwoo ang nararamdaman nang makita ito. Para siyang biglang lumubog sa hinihigaang kama, namumula at nag-iinit ang mukha, may kung anong pagbilis sa tibok ng puso niya na siya ring dahilan ng biglaang pagbigat ng bawat hininga. 

 

Sa dinami-rami ng sinalihan niyang paligsahan, walang pagkakataon na nakaramdam siya ng ganoon. Sa dami ng taong nakausap at nakahalubilo niya, wala ni isa ang nagtangkang hindi siya pansinin at sagutin. 

 

Si Wonwoo ang tipo ng tao na pansinin, dala na rin ng kinis at ganda ng mukha, at galing nitong magsalita. Madaling makita sa gitna ng kumpulan ng mga tao dahil sa angking tangkad at balingkinitang katawan na sinasamahan pa ng mga pormahang bagay na bagay sa manipis at mahaba nitong biyas, maliit na baywang at prominenteng balagat. 

 

Wala ni sino man ang kayang tanggihan siya. Sino ba naman kasi ang magtatangka? Si Wonwoo Louise Jeon na ‘yan eh. 



-`♡´-



Tahimik na umupo at kumuha ng almusal si Wonwoo sa hapag. Walang kasabay sapagkat pumasok na ng hospital ang ina, at ang ama naman ay may mga kliyenteng dapat tugunan sa kanilang Law Firm. 

 

Napansin ng mayor doma na tulala at tila wala sa hwisyo si Wonwoo. 

 

“Sir? Hindi po ba masarap? Lutuan po ba namin kayo ng bago?” Mahinahon ang pagkakatanong ng kasambahay.

 

Umiling lang si Wonwoo, “It’s okay po, Ate. I just don’t have the appetite today.”

 

“Masama po ba ang pakiramdam niyo? Tawagan ko po ba si Madam?” Tugon pa muli ng kasambahay. Hindi sanay sa ikinikilos ng binata. Sa tuwing agahan na hindi kasabay ang mga magulang, makikita si Wonwoo na kumakain mag-isa o hindi kaya ay isasabay ang kaniyang Tatay Berting sa almusal kung hindi pa ito nakakakain—pero ngayon, tahimik lang ito, halos hindi nagalaw ang paboritong hamon at luto ng itlog na omelette. 

 

Ngumiti lamang si Wonwoo, “I’m full na po. Is Tatay Berting ready? I’ll go na po. Thanks for the breakfast, Ate.” 

 

“Happy Monday, nak!” Bati agad ni Berting sa alaga bago ito pagbuksan ng pinto ng kotse.

 

Maski si Berting ay nanibago. Taliwas sa paniniwala ng iba, si Wonwoo ang tipo ng tao na inaabangan ang araw ng Lunes, dahil para sa kaniya panibagong araw na naman ito ng pagkatuto at karanasan. Ito ang unang beses na sinalubong ni Wonwoo na may simangot sa mukha ang araw ng Lunes. Bagama’t madalas naman talaga’y busangot siya ayon sa iba, para sa mga kasama sa bahay ay nakakapanibago pa rin ito. 

 

“Morning, Tay…” Mahaba ang nguso ng binata. Agad siyang sumakay sa kotse at sinimulan na rin naman ni Berting ang pagmamaneho para ihatid ito sa unibersidad. 

 

Maaga pa para sa unang klase ni Wonwoo na alas nuwebe. Mas maaga ang naging labas nila ng mansyon kaya’t hindi pa ganoon kapuno ang kalsada na daraanan ni Berting at Wonwoo. Mabilis ang naging biyahe, kaya hindi na rin alintana ni Berting ang kakaibang katahimikan at seryosong mukha ni Wonwoo. 

 

“Tay?” Basag ni Wonwoo sa payapang biyahe. 

 

Tinignan naman siya ng drayber sa salamin, “Po?” 

 

“Can you… like… just drop me off sa Tims. I just need to buy something po.” Ani Wonwoo. 

 

“Sige. Kakape ka na ba muna, nak? Sa Tims na lang ba, o antayin pa kita tutal doon pa rin naman ang ikot ko?” Marahang sagot lang ni Berting.

 

Nagbigay lamang si Wonwoo ng maliit na ngiti, ni hindi man lang umabot sa mata, “No na po. You can go, coz baka the line is too haba. I can manage po.” 

 

“Okay, sige,” Hindi na umalma si Berting. Sanay na rin sa pagsunod sa kung ano man ang sabihin ni Wonwoo. Alam din naman kasi niyang magpapatulong ito kung may hindi alam o hindi kaya. 

 

Gaya ng napag-usapan, binaba nga ni Berting si Wonwoo sa tapat ng Tim Hortons. Siniguro na hindi na magpapahintay ang binata, at nang kumpirmahin ito ni Wonwoo, umalis na rin siya. 

 

At dahil patay na oras pa, kakaunti pa lang halos ang pila sa naturang kapehan. 

 

“Hi! For to-go, please. Can I get one large frozen hot chocolate, one chocolate chip muffin, and one chocolate glazed doughnut? Thank you!” Direktang sabi ni Wonwoo nang siya na ang kinunan ng order ng barista. 

 

“Got it! Sweet tooth?” Masiglang sagot naman ng barista.

 

Nagkibit-balikat lamang si Wonwoo.

 

Hindi naman kasi para sa kaniya ang binili. Hindi naman dahil sa antisipasyon sa bagong araw ng Lunes kaya maaga siyang nagpahatid sa unibersidad. Ito ang unang beses na pumasok siya at gumawa ng bagay na hindi para sa kaniya. 

 

Nang makuha ang binili ay agad itong nagtungo sa una niyang klase. Sakto at maagang natapos ang nauna pang klase at siya pa lang din ang nasa pasilyo ng gusali nila. Nang makalabas ang mga naunang estudyante at propesor ay agad siyang nagtungo sa upuan niya, kumuha ng isang madikit na papel mula sa bag at saka may isinulat. 

 

“I’m sorry, Mingyu. -WLJ.”

 

Dinikit niya sa loob ang papel at saka iniwan ito sa upuan ni Mingyu. 

 

Lumabas na rin muna siya ng silid at pagbalik niya ay may iilan na siyang mga kaklase na naroon. Ilang minuto pa ay dumating na si Mingyu, bakas sa mukha ang pagtataka kung bakit mayroong pagkain sa silya. Luminga-linga ito sa silid-aralan na siyang dahilan naman ng pag-iwas kunware ni Wonwoo ng tingin dahil baka makahalata si Mingyu—bakit nga ba siya lumilingon kung nasa pinakaharap at gitna ang upuan niya sa silid-aralan at si Mingyu ay sa may bandang likuran at gilid pa. 

 

Lumingon muli si Wonwoo, at doon nakita niyang hindi ginagalaw ni Mingyu ang pagkain, nakabalot pa rin at wala man lang bakas na sinubukan itong butingtingin maski silipin. Ilang minuto pa’y isa-isa na ring dumating ang iba pang estudyante, maging ang mga kaibigan ni Mingyu. 

 

Maliit lang naman ang silid-aralan, tahimik ang karamihan at iilan lang ang naghuhuntahan, kaya sa ayaw at sa gusto ay maririnig mo ang ibang usapan. 

 

“Sino hindi nag-almusal sa inyo?” Ani Mingyu sa mga kaibigan. 

 

“I did, pero tingin ko kailangan ko na ng kape. Nakakaloka mag-commute kahit hindi na rush hour,” Maarteng sambit ni Boo. 

 

“Late ako nagising kaya dehins na ‘ko nag-almusal,” Pahayag naman ni DK. 

 

At ang mga sumunod na sinabi ni Mingyu ang siyang nagbigay muli kay Wonwoo ng kakaibang pakiramdam—iyong para kang lumulubog at unti-unting nilalamon ng lupa, may pagbilis ng takbo ng puso, pamumula—panlulumo, panliliit. 

 

“Ito… kainin niyo na at inumin ‘yan. Hindi ko naman kasi hilig ‘yan. Tiyaka masiyadong matamis, masiyado pang maaga. Inyo na lang.” Inalok lang naman ni Mingyu ang inumin at makain sa mga kaibigan. Agad itong kinuha at sinimulang inumin at kainin ni Boo at DK. 

 

“Saan ba galing? Puro chocolates, eh, you don’t like chocolates that much, right?” Tanong pa ni Jennie. 

 

Nakuha pa ngang mang-asar ni DK, “Uyyy! Baka may nagbigay? May admirer ka na, Mingyu Manuel?” 

 

“Basta… inyo na ‘yan, Boo at DK,” Maikling tugon lamang ni Mingyu. 

 

Akmang tatayo sana si Wonwoo dahil pakiramdam niya’y napahiya siya, ngunit sa amba pa lamang niya ay bigla nang pumasok ang propesor nila para sa unang klase. 

 

Hindi man nakikita ni Wonwoo si Mingyu, ramdam na ramdam pa rin niya ang panlulumo sa narinig. 

 

Bihira ito mangyari. Mas posible pa atang tumalon mag-isa ang bato kaysa ang may tumanggi o mapahiya si Wonwoo. May nagbabadyang luha na gustong kumawala sa mga mata ni Wonwoo. At doon niya napagtanto, ganoon pala ang pakiramdam ng tanggihan.

 

Masakit. Tila may sidhi ng kung anong karayom ang siyang tumutusok sa puso niya. Hirap na hirap pigilan ang nagbabadyang luha—kaya nang matapos magtawag ang propesor para sa kanilang pagdalo sa klase ay agad siyang nagpaalam upang magpunta ng banyo.  

 

Sinandal niya ang dalawang kamay sa ibabaw ng lababo at tinitigan ang sarili sa salamin. Halo-halo na ang nadarama ni Wonwoo—nariyan ang sakit mula sa pagkabigo at pagtanggi ni Mingyu sa biniling agahan, kahihiyan sa dahilang mali pa ang nabiling pagkain at inumin—maging ang konsensya at repleksyon ay namutawi. 

 

Binigyan ni Wonwoo ng ilang segundo ang sarili upang huminga. Agad niyang pinunsan ang mukha at inayos ang hitsura, maging ang postura. 

 

“I… I really need to make it up to him,” Bulong niya sa sarili, sinusubukang kumbinsihin ang sarili na ‘wag sumuko—na sumubok pa muli. 

 

“You got this, Wonwoo. You made a mistake, so it’s only right to make bawi and make things right!” Pagpapalakas niya pa sa loob at saka bumalik sa klase. 

 

Datapwa’t napalakas na ang sariling damdamin, nasa kalikasan pa rin ng tao ang makarinig ng bulong mula sa mga demonyong nagluluklok sa pagiging makasarili sa bawat kwento. Pilit na winawaglit ang mumunting boses na sinasakop ang rekpleksyong ilang gabi niyang pinagnilayan—ilang gabing pinagsisihan. 

 

“But… I’m Wonwoo, and I already apologized, so why wouldn’t he accept it…” Mga linyang lumilikot sa utak ni Wonwoo habang nilalakad ang pasilyo pabalik ng silid-aralan. 

 

Kung may pagkatuto man si Wonwoo mula sa nangyari sa nakaraan, malamang sa malamang, alam niyang dapat hindi pakinggan ano man ang bulong ng masamang hangin na ‘yon. Alam niyang hindi na dapat pa maulit ang pagkakamaling dati na niyang nagawa at pilit tinalikuran. 

 

Pagbalik sa silid, may pinapagawa na ang propesor, at doon nasilayan niya si Mingyu. Kita ang maliliit na pangil sa ngipin habang tumatawa kasama sina Boo, DK at Jennie, bakas ang paggalaw ng balikat kakatawa. Akala mo’y nasa isang pelikula kung saan bumabagal na ang eksena. 

 

Bago pa siya makaiwas ng tingin, nagtama na ang mga mata nila ni Mingyu. Parang bumaliktad ang lahat, bumalik sa kaniya ang lahat—iyong mga mata at tinginan niya kay Mingyu na walang bahid na kahit anong emosyon, iyong diretso at walang sinasanto. At sa kalikasan ni Wonwoo, ang tumitig mata sa mata ay tila talento, at sa unang pagkakataon, siya ang nag-iwas ng tingin—siya ang yumuko at unang lumayo. 

 

Konsensya? Repleksyon? Leksyon? Alin nga ba ang tunay na dahilan sa biglaang pagbago sa ihip ng hangin. Si Wonwoo lang din mismo ang nakakaalam. 



-`♡´-



Apat na araw. 

 

Apat na araw ang ginugol ni Wonwoo upang subukang suyuin at paamuhin si Mingyu. Mula Lunes hanggang Huwebes, iba’t-ibang pagkain, iba’t-ibang mensahe sa dinidikit na papel—wala siyang natanggap na sagot maski isa, puro pagtanggi, panay alok lamang ni Mingyu sa mga kaibigan. 

 

Kung noong Lunes ay binilhan niya ito ng tsokolateng inumin at tsokolateng tinapay sa kapehan, pagkauwi sinigurado niyang hindi tsokolate ang ibibigay kinabukasan. Kaya lang din naman ‘yun ang kinuha sa kapehan dahil naalala niyang puro tsokolate ang binili nito noong minsang nagkasabay sila sa isang kapehan malapit pa rin sa unibersidad nila. 

 

Halos alas diyes na nakahiga si Wonwoo noong Lunes ng gabi. Ginugol ang ilang oras para ihanda ang lulutuing cookies para ibigay kay Mingyu. 

 

Inagahan muli niya ang pasok. Iniwanan ulit sa silya ni Mingyu. Palagay niya’y magugustuhan na nito ang bigay niya ngayon. 

 

Limang piraso ng red velvet cookies at limang piraso ng white matcha cookies na nakalagay pa sa kulay asul na kahon. Nilagyan niya pa muli ng mensahe. 

 

“Hi, Mingyu! I messaged you on Facebook, but I think you left me on read. I was the one who gave you Tims yesterday. Sorry. Didn’t know you’re not fond of chocolates, I just thought you might like it since that’s what you ordered when you went to Starbucks a few months ago. I’m really sorry for what I did. -WLJ.”

 

Natanaw niya na binasa ni Mingyu ang sulat, at doon bahagya siyang napangiti—may kung anong pag-asa ang tumubo sa kalooban niya. 

 

Hindi rin nagtagal ang umusbong na pag-asa. Agad din itong napalitan ng pait at muling pagkabigo. Isa na namang pagtanggi mula kay Mingyu ang kailangan niyang tanggapin at lunukin. 

 

Tumayo si Mingyu at nagpunta sa basurahan at saka may tinapong bungkos ng papel. At matapos no’n ay bumalik siya sa upuan at agad inalok ang mga pagkain sa kaibigan.

 

“Gusto niyo? Kain kayo. Hindi naman ako kumakain niyan eh, lasang damo kasi ‘yang kulay berde tapos ‘yang pula, ewan… Hindi lang gusto ng panlasa ko,” At binuksan pa ni Mingyu ang kahon ng cookies. 

 

“Jennie, diba paborito mo ‘yang matcha? ‘Yan ata ‘yan? Kainin mo na.” 

 

Hindi naman nakatakas si Mingyu sa panunukso ni Boo at DK, “Itong Mingyu Manuel natin may admirer na. Pangalawang araw na ‘to na may mga sweets ka eh.”

 

“Ano ba ‘yang admirer mo, Gyu? Ba’t hindi alam ano mga gusto mo?” 

 

Hindi man lang dumepensa si Mingyu, tumawa lang siya ng mahina sa asaran ng dalawa. 

 

Kumuha na si Boo at DK, sag-isa sila sa red velvet na cookies, “Masarap naman ah? Hindi masiyadong matamis. Ayaw mo tikman?” Umiling lang si Mingyu, “Hindi na… Inyo na ‘yan.”

 

Sumunod na kumuha si Jennie, kinuha iyong kulay berde, at unang kagat pa lang, alam na niya kanino galing ang mga natanggap ni Mingyu. 

 

Umayos na sila ng upo dahil naroon na ang propesor, inutusan nito si Wonwoo na ibalik sa may-ari ang kani-kanilang scantron—nagkatinginan sila ni Wonwoo, tila nagkakaintindihan sa simpleng tingin, umiwas na lamang ng tingin si Jennie. 

 

Araw ng Miyerkules, minabuti ni Wonwoo na ‘wag na munang bigyan ng kahit na anong matamis si Mingyu. Naisip niya na pagkain na lamang sa Jollibee ang ibigay, napansin kasi na madalas sila magkayayaan ng mga kaibigan doon. Nakikita rin naman kasi ni Wonwoo sa mga Instagram story ni Jennie na madalas sila doon. 

 

Inagahan muli ang pagpasok, bumili ng manok na may kasamang kanin, sinamahan na rin niya ng inuming Coke. Gaya sa mga naunang araw, iniwan lang muli sa upuan. Mas panatag na ang loob ni Wonwoo ngayon, pakiramdam ay tatanggapin na ni Mingyu ito. 

 

Nagdadalawang-isip man, nag-iwan pa rin siya ng sulat. 

 

“I hope you’ll like it this time. For your lunch. I’m sorry, Mingyu. Can we talk? -WLJ.” 

 

Hindi na mawari ni Wonwoo kung nananadya ba si Mingyu o mismong tadhana ang ayaw na patawarin siya sa nagawa. 

 

Nauna si DK at Boo sa klase at agad nakita ang Jollibee sa ibabaw ng silya ni Mingyu. Mabuti na lang at sa loob nag-iiwan ng liham si Wonwoo.

 

“Oh my, DK! Nakuha na ng admirer ni Gyu…” Humalakhak si Boo.

 

Natawa rin si DK, “Oo nga. Jollibee na. For sure, makakakain na tropa natin.”

 

Napangiti si Wonwoo sa narinig kaya napatanong si Jun na nasa tabi niya lang, “Why are you so happy, Lou?”

 

“Nothing,” Biglang nawaksi ang mumunting ngiti sa labi nito upang hindi makahalata si Jun. 

 

Ganoon na lamang ba kalaki ang sala ni Wonwoo upang mabigo siya ng paulit-ulit? Ito nga ba ang kabayaran sa palagian niyang pagkapanalo sa buhay? Ang mabigo at tanggihan ng paulit-ulit sa kabila ng lahat ng pagsubok upang itama ang pagkakamali? 

 

“Oh, Gyu! Ayos bigay ng admirer mo ngayon!” Masiglang bati ni Boo.

 

Umiling-iling si Mingyu, “Admirer…”

 

“Hindi ko admirer ‘yan… Tiyaka… May baon ako, pritong manok.”

 

Nakahalukipkip ang mga kamay ni DK, “Kami na naman panalo niyan.” 

 

Wala pa rin. Bigo pa rin. 

 

Sa mga sandaling ‘yon, tumunog ang telepono ni Wonwoo. Nakatanggap siya ng isang mensahe mula kay Jennie. May kaunting gulat dahil na kay Jennie pa rin pala ang numero niya. 

 

Maybe: Jennie Kim

 

Hey!

I hope this is still your digit, you brat!

No matter how hard you try and buy

something for Mingyu, he won’t accept it. 

He values sincerity, Wonwoo. 

Talk to him. In person. 

 

Hindi sumagot si Wonwoo. Itatago na sana niya ang telepono dahil papasok na rin ang propesor, pero tumunog pa muli ito. 

 

Maybe: Jennie Kim

 

So, same digits, huh?

Just take what I said, Wonwoo. 

You wouldn’t want to make the same 

mistake twice.

Right?

Right, my ex-bestfriend? 

:)

 

Bagama’t sumasagi sa isip ni Wonwoo ang mensahe ng dating kaibigan, pinili pa rin niyang gawin ang paraang alam niya. 

 

Bilang beadle sa klase nila, nalaman niyang may plano si Mingyu sumali sa Badminton Team ng kanilang departamento. Alam niya ring sa Sabado gaganapin ang pagsusubok para sa mga nais sumali. Narinig niya rin na sinabihan ni Boo si Mingyu na maaari itong magpunta sa himnasyo nila at doon mag-ensayo. Ang plano? Mag-eensayo si Mingyu at Boo sa Huwebes ng hapon, at mag-isa naman si Mingyu sa Biyernes dahil kailangan makauwi agad ni Boo at may lakad silang pamilya. 

 

Naisipan ni Wonwoo na simple na lamang ang ibigay. Bumili ng puti at pulang Gatorade. Malakas ang kutob niyang iinumin ito ni Mingyu, dahil ito naman ang karaniwang iniinom ng mga atleta. Binalot niya pa rin ito sa maayos na supot at nag-iwan ng liham sa loob kahit alam niyang itatapon lang din naman ito ni Mingyu. 

 

“Good luck on your try-out. Let’s talk, please? Let me apologize in person? -WLJ”

 

Ganoon pa rin. Napansin agad ni Boo ang mga ito, pero bago pa siya magsalita, pinangunahan na siya ni Mingyu, “Pula o puti, alin gusto mo diyan, Boo? Para sa training natin mamaya.” 

 

“I’ll take the red one,” Maikling sagot nito. 

 

Sa isip ni Wonwoo, “He’ll have the white one… That’s okay…” 

 

Ni hindi man lang inabot ng ilang oras ang kasiyahan ni Wonwoo na maisip na sa wakas ay may tinanggap na si Mingyu mula sa mga bigay niya. 

 

Hingal na hingal si DK nang marating ang silid nila. Halata mong iniinda ang pagmamadali mula sa pagtakbo at pag-akyat sa ilang palapag ng hagdan. 

 

“Si- sino may tubig… Pa- pahingi muna…” Pawis na pawis pa at halos magmakaawa na para lang maka-inom.

 

“Ito…” Sakto naman ang tayo ni Wonwoo upang mag-anunsyo sa klase. 

 

“Miss said apologies for the late announcement, but she’ll not make it to class since her meeting’s not yet adjourned. Free cut.” Matalas, seryoso, ngunit ang mga mata’y tutok kay Mingyu.

 

Naghiyawan ang iba. May iilan na natawa sa reaksyon ni DK dahil halos maglupasay na ‘to sa sahig nang marinig na walang klase, nagmadali pa man din siya. 

 

Inabot ni Mingyu ang isa pang inumin kay DK, “Umupo ka na, DK. Inumin mo na muna ‘to para umayos pakiramdam mo.” 

 

Ang kalungkutan ay napalitan ng kung anong inis, pero kung tutuusin maaari na ring ilagay sa Guiness Book of World Record ang apat na araw na pagtitiyaga ni Wonwoo na suyuin si Mingyu. 

 

Sa kabila ng inis na nadarama, gusto pa rin itong iwaksi ni Wonwoo kaya agad niya na ring niyaya si Jun, “Let’s eat? Let’s go, Jun.” Tumayo na rin ang kaibigan at kumapit sa braso nito, “You’re not telling me something, Lou. Mind to share?” 

 

Bago pa man sila makalabas, sumenyas pa si Jennie kay Wonwoo. Inangat ang telepono, senyales na may mensahe ito sa binata. Agaran din ang pagtingin dito ni Wonwoo. Binuksan kung ano na naman ang mensahe.

 

Maybe: Jennie Kim

 

See?

Sincerity, Wonwoo.

Gaano ba kahirap ‘yun? 

 

Don’t talk as if you know

what that means.

 

Trust me. I know :) 

I have always been sincere

and earnest. It was you

who failed to see through me. 

 

This isn’t about us, Jennie.

 

Alam ko. 

But the situation’s the same.

And

I can see you want to make it right

with Mingyu. 

Lucky him. 

 

??

What do you mean?

 

Nothing :) 

Good luck! I already gave you

a hint on what to do. 



-`♡´-



Halos isang oras ang ginugol ni Wonwoo upang ibahagi kay Jun ang lahat ng kaniyang ginawa mula Sabado para lang humingi ng tawad kay Mingyu. Nakinig lamang si Jun. Ang tugon ay bahala na raw si Wonwoo, tutal nagawa naman na niya ang parte niya—ang alugin ang kabigan mula sa nangyari noong araw na iyon. 

 

Kanina pa nakahiga si Wonwoo sa malambot na kama, pinipilit matulog at ipahinga ang mga mata, ngunit kanina pa rin siya nagdadabog sa higaan. Iniisip ano ba ang kailangang gawin para pansinin siya ni Mingyu—bagay na kahit kailan ay hindi niya nilimos kahit kanino man, pero heto siya, hindi makatulog dahil gusto niyang tapunan siya ng tingin, gustong mapansin at kausapin. 

 

Sinisipa ni Wonwoo ang mabigat na kumot, sabay subsob ng mukha sa unan at sumisigaw—sapat lamang naman na hindi siya marinig ng mga kasama sa malaking bahay. 

 

“Ahhhhh! I don’t know what to do anymore! I am so inis na, but I really want him to make pansin me. Why am I like this? I’m not like this! Come on, Wonwoo! You’re not like this!” Pangungumbinsi niya sa sarili, pero kahit anong pilit, hindi pa rin maalis ang kagustuhan na mapalambot ang puso ni Mingyu para sa kaniya. 

 

Akala mo’y may kung anong rumoroleta sa emosyon ni Wonwoo. Naroon ang inis, ang lungkot, maging ang agresibong pagtitipa sa teleponong hawak na ngayo’y nakabukas sa Facebook messenger ng kaklase. 

 

Mingyu Kim

 

Hi, Mingyu!

Can’t you forgive me? 

I am really sorry

naman ah. Why can’t you see that?

What do you want me to do ba?

Just so you could forgive me.

I am little inis na, for real.

You’re not making pansin

to every peace offering I give. Tapos you

always throw away my notes pa.

Then even here pa,

you’re not replying!

 

Napasigaw na naman siya sa unan habang sinisipa ang mabigat niyang kumot. Agad niya ring binagsak ang telepono sa kama. Wala na. Balik na muli siya sa dating Wonwoo—‘yung mainitin ang ulo, nagpapadala sa bugso ng damdamin, may maikling pasensya. 

 

Pumapadyak-padyak pa ang mga paa sa kama, patuloy sa pagdadabog—napatigil lamang nang may sunod-sunod na huni mula sa telepono niya. 

 

Mingyu Kim

 

May kakulitan ka rin pala, ano?

Gusto mong kausapin kita?

Bukas. Punta ka sa gymnasium haha

Ano sa tingin mo? 

 

O to the M to the G!

Is this real? 

You replied! Oh my!!!!!

Finally, huh! 🙄

 

Akala ko ba at nanghihingi ka

ng pasensya? 

Parang hindi naman?

‘Wag na kaya?

 

Noooo! I am kaya!

What time ba tom? And what do

I need to bring ba?

 

Wala. Sarili mo lang. 

 

Really ba? What are we gonna do ba?

 

Basta. 

Pumunta ka na lang.

Kung totoong nag-ssorry ka haha

 

Yippie! Okay! I’ll go!

See you! 

Seen

 

Sa isang iglap, napahikab na siya at nagkamot ng mga mata. Natigil din sa wakas sa pagdadabog, tinigilan na rin ang pagsigaw sa kama. Hindi man alam ni Wonwoo ano ang gagawin bukas, nabunutan na siya ng tinik dahil sa wakas ay pinansin na rin siya. 

 

Bumalik na si Wonwoo sa dating oras ng paggising. Wala ng dinaanan bago pumasok, walang bitbit na kahit ano. Wala na ring dinatnan si Mingyu na kung ano sa upuan niya. 

 

Pakiramdam ni Wonwoo ay sobrang haba ng araw ng Biyernes. Masiyado ata siyang nalulunod sa antisipasyon ng pag-uusap nila ni Mingyu. Bakit? Maski siya ay hindi mawari ang dahilan. Basta, ang alam niya, malilinawan na siya maya-maya lamang. 

 

Ilang klase rin ang lumipas, ilang oras ang inantay, at sa wakas—oras na para magtuos sina Wonwoo at Mingyu. Oras na para sa masinsinang usapan—iyon ang akala ni Wonwoo.

 

Agaran ang pagpaalam ni Wonwoo sa kaibigang si Jun, mabuti na lang at may lakad si Jun kaya hindi na masiyadong nagtanong. Nagsabi na rin si Wonwoo na medyo gagabihin siya—pinaghintay na lang muna ang drayber sa kapehan, nakatanggap naman ng simpleng ‘ingat’ at ‘take care’ mula sa ama at ina.

 

At nang matapos na ang lahat, dumiretso na nga si Wonwoo sa himnasyo. Agad niyang nakita si Mingyu, sinisintas ang suot na sapatos. 

 

Nilapitan niya ang kaklase, “Hey! I’m here na. Are we going to talk na?” Medyo malambot ang pagbigkas, maingat at baka magbago ang isip ng kausap.

 

Tumingala si Mingyu, “Huh? Usap?”

 

“Yeah! You said I should go here eh. So… here I am,” Inosenteng sagot ni Wonwoo, dahil buong akala niya’y mag-uusap na sila.

 

Nagtataka na siya nang hindi siya sagutin ni Mingyu, bagkus, inabot sa kaniya ang isang raketa. Nakatayo lamang si Wonwoo, bitbit ang raketa ng badminton, hindi alam ano ang gagawin.

 

“Shuttle drill tayo. Kapag nagawa mo ng ayos, mag-uusap na tayo,” Ani Mingyu, sabay tayo at hawak sa isa pa nitong raketa.

 

Hindi maalis sa mukha ni Wonwoo ang pagtataka, “What? Shuttle? What? I thought…”

 

Pinutol ni Mingyu ang sinasabi niya, “Pagkatapos ng shuttle drill. Isang daan ‘yang shuttlecock diyan, uubusin muna natin ‘yan.” 

 

Ni wala ngang ideya si Wonwoo paano humawak ng raketa, dahil pawang libro, panulat at kamera ang madalas lamang nitong hawakan. Wala siyang hilig sa mga isports isports na ‘yan. Magsulat, mag-aral at magbasa, ayun pwede pa. 

 

“I- I don’t know how…” Maliit ang mga boses, maging ang kilos at hakbang patungong gitna ng himnasyo.

 

Tinulak na ni Mingyu ang kumpol ng mga shuttlecock sa gilid ni Wonwoo, “Ibabato mo lang mga shuttlecock gamit ‘yang raketa papunta sa akin. Tapos tuloy-tuloy na ‘yun.” Nakuha na ni Wonwoo ang nais niyang mangyari, ang kaso mabilis siyang mapagod dahil hindi siya sanay sa mga ganoong uri ng aktibidad. 

 

“I get it. But… I can’t. It’ll be too tiring,” Pag-amin niya. 

 

Kinuha ni Mingyu ang raketa sa mga kamay ni Wonwoo, “Edi ‘wag na lang garod… Sige na. Uwi ka na, baka hanap ka na sa inyo.” 

 

At nang marining ni Wonwoo ‘yon, binawi niya ang raketa at hinigpitan ang hawak, “No!”

 

“Let’s… Let’s do it na. Pero promise ka, we’ll bati na after, okay? Make a promise, please?” Makulit niyang pakiusap kay Mingyu. 

 

May pahabol pa, “And… I’m sorry…” Pabulong lamang. Halos siya lang din ang nakarinig.

 

“Ano? Hindi ko marinig ngay, ” Sagot ni Mingyu. Inaasar ang binata, paano ba naman, parang uusok na ang ilong sa inis. 

 

“I said…”

 

“I’m sorry. I really am sorry….” Mata sa mata, malamlam ang pagtingin ni Wonwoo. 

 

“Pwesto na para sa warm up,” Tanging tugon ni Mingyu. 

 

Hindi maalam si Wonwoo sa pinapagawa, ilang beses na puro mintis ang pagtama sa shuttlecock, at nang makarami ay unti-unti niya ring nagamay paano ito papaluin patungo kay Mingyu. Pero hindi niya naman akalain na pawang pagbato papunta kay Mingyu lang kailangang gawin. Sa bawat hampas pala ni Mingyu na masasalo niya ay tuloy-tuloy pa rin ang palitan ng hampas at lipad ng shuttlecock. Iniisip pa lang na mayroong isang daang shuttlecock, pakiramdam niya’y mapuputulan na siya ng hita kakahabol. 

 

Halos kwarenta minutos din ang inabot nila bago maubos ang kumpol ng shuttlecock. Hindi na naiwasan ni Wonwoo ang maglupasay sa sahig ng himnasyo. Sila na lang din naman ni Mingyu ang naroon. 

 

Hingal na hingal, pawis na pawis, nanlalagkit na ang mga balat kahit pa inalis na ang paboritong cardigan. Habol kung habol sa paghinga, mabigat ang bawat angat at bagsak ng dibdib at balikat. May panginginig din sa binti at hita niya, pakiramdam ay hindi na makakalakad papunta sa drayber niya. Sinubukan niyang umupo, mabuti na lang at kinaya pa niya. 

 

At doon tinabihan siya ni Mingyu. Akala mo’y hindi siya ang kalaro, ni hindi man lang hiningal. Inabutan siya nito ng maliit na bote ng Pocari, sag-isa sila. 

 

“Inumin mo, para lumakas ka,” Abot ni Mingyu at laking gulat nang lagukin ito ni Wonwoo ng isang diretso. Hindi siya sanay. Sa paningin kasi ay mahinhin kumilos si Wonwoo—na siyang totoo rin naman. 

 

“Mingyu…” Panimula ni Wonwoo nang mahabol na ang hininga.

 

“I’m… I’m sorry for everything I said last Saturday. I have no excuse. I’m really sorry. That was harsh,” Nagsimula na si Wonwoo sa paghingi ng pasensya.

 

Ngumisi si Mingyu, “Nag-sosorry ka ba dahil nakokonsensya ka at gusto mong matahimik ‘yang utak mo? O dahil napahiya kita?” 

 

Umiling-iling si Wonwoo. Konsensya, repleksyon o leksyon, alin nga ba talaga?

 

“I’m sorry because I really am sorry. I judged you… I made lait just because of your pronunciation, diction, and all that stuff… I shouldn’t have done that…”

 

“Dapat, I didn’t allow my emotions to rule over me. I’m not saying sorry to save my face or name. I’m saying sorry because I realized it was wrong. Wrong na I said those things to you when we don’t personally know each other nga eh…” Pagpapaliwanag pa ni Wonwoo.

 

Nagpunas muna ng ilang butil ng pawis si Mingyu bago tumugon, “Dapat kasi hindi ka agad nanghuhusga… Bawasan mo init ng ulo mo. Tiyaka para lang malaman mo…”

 

“Hindi ako nandito dahil gusto ko maging kagaya mo… Kagaya niyo… Wala lang akong choice eh, kailangan kong magsakripisyo para sa pamilya ko,” Nasagot na ang katanungan ni Wonwoo sa sarili, kung bakit ba nagpupumilit siyang makipag-ayos kay Mingyu. At iyon ay ang kadahilanan na gaya ng mga batang minamahal niya, ganoon din si Mingyu— nagsasakripisyo, sumusubok at lumalaban. At para kay Wonwoo, sagisag iyon ng pangarap at kabutihan, na siyang dasal niyang matupad para sa mga bata—at ngayon ay para kay Mingyu na rin. 

 

Lumagok pa muli si Mingyu sa Pocari bago tumayo at isa-isang nilagay sa bag ang mga gamit, inaayos na rin ang mga raketa.

 

Sumunod naman si Wonwoo. May mga pilas ng papel na nilabas si Mingyu mula sa bag—at iyon ay ang mga dinidikit na papel ni Wonwoo sa tuwing may ibibigay siya. Buong akala’y tinapon lahat ni Mingyu, ngunit mali siya—dahil nasa harapan niya ngayon ang lahat ng sulat-kamay, nakadapo sa malaking palad ni Mingyu.

 

“WLJ? Wala man lang ibang codename ah. Halatang Wonwoo Louise Jeon eh,” Kumawala kay Mingyu ang munting hagikhik.

 

Nakatulala si Wonwoo, hindi alam ano ang sasabihin. Tinignan niya ang mga papel, sabay angat sa mga mata Mingyu, “You… I thought?” 

 

“Tinapon ko? Hindi naman ako ganoon kasama, Wonwoo.” Sagot naman ng isa pang binata. 

 

“Salamat sa mga bigay mo. Nabusog naman mga kaibigan ko. Pasensya kung hindi ko nagagalaw, hindi ko lang talaga hilig,” Pagpapaliwanag ni Mingyu.

 

Putol-putol kung sumagot, “It’s okay… Okay lang…” 

 

Sinukbit na ni Mingyu ang bag sa balikat at tinalikuran na si Wonwoo, naglalakad palayo upang umuwi na.

 

At nang may agwat na ang layo nila, sumigaw si Wonwoo, “Hey! So? We’re bati na?”

 

Hindi naman nakaiwas sa pagngisi si Mingyu at bumulong sa sarili, “Seryoso pala talaga siya…”

 

Tinignan niya si Wonwoo at binigyan ng nakakalokong ngiti, “Pag-isipan ko…” At saka binagtas na ang daan palabas ng himnasyo.

 

Natatawa na lamang dahil narinig pa niya ang pagpadyak ng mga paa ni Wonwoo at pagmamaktol, “Hey! That’s not fair, Mingyu Manuel Kim!” 

 

Tahimik pa rin sa biyahe pauwi si Wonwoo, pero mas magaan na ang hitsura, walang pagkunot sa noo o mabibigat na paghinga. Kinuha niya ang telepono at pinuntahan ang konbersasyon nila ni Mingyu.

 

Mingyu Kim

 

Hey! We’re bati na ha?

Say yes! Or else 😠

 

Ano? Hahaha 

Or else? Ano?

 

Nothing!

Basta! Say yes na kasi. 

Please? Let’s bati na?

 

Pag-isipan ko nga muna haha

 

You’re making fun of me

pa talaga, huh :( 

 

Paawa siya

 

I’m kawawa kaya :(

Can’t you see ba? 

Super tired ako from that shuttle drill

 

Oo na oo na

Baka umiyak ka pa eh

Basta 

Promise ka garod na susubukan

mong habaan pasensya mo

At hindi ka na magiging

mapanghusga

 

I promise! I’ll do better! 🥰

I’m sorry, Mingyu :( 

I really am. Talaga talaga talaga. 

 

Oo na

Sige na

Bati na tayo. Okay na?

 

Yippie! Okay na!

So? What’s your favorite 

cookie flavor?

Para if I bake, I’ll do those.

 

Hindi ako masiyado sa matamis eh

Mas hilig ko mga tinapay

kahit anong klase

 

I see! I see!

That’s noted! Give kita soon!

 

Iba ang hatak ni Mingyu kay Wonwoo. May kung anong mahikang dala si Mingyu kay Wonwoo kung saan parang lahat ng sabihin nito’y susundin at gagawin niya kahit pa hindi nakasanayan. May kung anong udyok kay Wonwoo na gawin ang lahat, makuha lamang ang atensyon ni Mingyu.

 

Isang linggo ang ginugol ni Wonwoo para paamuhin si Mingyu, ngunit bakit parang siya naman ata ang nahulog sa bitag at siyang napaamo rito? 

Notes:

medyo natagalan ang chap 3 pero mahaba-haba naman na 'yan :D basta, ito ako - Zaqa

 

X

 

salamat sa mga nagbabasa hehe

Chapter 4: Wala sa plano, tignan na lang natin saan ito patungo.

Summary:

Ika nga sa kasabihan, “Ang buhay ay parang gulong, minsan nasa ibabaw, minsan ay nasa baba,” ngunit magagamit pa rin kaya ito sa dalawang tao na may salungat na hinaharap—isang kahit kailan ay hindi naranasan ang pakiramdam sa ibaba, at ang isa na dahan-dahan pang hinahanap ang daan patungong itaas. Sa madaling salita, mali bang lumalim ang pagtingin para sa taong ani mo’y isang bituin.

Notes:

hi! if you're still here, thank u sooo <3 sorry it took me long for this chap pero i made sure to pour my all hehe i'll be gone for a month siguro? so most likely october na chap 5 : ( bawi ako for those who are waiting, i'll do my best to make it worth it. medj dramatic 'tong chap na 'to coz ang dami kong kuda hahaha ewan ko ba humahaba na lang talaga word count bawat chap hdfsahdhg :D

aside from that, i would just like to say as well na whatever that is... whatever that is you're trying to deal with, i'm rooting for u!

(See the end of the chapter for more notes.)

Chapter Text

Bilang isang estudyanteng aktibo sa klase, maaga talagang natatapos ni Wonwoo ang kung ano man ang ipagawa sa kanila ng mga propesor. Dahil na rin sa hilig nitong magbasa ay tapos na niyang basahin ang ilan sa mga susunod nilang aaralin sa klase. At ayan… ‘yan mismo ang dahilan niya kung bakit bukas ngayon ang kaniyang iPad na puno pa ng kung anu-anong sticker ang lagayan nito habang naka-upo sa malambot niyang kama. 

 

Nagtitingin si Wonwoo sa Google at maging sa TikTok ng kung paano nga ba gumawa ng tinapay. May sourdough, focaccia, baguette, at pandesal, maging ang paggawa ng ensaymada at Korean garlic cheese bread ay pinanood na niya. Bakit nga ba siya nanonood nito? Maski siya ay hindi alam ‘yun. Ipinagpalagay na lang niya na dahil gusto rin niyang matuto magluto ng iba pa maliban sa nakasanayan na niyang matatamis gaya ng cookies, brownies, crinkles, macaroons, carrot at banana cake. 

 

“I should drop by the mall tomorrow, and try to bake some bread,” Bulong niya sa sarili at sinimulang magtipa sa sariling telepono ng mga kakailanganin para sa binabalak gawin. 

 

Hindi naman sikat si Wonwoo sa mga social media, sakto lang kung tutuusin. Pero kung hindi mo siya kilala at bigla mong makikita ang Instagram ng binata, aakalain mo talagang isa siyang Youtuber o TikToker sa dami ng nangyayari sa buhay niya. Nariyan ang IG highlights mula sa iba’t-ibang bansang napuntahan na niya, na sa bawat bakasyon at okasyon ata na ginawa ng Diyos ay puro paglabas ng bansa ang ginagawa niya. Makikita rin madalas ang mga litrato at bidyo nito na nag-aaral sa iba’t-ibang kapehan at minsan ay sa sarili niyang kwarto na kita mo talagang masinop at maaliwalas kaya’t nakakapag-aral siya nang maayos. Wala man lang kahirap-hirap, mag-aaral na lang talaga siya. 

 

Tinuloy nga ni Wonwoo ang plano niyang dumaan sa mall at namili ng mga kakailanganin niya. Sandali lang naman siya doon. Namili at saka kumain kasama ang Tatay Berting niya—umuwi rin agad dahil atat nang simulan ang nakitang resipi ng sourdough na tinapay. Ilang oras din ang ginugol niya para sa pagmamasa, at tanging dasal niya lang ay sana maayos ang kalabasan nito kapag isinalang na sa hurno kinabukasan. 

 

Bagama’t may kung anong aliw kay Wonwoo habang ginagawa ang tinapay, hindi rin naman nakatakas sa isipan na hindi iyon madali—na pwede naman siyang bumili na lang sa French Baker o sa Wildflour kaysa gugulin ang ilang oras sa pagmamasa at magpahinga na lang. 

 

Inorasan ni Wonwoo ang kaniyang pagtulog dahil ayon sa resipi na sinundan ay walong oras muna bago pwedeng isalang sa hurno ang minasa niyang harina, kaya’t mas maaga siyang gumising at sinimulang ayusin ang mga gamit. Sinimulan niyang isalang sa hurnuhan ang pinaalsang tinapay—at doon, hindi maganda ang kinalabasan, akala mo’y hindi umalsa ang tinapay, o baka mali ang temperaturang naipihit sa lutuan.

 

Nayayamot na naman si Wonwoo. Ang aga-aga pa para sa kunot niyang noo at nakahabang nguso. Ilang oras ba naman ang nilaan niya kagabi para lang magawa ang naturang tinapay—pero wala—pumalya. 

 

Matapos kumain ng almusal agad din siyang nagpahatid kay Berting sa unibersidad. At dahil maaga siyang nagising, maaga rin siyang nakapasok. Naabutan niya sa klase si Mingyu, isa sa mga naunang nakapasok sa unang klase. Nginitian niya ang binata at saka kumaway. Ngumiti lamang pabalik ang binata. Magaan na ang loob ni Wonwoo ngayon na nagkausap at nagkaayos na sila. Pakiramdam din naman niya’y ayos na rin si Mingyu, ngunit may mga minuto pa rin sa mutya niyang buhay na dumadaplis at naiisip na kesyo napilitan lang si Mingyu dahil sa kakulitan niya o pumayag lang itong makipag-ayos dahil mabait ang binata—at aminado siyang kahit kaditing ay nababagabag siya rito. 



-`♡´-



“Before we dismiss, let me briefly discuss your assessment for the Final period. As you can see, this will be done by group, as I want you to come up with a project proposal that targets any specific facet of mental health that we have tackled. The project can be something tangible—meaning, the prospective audiences will be given any materialistic product that you’ll also create, or it can be something informative and educative, such as a webinar, seminar, training and such. Each group is free to choose as long as the theme or topic can target the discussions we had since August. I would also like to see the incorporation of Philosophical and Psychological theories in it. I have provided a template you can utilize to make it uniformed. Make it unique yet feasible, something that’s relative to your target audiences, but make sure that it’s achievable within the time frame you’re about to set. Kindly refer to the file I sent for the detailed context. This is by group.” Mahabang litanya ng propesor nina Wonwoo sa UTS, ipinapaliwanag ang konteksto ng susunod nilang proyekto para sa naturang kurso. 

 

Nagtaas ng kamay si Boo. “Yes, Boo?” Sagot ng propesor. 

 

“Are we allowed to choose our members po? Or you’re going to randomly assign us again like last time po?” Tanong ni Boo na siyang hudyat din ng pagtango ng ilang kaklase. 

 

Saglit na tumahimik ang propesor, tila nag-iisip, “I’m thinking of making it randomized, but to avoid conflict, I think it’s better to have it by friends. You are free to choose your members with a minimum of three and a maximum of six. Would that be okay?” 

 

Panandaliang tumahimik ang lahat sa klase, at kahit na walang nagsasalita, walang nakikita, ramdam ni Wonwoo ang talas ng sulyap o titig ng ibang nasa likuran niya. Walang binanggit na pangalan, at halata namang wala ring intensyon ang propesor na may patamaan, pero pakiramdam ni Wonwoo ay alam ng lahat ng naroon sa silid na siya ang dahilan—na siya ang puno’t-dulo ng pahayag na ‘yon. Wala mang binanggit na kahit na ano sa kaniyang pagkakakilanlan, tumatak na sa nakararami ang pagkakamaling minsan ay natunghayan. 

 

“Yes, Miss!” Kolektibong sagot ng mga tao sa klase.

 

Tumango-tango ang propesor, “Okay. Good. Wonwoo? Please send me a copy of the members per group once finalized, okay?” 

 

Ngumiti lamang si Wonwoo, “Got it, Miss.” 

 

Pagkalabas ng propesor ay agad ding nagtinginan ang ibang magkakaibigan sa klase, walang imik ngunit sapat na senyales para sila-sila na ang maging magkakagrupo. Maski si Wonwoo at Jun ay hindi na kailangan pang magtanungan, awtomatikong sila na ang miyembro para sa isa’t-isa. Ganoon na lamang din ang biglaang halakhakan nina Mingyu, DK, Boo at Jennie—isang tinginan pa lang ay alam na. 

 

Lumabas na ang nakararami sa klase, inaayos na lamang din nila Mingyu ang gamit at uusad na rin palabas. Mula sa harap na parte ng silid ay nagtungo si Wonwoo sa likod—sa kinaroroonan nina Mingyu. 

 

“Hi, Mingyu! Groupmates us sa finals, ha?” Ngiting-ngiti si Wonwoo. Abot hanggang tainga, kumpyansa at sigurado. 

 

Nakatitig lang sa kaniya si Mingyu at nagkatinginan naman sina DK, Boo at Jennie. Pinipigilan ang hagalpak ng tawa dahil bakit nga ba nagyayaya ang isang Wonwoo Louise Jeon maging kagrupo si Mingyu eh halos isuka niya nga ‘to noong nakaraan.

 

Pabuka pa lang ang bibig ni Mingyu nang segundahan ni Wonwoo ang paunang pangungusap, “You can sama them since max of six members naman. It’s okay sa akin and kay Jun too if they’re gonna join us.” 

 

At doon na tuluyang natawa si Boo at DK, may kasama pang hampasan sa isa’t-isa. 

 

“Na para bang napilitan kang isama kami,” Ani Boo. 

 

“Tanong mo muna, boss, kung gusto ka ba kasama ng bata namin,” Segunda pa nga ni DK. 

 

Hindi alintana ni Wonwoo ang pang-aasar ng dalawa, taimtim pa rin ang titig niya kay Mingyu, suot ang matamis na ngiting gumuguhit hanggang mata. 

 

Nilingon ni Mingyu ang mga kaibigan, “Ano? Sama ba tayo?” 

 

“Ikaw…” Tugon lang ni DK at Boo na siyang dahilan para tignan ni Mingyu si Jennie. Hindi siya nagsalita, tinignan lamang niya sa mata si Jennie kaya’t bumulong si Jun kay Wonwoo.

 

“Lou! I think there’s something going on between them. Do you think they like each other? Type ko pa naman si Mingyu.” 

 

Pinandilatan naman agad ng mata ni Wonwoo ang kaibigan, “Shut up!” At saka binalik ang tingin kay Mingyu na siyang nakikipag-usap pa rin sa dati niyang kaibigan, mata sa mata lamang. Kita niyang tumango lamang si Jennie. 

 

Binaling na ni Mingyu ang atensyon kay Wonwoo, “Okay. Basta ‘wag ka mang-aaway, ha?” 

 

Umirap lang si Wonwoo, “I’m not a war freak, noh!” 

 

Tumayo na si Mingyu at saka binigyan ng mahinang pitik ang ilong ni Wonwoo, “Sige. Kwento mo ‘yan eh.” 

 

“Ouch!” Eksaherasyong sigaw ni Wonwoo kahit mahina lang naman ang iniwang pitik. Natawa lang si Mingyu sa pag-iinarte ng kaklase.

 

Pagkalabas nina Mingyu ay sumunod na rin si Wonwoo at Jun. Hindi maalis ang ngisi sa mukha ni Jun.

 

“What’s with that face?” Usisa ni Wonwoo.

 

“This is the face of a person who knows something big about you,” Tanging sagot ni Jun.

 

At ano pa nga ba ang magiging reaksyon ni Wonwoo doon? Malamang sa malamang ay isang pag-ikot lang ng mata.

 

“What now na naman?” 

 

“You’re so obvious, Lou! Akala ko ba he’s not your type?” Sabi ni Jun at umangat-angat pa ang kaliwang kilay.

 

“What? I don’t have a crush on Mingyu, excuse me lang, ha!” Akala mo’y na-korner kung sumagot si Wonwoo. Akala mo’y bata na nahuli ng magulang na nagtatago ng kung ano—bakas sa tono ng pananalita ang pagdedepensa nito. 

 

“As he said, kwento mo ‘yan eh…” Sagot na lamang ni Jun. 



-`♡´-



Panibagong araw na naman ang ginugol nilang lahat sa klase. At dahil maaga silang natapos noong nakaraan, hinayaan na lamang sila ng propesor sa UTS na ayusin ang kani-kaniyang grupo na nabuo. Kaya heto, nakabilog ang mga upuan, magkakaharap ang bawat isa. Magkatabi si Jun at Wonwoo, at sa kabilang gilid ni Wonwoo ay si Mingyu na sinundan ni DK, Boo at Jennie—magkatapat ang kinalalagyan ng upuan ni Wonwoo at Jennie. 

 

Maaga pa para tuldukan ang ano mang ganap ngayong araw, pero mukhang payapa naman ang talakayan sa grupo nina Wonwoo. Sa awa ng Diyos ay wala pa namang nagkakasagutan maski pikunan sa diskurso ng kung ano ba ang dapat nilang gawin para sa proyekto. 

 

“If you like… We can continue this in my place tomorrow, since our last class is at 3 PM naman, right? Or want niyo sa cafe na lang ba? I don’t think kasi na we can work in the library since we’re not allowed to talk kapag doon,” Ani Wonwoo sa mga kasama habang isa-isa na silang nag-aayos ng mga gamit para tumungo sa susunod na klase. 

 

Napatingin lamang si Jennie sa binata, nagtataka kung bakit nagyayaya ito sa kanila kahit na alam namang makakasama siya—kahit na alam namang kagrupo rin siya. 

 

“Pwede, pwede,” Masiglang sabi ni DK. “Para libre makain,” Segunda pa nito na siyang nginitian lang ni Wonwoo. 

 

Datapwa’t maayos naman ang diskusyon nila kanina, hindi pa rin naaalis ang tila alanganing atmospera. Nagkakahiyaan pa rin ang bawat isa, naiilang at halos naglalakad sa sahig na may kung anong mga basag na piraso—may kaunting pangamba na baka may masabi o magawang hindi maganda—naging bubog na ang nakalipas na ininda. 

 

Si Boo ang nagpumulit mamulot ng mumunting bubog ng isa’t-isa, sinusubukang kumpunihin at baka sakaling maayos pa. 

 

“Thanks for the invite, Wonwoo. Kaso kasi baka some are not comfortable with it, maybe sa cafe na lang tayo? What do you guys think? 

 

“Jun? Jennie? Gyu?” Marahang sambit ni Boo, may pakundangan at pag-iingat. 

 

Tumugon na si Mingyu, “Kung saan kayo, doon ako. Kahit ano naman sa akin ay ayos lang.” 

 

Binaling naman ni Mingyu ang tingin kay Jennie, at hindi nakatakas ang mga ‘yon kay Wonwoo—palihim na umirap—hindi mawari kung dahil ba ito sa dahilang hindi sila ayos ni Jennie o may parte sa kaniya na namamangha sa kung paanong nagkakaintindihan ang dalawa kahit idaan lamang sa simpleng tingin. 

 

O baka sa dahilang minsan din silang ganoon ni Jennie—nagkakaintindihan kahit isang kurap pa lang, maski sulyap lang ay alam na ang nais iparating. 

 

“I’m good with it naman, si Wonwoo lang naman eh. Tiyaka, they have a strong WiFi connection for our research and charging ports na rin for our gadgets,” Simpleng sagot lang ni Jennie. 

 

Tinaasan niya ng kilay ang dating kaibigan, at dahil katabi niya lang naman si Mingyu, napansin ito ng binata at bumulong, “Oh… Akala ko ba walang away?” 

 

Nilingon ni Wonwoo ang pinanggalingan ng boses, pinandilatan si Mingyu, “I’m not making away ah. Why are you always on her side ba? I’m gonna tampo na talaga sa’yo.”

 

Natawa si Mingyu sa naturan ni Wonwoo. Natatawa sa kung paano sinabi nito na magtatampo siya, akala mo’y malapit na magkaibigan talaga sila para maramdaman niya ‘yon. At dahil tuwang-tuwa si Mingyu sa mga litanya ni Wonwoo, maging sa mukha nitong busangot—kunot na noo at nakahabang nguso, pinili niyang gatungan pa ang paunang linya nito. 

 

“Selos ka na niyan?” Suot pa ang nakakalokong ngiti, halatang nang-aasar at gustong pikunin ang kaklase. 

 

Umirap lamang si Wonwoo, “Why naman ako magselos? You’re so yabang, huh?” 

 

Isang bungisngis ang pinamalas ni Mingyu sa naging sagot ni Wonwoo. Namumula ang tainga, kita ang mga ngipin, malutong ang tunog ng halakhak. “Umuusok na ilong mo, W.L.J!” Pang-aasar pa muli ni Mingyu sa kaklase at hindi na napigilang humagalpak sa tawa habang naka-angat pa ang hintuturo sa mukha ni Wonwoo, parang tinuturo ang hindi naman tanaw na usok mula sa ilong nito. 

 

Tanging pagkunot ng noo, at pagtulis ng nguso lamang ang reaksyon ni Wonwoo. Bago kay Wonwoo ang pakiramdam na ‘yon, ang maging sentro ng biruan, ang maging sanhi ng katatawanan. Dahil madalas siyang seryoso, siyang tunay na mabini kung susumahin, hindi mawari kung bakit ganoon na lamang ang halakhak ni Mingyu sa kaniya—sa kung ano ang mga kilos niya. 

 

Kung hindi pa tinapik ni DK si Mingyu ay hindi pa ito titigil sa pagtawa, hindi nila maaalala na nasa gitna nga pala sila ng diskusyon kasama ang iba pang kaklase. Pulang-pula ang mukha ni Mingyu, hawak ang tiyan at nagrereklamong nananakit na ito sa kakatawa.

 

Sa kabilang banda, biglang natahimik si Wonwoo, nakatitig sa sahig at tila umiikot ang kalamnan. Minsan lang siya naging sentro ng katatawanan, dapat lamang na mainis siya, dapat lamang na mapikon siya, lalo pa at sa harap ng ibang tao pa siya pinagtawanan ni Mingyu. Bagkus na iyon ang maramdaman, mas nanaig sa kalooban niya ang isang matamis at magaang pakiramdam—ang halakhak ni Mingyu ay nagmistulang papuri na tanging siya lang ang nakapagpalabas. 

 

Gusto ni Wonwoo ‘yon. Nagustuhan niya ‘yon. Gusto pa niyang marinig muli ang walang humpay na tawa ni Mingyu. Nais niya pa muling masilayan kahit ilang segundo lang ang mga ngiti niyang abot tainga, kasama ang mga mata nitong nagniningning na tila tala. 

 

“Lou!” Alog ni Jun sa kaibigang kanina pa tulala. 

 

“Hello! Are you okay ba, Lou? Kanina ka pa tulaley diyan, girl!” Sunod-sunod na sabi ni Jun. Inaalog-alog pa ang balikat ng kaibigan.

 

“Ah? Yeah… I’m… Yeah…” Litong-litong sagot ni Wonwoo. 

 

“Where na tayo? What nga ulit pinag-uusapan natin?” Balik ni Wonwoo sa kasalukuyan. 

 

“If you insist daw, they’re good naman na sa place mo tayo gagawa tomorrow. They’re asking about your address para alam daw nila how to get there,” Ani Jun. Siya na ang nagpaliwanag sa kung ano man ang napag-usapan kanina ng mga kagrupo. 

 

Nagpamalas ng ngiti si Wonwoo. Hindi ganoon kalaki, ngunit alam mong bukal sa puso. Iyon ata ang unang beses na nginitian niya ang grupo nina Mingyu, iyon ata ang unang beses na naramdaman muli ni Jennie ang mga ngiti ni Wonwoo na walang halong pait, walang halong hinanakit. 

 

“Let’s all sabay na since I’ll be hosting our group study naman. I’ll just tell my Tatay Berting na we’ll use a bigger car para kasya tayong lahat,” Masiglang anyaya ni Wonwoo sa mga kaklase. 

 

Hindi naman naiwasan ni Mingyu ang magkamot ng ulo, tila ba nahihiya sa imbitasyon ni Wonwoo. Alam naman niyang para iyon sa proyekto nila, para sa grado, pero hindi pa rin niya maiwasan ang mailang lalo pa at hindi pa naman ganoon kalalim ang kung anong mayroon sila ni Wonwoo—ni hindi niya nga alam kung ano ba ang tingin sa kaniya ni Wonwoo. 

 

“Pwede naman kaming bumiyahe na lang, o kaya kami na bahalang pumunta… Baka… Baka kasi abala pa sa’yo, ikaw na nga ‘tong maghahanda ng bahay niyo,” Tugon ni Mingyu sa naturan ni Wonwoo.

 

Agad na nagsalubong ang mga kilay ni Wonwoo, hindi nagustuhan ang sagot ni Mingyu, pakiramdam niya ay hindi pa rin ganoon kagaan ang loob ng binata sa kaniya. Hindi naman niya masisisi si Mingyu, dahil maliban sa pag-uusap nila noong tinulungan niya ito sa shuttle drill ay wala na silang ibang pagkakataon pa na ungkatin ito. 

 

“But… But I want to sabay all of you…” Mahina lang, halos pabulong na nga ang pagsambit nito ni Wonwoo, pero dahil lahat ng atensyon ay nasa kaniya, rinig nilang lahat ‘yon. 

 

Mabilis na nagtinginan sina DK at Boo, akala mo ay konektado ang bawat linya ng kokote sa kung paano na lamang sila magkaintindihan kahit sa marahang pagtataas lang ng mga kilay. 

 

Bumuntong hininga si Jennie, binaling ang tingin kay Mingyu at saka marahang tumango. Maliit na ngiti na lang din ang sinukli doon ni Mingyu. 

 

“Oo na. Sasabay na kami sa inyo ni Jun, baka umiyak ka pa eh,” Pang-aalaska ni Mingyu. 

 

“Okay! Thank you! See you all tomorrow!” Tila nabunutan ng tinik si Wonwoo nang pumayag na ang grupo ni Mingyu.

 

Sa kabilang banda naman ay may kaunting agam-agam pa kay Mingyu. Nangangamba baka magkaroon ulit ng hindi pagkakaintindihan, baka may mga hindi maging komportable. Hindi pa man niya alam ano ang puno’t-dulo ng kwento, nananaig pa rin sa kaisipan ang lamat na mayroon kay Wonwoo at Jennie. 

 

At ngayon, pakiramdam niya’y nasa gitna siya ng dalawa—hindi bilang kaaway, o sanhi pa ng away, kundi parang tulay na maaaring maging daan ng muling pagkakakilanlan ng dalawa. 



-`♡´-



Tahimik ang biyahe patungong tahanan ni Wonwoo. Ni isa sa kanila ay walang umiimik, malinaw na busina mula sa labas at ibang nagdaraang sasakyan lang ang siyang humuhuni. Maski magpatugtog ay hindi magawa ng mga magkakaklase. 

 

Naka-upo sa likod ng 6-seater na kotse sina Boo, at DK at kanilang pinaggitnaan si Jun na madali nilang nakapagpalagayan ng loob habang nag-aantay kani-kanina lang.

 

Sa harap nila ay si Wonwoo, Mingyu at Jennie. Si Mingyu ang nasa gitna. Wala ni isa sa kanila ang umupo sa tabi ni Berting. 

 

Sa laki ni Mingyu, biglang siyang nanliit sa kinauupuan. May kung anong hindi makitang tensyon ang nararamdaman sa dalawang gilid niya, hindi man sila nag-uusap, wala mang imikan—may kung anong masamang hangin ang siyang umiikot sa loob ng kotse. 

 

“Are you okay?” Halos pabulong na tanong ni Wonwoo kay Mingyu.

 

“Ha?” May pagtataka. May kaunting gulat. 

 

“Are you cold? Your hands kasi eh…” Bumaba ang tingin ni Wonwoo sa magkasiklop na mga kamay ni Mingyu.

 

Binaling din doon ni Mingyu ang kaniyang mga mata, bakas ang pagtayo ng balahibo at mahigpit na pagkakasiklop ng kamay, “Ah… Medyo lang naman.” 

 

Nginitian siya ni Wonwoo. Iyong ngiti na parang may kung anong kumukulay mula sa mga mata niya, may ningning, may apeksyon—hindi tulad ng dati. Sa ilang buwan niyang pagkakagusto kay Wonwoo, ngayon lang siya napagbigyan ng mundo. Ngayon lamang siya hinayaang matunghayan sa harap niya mismo ang ngiti ng isang tala. 

 

Sa mga ngiting ‘yon ay muli na namang nabighani si Mingyu. Bumalik sa unang beses na nakita niya ang magandang binata—kung paanong unti-unting bumilis ang kabog ng kaniyang dibdib. Nanumbalik kay Mingyu ang pakiramdam kung paanong ang simpleng mga anunsyo ni Wonwoo ay ikinatutuwa na niya. Nalusaw sa memorya ang masamang nangyari, hindi man lang sumagi ang masakit na salitang tinamo mula pa rin sa iisang tao. 

 

“You’re cold nga,” Kung hindi pa muling nagsalita si Wonwoo ay hindi niya mapapansin na hinahaplos na pala ng binata ang ibabaw ng kaniyang kamay gamit ang hintuturo nito.

 

Nahuhuli ang katawan ni Mingyu, hindi agad-agad napoproseso ang kinalalagyan. Nang makita niya ang dahan-dahang paghaplos ni Wonwoo sa kamay niya gamit lamang ang hintuturo, doon pa lamang nadama ng katawan at kaluluwa niya ang bolta-boltaheng kuryente na siyang nagbibigay pa lalo ng nginig sa kaniya. Ni hindi na siya sigurado kung dala pa ba ito ng kalamigan, o ng damdaming nasisiyahan.

 

Iyon ang unang beses na nadama niya si Wonwoo… Ng pisikal. Dahil alam niya sa sariling hindi iyon ang unang beses na naramdaman niya ang presensya ni Wonwoo. Alam niya sa sarili na ang sinasabing simpleng pagkagusto ay delikado, dahil  sa bawat hakbang na tinatawid ni Wonwoo patungo sa kaniya, ang bawat paghaba ng mga salitang binabanggit sa kaniya, maging ang panaka-nakang paglapit ng mga balat nila—lahat ng ‘yon, mabagal man, maikli man, siya namang bilis ng epekto sa kaniya. Siyang bilis ng pag-alab ng damdamin—siyang bilis ng emosyong lumalalim. 

 

“Oh! We’re here na, guys!” Sambit ni Wonwoo nang makitang pagbuksan na sila ng entrada. 

 

Hindi naman ikinaila ni DK ang pagkamangha sa laki ng bahay nila. Entrada pa lang, garahe pa lang, alam mo nang marangya ang buhay na kinagisnan ni Wonwoo. 

 

Nakaka-angat din naman sina DK at Boo, alam din nila na marangya rin ang buhay ni Jennie at Jun, ngunit ngayon lang nila napagtanto na iba pala talaga ang buhay ni Wonwoo—ibang-iba siya sa kanila. Siya mismo ang tinutukoy na minoridad sa hugis ng tatsulok—kabilang sa iilang luwag na luwag, kasapi sa iilan pang nasa tugatog ng karangyaan. 

 

“Ang laki pala ng bahay niyo, Wonwoo,” Ani DK habang bumababa ng sasakyan.

 

Parang normal na kay Wonwoo iyon, “Sakto lang naman for us.” 

 

“Sir Wonwoo! Nandito na pala kayo. Nahanda na po namin ang sala. May meryenda na rin ho na nakahain doon,” Salubong ng mayor doma nila.

 

“Thank you, Ate,” Simpleng sagot lamang ni Wonwoo at saka inaya ang mga kaklase papasok dito. 

 

“Hala! Ma’am Jennie! Kasama ka pala. Long time no see, Madam!” Masiglang bati ng mayor doma nang makita si Jennie pagpasok ng pinto. 

 

Alanganing ngiti ang sinukli ni Jennie, “Oo nga po. Ngayon na lang ulit…”

 

Nagtinginan naman ang tatlo, sina DK, Boo at Mingyu. Alam naman nilang naging magkaibigan sila ni Wonwoo, ngunit wala silang ideya na ganoon na lamang pala sila kalapit noon—na ultimo kasambahay ay kilala si Jennie. 

 

“Let’s go inside?” Pag-aya na lamang ni Wonwoo sa mga kasama. 

 

Payapa naman ang unang trenta minutos ng paggawa nila. Ang iba’y nagtitipa sa kani-kanilang laptop, ang iba naman ay nag-uusap at nagsusulat sa kung paano magagawa nang maayos ang bawat impormasyong ikakabit para sa proyekto. Hindi pa naman nila tatapusin ngayong araw, gusto lang nila na may maumpisahan. 

 

“Do you guys want dessert? I can bake some cookies or you want something else?” Tanong ni Wonwoo sa mga kaklase. 

 

Binaling ni Boo ang tingin kay Wonwoo, at hindi maiwasang hindi purihin ang kaklase. Paano ba naman? Maliban sa sinabay na sila papunta, masasarap pa ang ipinakaing meryenda. 

 

“Huy! Nakakahiya na, Wonwoo. Okay lang kami. Busog naman kami sa pizza and chicken. Dami mo na pinakain sa amin,” Pag-amin ni Boo. Sinegundahan naman iyon ni DK, “Oo nga eh. Ang sarap pa naman nung mga nilagay mo sa carcoochie board.”

 

Pinigilan ni Wonwoo maging nila Jennie at Jun ang matawa. Halata rin kay Boo ang pagpigil ng tawa. Agad na nilapitan ni Mingyu ang kaibigan at binulungan, “Charcuterie. Shahr-koo-tuh-ree.”

 

Natawa na lang din si DK sa sarili at sinabing, “Pareho lang ‘yun.” 

 

“Teka! Galing mo ah. Lagi ka ata kumakain no’n eh,” Balik ni DK kay Mingyu, nagbubulungan na lang sila ngayon.

 

“Hindi. Ngayon lang ako nakatikim no’n. Alam ko lang talaga basahin kasi may napanood ako minsan na video sa Facebook…” Sinserong ani Mingyu.

 

“Ganoon pala lasa no’n? Ang alat nung ibang karne… mukha pang hilaw… Tapos… Hindi ko maintindihan ‘yung lasa nung ibang keso. ‘Yung biskwit at ubas lang nagustuhan ko do’n, buti na lang may pizza at manok,” Natatawa pang pahabol ni Mingyu kaya natawa na lang din si DK.

 

Totoo naman. Bagama’t pamilyar sa tawag, pagbigkas at hitsura, wala pa ring kahit na anong ideya si Mingyu kung ano ba ang lasa ng mga iyon, kung paano ba ang dapat na pagkain. Sa isip niya nga ay kakaiba raw talaga ang mga hilig ng mga mayayaman—iba raw ba ang panlasa na mayroon sila. 

 

“So? Cookies?” Tanong muli ni Wonwoo. 

 

At doon, si Jennie naman ang tumugon kaya laking gulat na rin ng iba pang kasama na sa kauna-unahang pagkakataon, nagkaroon sila ng konbersasyon na hindi patungkol sa pagtatalo.

 

“If you insist…” Sapat lamang para marinig, ang ulo’y nakatungo, ni hindi man lang tinapunan ng tingin ni Jennie ang dating kaibigan. 

 

“Okay! I’ll set the oven muna. I’ll come back in a few minutes. May want kayo inumin?” Patuloy na paglilingkod ni Wonwoo sa mga bisita. 

 

Gawa na rin ng hiya, nagpresenta na si Mingyu na tulungan ang kaklase, “Tulungan na kita, Wonwoo.” Gumuhit ang malapad na ngiti sa bibig ni Wonwoo. 

 

Nakakadalawa na siya. Nakakadalawang ngiti na si Mingyu mula kay Wonwoo.

 

“Okay! Come!” Nagpatianod na lang si Mingyu—hindi nga lang sigurado kung mula ba sa paghila ni Wonwoo sa pulsuhan niya patungong kusina, o sa kabog ng puso niyang wala atang balak manahimik. 

 

Nakakadalawa na siya. Nakakadalawang hawak na mula kay Wonwoo. 

 

At kung magiging tapat man siya, nagsusumigaw na ang isipang kumalas sa mahigpit na pagkakawak nito, ngunit nag-poprotesta ang puso—gumugusto, humihiling na sana hindi pa iyon ang wakas at dulo. 



-`♡´-



“Can I tanong?” Masiglang panimula ni Wonwoo kay Mingyu. Kasalukuyan siyang inaalalayan ni Mingyu sa pagbaklas ng mga pinatigas na cookies. Isa-isa nilang nilalagay sa isang tray para lutuin. 

 

Patuloy lang si Mingyu sa ginagawa, “Nagtatanong ka na nga.”

 

Umirap-irap si Wonwoo, “So mean! So mean!” 

 

Bahagyang natawa si Mingyu. Kahit hindi nakita ay alam niyang kung hindi kunot ang noo, ay umiikot ang mata ni Wonwoo. Sa iilang interaksyon nila, nasanay na siya sa responde ng binata—nakabisa na ang pangkaraniwang ekspresyon.

 

“Maka-’mean’ naman ‘to. Ano na garod tanong mo? Para hindi na ako mean,” Natatawa, nang-aasar, ganoon na lamang tumugon si Mingyu. 

 

“Do you and Jennie… Like… Have, ano…” Noong una ay malakas pa ang loob ni Wonwoo magtanong, ngunit bigla iyong naglaho nang biglang umangat ng tingin si Mingyu. Natapos na ilagay sa tray ang ilan sa mga cookies na iluluto, kaya ang buong atensyon ay na kay Wonwoo na. 

 

“Ano?” Seryosong nag-aantay ng susunod na sasabihin. 

 

“Like ano… Something nga…” Parang pinaparating pa ni Wonwoo na dapat ay naiintindihan na siya ni Mingyu, na kahit hindi niya sabihin ng eksakto ay alam na ng binata. Ngunit hindi papadaig do’n si Mingyu, gusto niyang marinig nang diretso, gusto niyang manggaling mismo kay Wonwoo. 

 

“Hindi kita naiitindihan, W.L.J.”

 

Muli na naman siyang umirap, ngayon ay kita na ni Mingyu iyon, “Oh! Umiikot na naman mata mo.” 

 

“Stop with W.L.J kasi,” Ngumunguso na ang isa. 

 

Sinimulan na ni Wonwoo isalang ang mga nahanda nilang cookies, at habang sinasara ang pinto ng lutuan ay tinuloy na niya ang tanong, “Like something… Crush? I don’t know, basta like that…” 

 

Natawa si Mingyu. Tawang-tawa. Iyong tawa na rinig sa apat na sulok ng kusina, na kahit napakalawak ng naturang silid ay napupuno pa rin iyon ng halakhak niya. Ang sarap pakinggan, parang musika, parang kahit iyon lang ay mapapawi na ang lahat—ganoon na lamang ang rehistro ng halakhak na ‘yon kay Wonwoo. Wala man siyang mabigat na dinadaanan at dinadamdam, ibang ginhawa pa rin ang hatid ng ngiti at tawa ni Mingyu. 

 

“Wala,” Buong-buo ang sagot ni Mingyu.

 

“Wala kaming something ni Jennie. Ikaw malisyoso ka ah.” Sarkastiko ang pagbanggit ni Mingyu sa dulong pangungusap. 

 

Bahagya munang tumigil si Mingyu, kumbaga pinapakiramdaman ang atmospera. Binabasa ang sitwasyon kung pasok pa ba ang bawat biro niya, kung hindi pa ba ito lumalagpas sa linya ng hangganan ni Wonwoo. At nang mapansin na mukhang ayos pa naman, itinuloy niya ang sinasabi, “Sabagay mag-ex kasi kayo ‘no? Selos ka siguro sa akin?”

 

At doon tuluyang sumimangot si Wonwoo. Biglang kinabahan si Mingyu, iniisip kung napasobra ba ang biro niya, na baka lumagpas na siya sa linya ng distansya nila—ng kung ano lang ba ang mayroon sila. 

 

“What?!” Mahina, ngunit buo. Blangko ang mukha, ngunit halatang seryoso. Mas lalo lang umigting ang kaba ni Mingyu. 

 

Umirap si Wonwoo, “She’s not my ex, ‘no! Besides she’s not my type din ‘no…” Sinabayan pa ng halukipkip ng mga kamay. 

 

Unti-unting nakahinga ng maluwag si Mingyu, mukhang hindi naman nagalit, hindi naman nainis. 

 

“Alam mo, Wonwoo, ‘wag ka mag-alala. Magkaibigan lang talaga kami ni Jennie. Gusto mo tulungan pa kitang magkabalikan kayo eh.” Natatawang sabi ni Mingyu dahil ramdam na rin naman niya ang pag-gaan ng paligid. 

 

Sakto namang tumunog na ang lutuan at handa nang hanguin ang mga unang sinalang na cookies. Dahan-dahan itong nilabas ni Wonwoo sa hurnuhan. 

 

“Really, Mingyu?” Ngayon, si Wonwoo naman ang nagsasalita na may halong pang-uuyam. 

 

“I’m wearing my baby pink cardigan, and you’re telling me that Jennie’s my ex? I’m not even into girls, oh my gosh ka!” 

 

Inaantay pa rin nilang lumamig ang mga naunang naluto, at saka paisa-isa ulit naglalagay sa tray para naman sa ibang flavor ng cookies.

 

Napakamot na lamang si Mingyu sa ulo, mukha namang kahit kailan ay hindi siya mananalo kay Wonwoo, “Aba! Malay ko ba?”

 

“Pero para sagutin ‘yung tanong mo ng matino, wala. Wala kaming something something na ‘yan ni Jennie, okay na?” 

 

Napangiti si Wonwoo sa sagot. Sinubukan niyang hindi ito ipahalata, sana lang talaga ay hindi ito napansin ni Mingyu. 

 

“Okay.” Tanging sagot ni Wonwoo at saka biglang pumasok sa kusina si Jennie. 

 

“I’ll just refill the pitcher,” Walang emosyong sabi ni Jennie at agad inabot ni Mingyu ang pitsel nang makitang nalagyan na muli ito ng tubig. 

 

“Ikaw muna dito, Jennie? Ako na magbalik niyang tubigan,” Ani Mingyu at wala na rin namang nagawa ang dalaga dahil naagaw na sa kaniya ng kaibigan ang pitsel at mabilisang nilisan ang kusina.

 

At doon, tanging si Wonwoo at Jennie na lang ang natira. Ang kanina lang na malawak na kusina’y tila unti-unting sumikip, unti-unting lumiliit—na para bang numinipis ang bawat hangin na pumapalibot dito. 

 

“We’re just friends…”

 

“You know, Mingyu and I,” Biglang sabi ni Jennie habang nakasandal sa mesa kung saan inaayos ni Wonwoo ang mga cookies. 

 

Nagkibit-balikat si Wonwoo, ni hindi man lang sumagot. 

 

“He doesn’t want you uncomfortable, that’s it…” Dugtong ni Jennie. 

 

Tinignan na ni Wonwoo ang dating kaibigan, “What do you know, Jennie?” Masungit ang pagkakatanong niya. 

 

“I heard him bago pumasok dito, and I supposed you asked him kung may something ba kami, right?” Diretsahan namang sagot ni Jennie. 

 

“So?” Tanging sagot ni Wonwoo doon. 

 

“Louise… He cares about you… That much. That he looks out on you whenever I’m present, na baka you will get uncomfy with me, with us…” Kahit si Jennie ay walang ideya bakit ba siya nagpapaliwanag kahit alam naman niyang kakaditing ang tiyansa na pakinggan siya ni Wonwoo. 

 

Inulit lamang ni Wonwoo ang naturan kanina, “What do you know?” 

 

Bahagyang ngumisi si Jennie, at saka tinulungan si Wonwoo ilipat sa garapon ang mga napalamig nang cookies, “You like him, Louise. As for Mingyu, I don’t know if he feels the same since we’re not that close…”

 

“You know, not like what we had…” May kung anong karayom ang tumusok sa dibdib ni Jennie. Pati si Wonwoo ay nadaplisan ng karayom na ‘yon, pati siya mismo ay naramdaman ang pait ng salitang iyon. 

 

Sinara ni Jennie ang isang garapon, “If you’re thinking na baka gusto ko siya, you’re wrong. He’s just a friend to me.” Hindi mawari ni Wonwoo, ngunit parang may nakabarang tinik na natanggal sa kaniya nang manggaling na mismo iyon kay Jennie. Ngunit ang panandaliang ginhawa ay napalitan muli ng kung anong bara nang magsalita pa muli ang dating kaibigan, “I actually envy him… How you reached out to him and apologized… How you did all that– just… Just to fix things…” 

 

Kalahating taon. Nasa kalahating taon din ang tinagal ng tahimik na hidwaan nilang dalawa. 

 

Ilang araw naghintay si Jennie na lapitan siya ni Wonwoo, ilang gabi ang ginugol niyang isipin kung hindi na ba mainit ang ulo ni Wonwoo.

 

“I tried…” Bulong ni Wonwoo. 

 

Pumiksi si Jennie, at wala ng kahit ano pa ang pumigil sa bugso ng damdamin niya, “You tried? Just tried? Bakit hindi mo tinuloy? I was just waiting, Wonwoo…”

“I was waiting for you to reach out because I know… That night, you already know the truth. I was waiting for you to take back all the harsh words you said to me…” Sunod-sunod na sabi ni Jennie. 

 

Napayuko si Wonwoo, nahihiya, nanliliit. Naalala ang bawat salitang binitawan kay Jennie, kung paanong hinusgahan at sinabihan ng kung ano-ano ang kaibigan. Kung paanong hindi niya man lang ito binigyan ng pagkakataong magsalita o magpaliwanag.

 

“I was too shy… Kasi I know how awful that was…”

 

“How awful it was to accuse my best friend of bribery for that valedictorian rank, just because I saw your dad donate to our school…”

 

“And- And I crashed out without hearing your side… Only for me to find out both of our fathers did it for us… As our legacy for that school…” Mahaba-habang litanya ni Wonwoo. 

 

Kung sa pangkaraniwang araw lang siguro ay hindi ganitong Wonwoo ang makakausap ni Jennie, pero ngayon, narito siya—nagpapaliwanag, nakikinig at nagsusumamo—na siyang kay tagal hinintay ni Jennie. 

 

Nangingilid na ang mata ni Jennie, bumabalik ang nakaraan na kahit kailan ay hindi magawang kalimutan. 

 

“Lou…”

 

“You didn’t trust me enough. You– of all people. I was so genuine and earnest, and you should have known I’m more than happy just being your salutatorian…”

 

May hinto sa pananalita ni Jennie, bahagyang nagpunas ng nagbabadyang luha sa mata, “Kasi, I don’t need those, hindi ko naman kailangan o gusto maging valedictorian. I don’t have any plans of competing with you…”

 

“Bec— because your win is my win. I— I just need my best friend eh…” At doon unti-unting nabasag ang boses nila, unti-unting lumiit ang silid—ngunit ngayon, hindi na dahil sa hinanakit na dala, kung hindi dahil sa unti-unting pag-usbong ng pagkakaintindihan at kapatawaran na siyang muling magdudugtong sa katauhan nila. 

 

“I’m sorry, Jennie. I wanted to talk to you, but… I thought it’s better that way because you don’t deserve any of it… I didn’t deserve you…” Paunti-unti ang paglalapit ng dating magkaibigan, sinusubukang buwagin ang pader na pilit nilang binuo—ang harang na sapilitang nagkukubli sa tunay na nararamdaman. 

 

Kaditing na dangkal na lang ang pagitan ng dalawa, mas napapalapit na sa inaasam na kapayapaan—sa hinahangad na pagkakaintindihan. 

 

“You don’t make smores cookies now?” Pagbago ni Jennie sa usapan. 

 

Umalis si Wonwoo sa pwesto niya at may kinuha sa kabilang bahagi ng kusina. Pagbalik sa mesa ay bitbit nito ang isang supot ng puting marshmallow at bote na may apoy na siyang gagamitin para tustahin ang marshmallow. 

 

“No one’s doing the torching for me… Besides, there’s only one person who eats my smores cookies,” Nilapag lamang ni Wonwoo ang mga naturang gamit sa mesa, at doon awtomatikong kumilos si Jennie. Binuksan niya ang supot ng marshmallow at nilagyan ang ilan sa mga nalutong cookies, at saka sinimulang paganahin ang apoy upang tustahin na ang malambot na pagkain na ‘yon. 

 

“I’m here now, Lou. You can bake them again. Someone’s here to toast these mallows for you,” Patuloy lamang si Jennie sa ginagawa, at hindi man niya diretsahang sinagot ang paumanhin ni Wonwoo, alam nila pareho na kung ano man ang naging hidwaan nila—ito’y nalusaw na—handa na muli magsimula ng panibagong yugto.

 

“I missed this…” Tanging bulong ni Wonwoo na siyang sinuklian lang ni Jennie ng isang malawak na ngiti. 

 

Naiwan pa sandali si Wonwoo sa kusina. At bago pa man maka-upo si Jennie, nagtagpo ang mga mata nila ni Mingyu. At doon, bumulong sa hangin si Jennie, “Thank you.” 

 

Tumango-tango si Mingyu, senyales na naiintindihan niya ano man ang ipinagpapasalamat ni Jennie. Bago pa man siya muling magsimula sa ginagawa, tumunog ang telepono niya. 

 

Wonwoo Louise Jeon

 

Thank you, Mingyu 🩵

It means a lot. Thank you ☺️

 

Bati na kayo ng ex mo?

 

She’s not my ex nga! 

So kulit naman ikaw 😠

 

Hahaha umuusok na naman ilong

Balik ka na dito 

hanap ka ng ex mo

 

You’re so annoying! 

Jennie’s not my ex nga! 😠

 

Galit na galit hahaha

Oo na garod hindi na

Balik ka na dito garod

 

Fine 🙄

But, still, thank you nga

 

Buti naman at 

nakapag-usap na kayo

Mas maganda kapag dinadaan 

sa maayos na usapan diba? 

 

Yes na nga! 🙄

I’m trying to work on 

my temper, okay? 

 

Naks! 

Very good ka garod 

kung ganon hahaha

 

Sanay naman si Wonwoo sa papuri, hindi na bago sa kaniya ang masabihan kung gaano siya kahusay, kung gaano siya kagaling sa iba’t-ibang bagay. Hindi rin naman siya nabuhay at pinalaki upang manlimos ng papuri at apeksyon. At higit sa lahat, hindi rin naman siya ang tipo ng tao na gagawa ng bagay o desisyon para lang mapansin ng iba, para lang mapuri nila—kaya’t heto siya, nagtataka, sa kung bakit may anong hila ang simpleng mensahe ni Mingyu sa kaniya. Ganoon na lamang ba kagarbo ang humingi ng despensa, na ang pagpuri ni Mingyu ang nagmistulang regalo para sa ginawa niya? 

 

Sandaling dumaplis sa isipan ni Wonwoo ang mga panunukso ni Jun. Sandaling kwinestyon ang sarili kung higit pa nga ba sa nalalaman niya ang bugso ng nararamdaman para sa naturang kaklase. Hindi siya makasagot. Wala pa siyang sagot. Tanging ang kabog ng dibdib ang siyang nagsusumigaw sa pala-isipang iyon. Doon, mas lalo lang nalito si Wonwoo. Bakit ganoon? Bakit ganoon na lamang ang epekto sa kaniya ng bawat sabihin at gawin ni Mingyu. 



-`♡´-



Maliban sa pang araw-araw na buhay na kinagisnan nina Wonwoo at Mingyu, wala naman masiyadong nagbago. Isa lang siguro sa nadagdag ay ang unti-unting pagiging malapit ng dalawang grupo—mas malapit na ngayon si Wonwoo at Jun sa grupo ni Mingyu—nabawasan na ang tensyon, mas ayos na ang daynamiko. 

 

Sila-sila na ang madalas na magkakasama bago, tuwing at maging pagtapos ng klase. Mas naging mahigpit ang bigkis ng pagkakaibigan gawa ng nasolusyunang tampuhan, at maging ang mga gawain sa unibersidad ay naging daan din para mas mapalapit pa lalo. 

 

Si Jun, DK at Boo ang tinaguriang ‘joker’ sa grupo, mga mahilig magbiruan, ang siyang nagpapatawa sa kanilang lahat. Si Mingyu naman ang tila ‘tatay’ sa grupo, laging may paalala, laging banayad sa kanila. At si Wonwoo at Jennie naman daw ang mga ‘prinsesa’, laging nagmamaganda at nag-iinarte lang ika nga nina Jun—wala namang reklamo doon ang dalawa dahil siyang tunay naman daw. 

 

Mula sa mabibigat na paghinga sa una nilang pagtatagpo at pagsasama, sa isang iglap, kasing gaan na ng hangin ang paligid nina Wonwoo at Mingyu. Kasing liwanag ng araw ang mga mukha nila sa bawat isa, sing payapa ng langit ang bawat usad ng usapan.

 

“Pustahan tayo si DK ang mahuhuli sa kanilang lahat,” Sambit ni Mingyu habang nilalapag sa mesa ang binili nilang inumin ni Wonwoo. Kasalukuyan silang nasa kapehan malapit sa unibersidad nila, napagkasunduan kasi nilang magkakagrupo na sa labas gumawa ng proyekto nila para maiba naman daw. Nagkayayaan din na kumain sa labas. 

 

Humagikhik nang bahagya si Wonwoo, “He’s always late eh. Even sa class nga rin.” 

 

Magkaharap ang dalawa at nag-aayos ng kani-kanilang laptop. Sila ang unang nakarating sa napagkasunduang kapehan, kaya ayan, sila na ang humanap ng mauupuan na malapit sa may saksakan. 

 

“Para talaga kayong kambal nila Jennie at Jun, ‘no?” Usisa ni Mingyu sa kasama habang parehong naghahalo ng inumin. Iced seasalt matcha latte ang kay Wonwoo, at iced spanish latte naman ang kay Mingyu na si Wonwoo pa ang pumili dahil nahihirapan daw siyang mamili. 

 

Kumunot ang noo ni Wonwoo. Nakapalumbaba na rin siya habang titig na titig sa kaharap, “Why naman?” 

 

Ngumuso si Mingyu sa inumin ni Wonwoo, “Pare-pareho kayong mahilig sa lasang damo.”

 

Natatawa pa habang ang isa naman ay biglang sumimangot, “It’s not lasang damo kaya! Kahit you tikim pa!” 

 

Sa gitna ng asaran nila ay tinawag na ng barista ang pangalan ni Wonwoo, pwede nang kunin ang binili nitong pagkain. 

 

“Diyan ka na. Ako na kukuha,” Presenta ni Mingyu. Aangal pa sana si Wonwoo, pero tumayo na si Mingyu at kinuha ang mga biniling pagkain ni Wonwoo. 

 

Nilapag na ni Mingyu ang binili nitong pasta na kulay berde rin ang kulay, pesto kung tawagin, pati na rin ang fries na binili pa rin ni Wonwoo.

 

“Oh? You didn’t buy food?” Tanong ni Wonwoo sa kasama.

 

Medyo nataranta si Mingyu sa tanong. Hindi alam paano sasagutin si Wonwoo—paano sasabihing hindi na siya bumili dahil masiyadong mahal ‘yung kape, at may plano pa silang kumain sa Domino’s mamaya. Hindi alam paano itatago na halos magpalamon siya sa hiya nang humingi ng paunang baon sa tiya dahil natatakot na baka kulangin ang dala niya.

 

“Ah… Eh… Ano—“ Putol-putol ang sagot ni Mingyu.

 

Nanatili lang nakatingin sa kaniya si Wonwoo, hindi namamalayan na kahit nasa kaniya ang mata ng binata ay inaayos na nito ang mga kubyertos—akmang nilalapag sa gilid niya ang iba.

 

“Busog pa ako… Oo… Busog pa. Tiyaka diba kakain pa tayo mamaya sa Domino’s ba ‘yun? Sabi niyo?” Litanya ni Mingyu. Laking pasasalamat naman niya dahil mukha namang naniwala si Wonwoo sa kaniya at hindi na nagtanong pa—tumango-tango lamang siya.

 

“There. Let’s share. I can’t ubos everything naman kasi eh,” Masiglang sabi ni Wonwoo habang tinuturo ang kubyertos na nakalagay na sa binili nitong pesto pasta.

 

“Sige lang. Busog pa rin talaga ako, Wonwoo,” Maliit ang boses ni Mingyu—hindi mawari kung dala ba ng hiya dahil tanging inumin nga ang binili niya, o kilig dahil inaalok siya ng taong gusto niya. 

 

“We share! Later pa tayo kakain. Baka magutom ikaw and you can’t make sagot nang very well sa project natin, I don’t want that,” Diretsong sagot lamang ni Wonwoo.

 

Mukhang mapilit ang binata, ramdam naman ‘yon ni Mingyu. Iniisip niya tuloy kung sumagi ba kay Wonwoo na kulang ang pera niya o baka naawa sa kaniya dahil kape lang ang mayroon siya—at taliwas ‘yon sa gustong paniwalaan ng puso niya. Ang sigaw ng puso niya? Nag-aalala si Wonwoo sa kaniya, pero nariyan muli ang pangungulit ng isipang humahadlang sa mumunting pantasya—na baka nga naaawa lang talaga ang isa. 

 

Tulak ng bibig, kabig ng dibdib—salungat ano man ang nasa isipan sa nararamdaman. Humahadlang ang utak sa puso—gustong pairalin ang kritikal at lohikal na pag-iisip kaysa sa umuusbong na pagsinta.

 

“Takaw tingin ka ‘no? Dami mo binili hindi mo pala mauubos,” Mababa ang tono ng boses ni Mingyu, at ang dating no’n kay Wonwoo ay parang dismayado siya. Yumuko si Wonwoo at bumulong, “Sorry…” 

 

Nagulat si Mingyu sa reaksyon ng binata. Bakas ang paglambot ng boses nito nang humingi ng pasensya, bigla ring bumagsak ang mga ngiti nito sa labi—at doon naman natauhan si Mingyu. Doon napagtanto na masiyado siyang seryoso, masiyado siyang nagpapalamon sa mga boses na kumukulit sa utak niya—na parang bawat kibot ni Wonwoo ay minamasama, bawat sabihin ng binata ay pinagdududahan. 

 

“Bakit?” Tanong ni Mingyu. 

 

Hindi agad sumagot si Wonwoo.

 

Dahan-dahang nilandas ng hintuturo ni Mingyu ang kamay ni Wonwoo na nakapatong sa mesa. Hinaplos ito gamit lamang ang hintuturo—gaya ng ginawa ni Wonwoo noon sa kamay din niya, “Huy! Wonwoo…” 

 

Nagtaas na ng tingin si Wonwoo at akma sanang aalisin ni Mingyu ang hintuturo na humaplos sa kamay ng kasama nang hulihin ito ni Wonwoo.

 

“Ba- Bakit… Ano? Bakit ka nag-sosorry?” Tanong ni Mingyu, at hawak pa rin ni Wonwoo ang hintuturo nito.

 

“Coz you’re galit na naman sa akin…” Malambot, malambing, nakakatunaw kung tutuusin.

 

“What’s so wrong with sharing the food ba? I just want you to eat lang din naman eh because we’ll be working a lot today…” 

 

“Is sharing bad ba?” Malumanay na maktol ni Wonwoo sa kaklase. 

 

Nakonsensya naman doon si Mingyu. Bagama’t nagbabadya pa rin ang mga agos ng ideya sa utak nito, mas pinili na lang muna niyang unahin ang bugso ng damdamin. 

 

Wala naman sigurong mali sa ginagawa niya. Hindi naman siguro kasalanan ang unahing patahimikin ang pusong nagsusumigaw, ang dibdib na nagbabadyang sumabog dulot ng hindi malaman na dahilan. Hindi naman siguro utang sa mundo ang paminsang pagpili sa emosyon. 

 

“Sige na garod…

 

“Hati na tayo.”

 

“Okay na?” At doon, nanumbalik ang mga ngiti ni Wonwoo. 

 

Parang anghel. Sa isip ni Mingyu, dapat hindi libre ang mga ngiti na pinapamalas ni Wonwoo—at doon naisip pa na kung ano nga ba ang mabuting nagawa para paulit-ulit niyang masilayan ang mga ngiting ‘yon. Ang ngiti na parang dinadala siya sa alapaap , isama pa ang marahan at maliit na dampi ng mga balat nila na akala mo’y ihinihiga na siya sa malambot na mga ulap. 

 

“Here! Taste mo! The fries is good!” Hawak na ni Wonwoo ang tinidor at may nakatusok na isang piraso ng patatas. Tinapat niya ‘yon sa harap ng mukha ni Mingyu at naghintay. 

 

Aabutin naman ni Mingyu ang tinidor, kukunin naman niya, pero nang i-angat na niya ang kamay ay agad nilayo ni Wonwoo nang kaunti ang tinidor at saka nagsalita, “Say ‘ah’! I’ll feed you para sure na you’ll eat!” May panunuksong ngisi pa sa labi ng binata.

 

Nagtatalo na naman ang utak at puso—nagpupumigil ang utak, kumakalabog ang puso. Kahit ata kaluluwa niya’y nalilito na sa ikot ng kaniyang sistema.

 

“It’s yummy, right?” Masiglang tanong ni Wonwoo sa kaklase. 

 

“Ang sarap…” Wala sa sariling sabi ni Mingyu habang nginunguya ang patatas.

 

“Ang sarap makita ng mga ngiti mo. Ang sarap sa pakiramdam ng bawat haplos at hawak mo. Parang ang sarap sarap gumising sa araw-araw kasama ng pag-aalaga mo. Parang ang sarap ng araw at gabi na mayroong Wonwoo Louise Jeon sa buhay,” Anas ni Mingyu sa kalooban niya. 

 

Ngunit gaya ng ibang araw, ang takbo ng isip pa rin ang siyang nanaig. Ang utak pa rin ang nagwagi. 

 

Kasabay ng kagat niya sa pagkain ay siya ring pagnguya niya sa kung ano man ang naturan sa kalooban kani-kanina lang. Unti-unting dinudurog sa maliliit na piraso ang nagbabadyang usbong ng damdamin. Nilulunok ang bawat salita at pagtingin—ayaw intindihin, ayaw palalimin—sapagkat sino nga ba siya para maghangad ng mga bagay na lagpas sa kung ano ang mayroon siya, sa kung ano lang ang kaya niya. 

 

Sa kabilang banda, nagkatinginan si Jennie at Jun—halatang nagkakaintindihan sa nais gawin.

 

“5 minutes?” Tanong ni Jennie sa kaibigan.

 

“Make it 10,” Sagot lamang ni Jun at saka sila nagtawanan habang bumababa ng kapehan. 

 

Naghanap ng masisilungan sina Jennie at Jun. Nagdesisyon na antayin na lang muna si Boo bago umakyat.

 

“He likes him ‘no?” Panimula ni Jennie.

 

Tanging marahang hampas sa braso ang nasagot ni Jun, kaya’t nagsalita pa muli ang dalaga, “Louise was never like that… I think he really likes Mingyu.”

 

“Romantically, ha?” 

 

Hindi man sila ang nasa sitwasyon, pero may kung anong kilig silang naramdaman. Pareho pa ngang napatili ang dalawa sanhi para pagtinginan sila ng iilang dumadaan. 

 

Si Jun naman ang nagsalita, “Lou’s so halata ‘no? What do you mean susubuan mo ng fries ‘yung kaklase mo?” 

 

“I bet Lou doesn’t have an idea that he likes Mingyu. I bet he has no idea na he’s tending him like that or giving him a smile as if Mingyu hangs the stars for him,” Mahaba-haba pang litanya ni Jun. 

 

Umiling-iling lamang si Jennie habang umiismid, naiintindihan ang ibig sabihin ng kaibigan. “You know… If Lou’s not assuming, he’s dense naman. My gosh! So excited how he’ll become aware of his own feelings kay Mingyu.” 

 

“Girl! Me rin! Can’t wait!” At isang malakas na apir mula sa mga palad nila ang naganap. 

 

Kahit sino’y magtataka kung bakit naghihintay ang dalawa sa baba, gayong nagsabi naman na sa kanilang groupchat si Wonwoo na may nareserba na silang mesa at upuan ni Mingyu. Nakapagtataka nga naman na naiinitan sila pareho, at nag-aantay sa iba pang kasama. 

 

“Ba’t hindi pa kayo umaakyat? Nasa taas na sila Wonwoo at Mingyu, ah?” Tanong ni Boo nang maabutan ang dalawa sa baba ng kapehan. 

 

Tinitigan lamang ni Jun at Jennie ang isa pang kasama. Hindi rin naman makupad ang takbo ng isip ni Boo. Agad siyang ngumisi sa dalawa habang umaangat pa ang dalawang kilay, “Naglalandian na ba?” 

 

Nakapamewang na si Jun, “They’re making subo na.”

 

“Hoy! Ang bastos naman? Nasa public place… Ba’t naman sa cafe pa nagsubuan?” Agresibong ani Boo habang nanlalaki pa ang mga mata sa gulat mula sa naturan ni Jun.

 

Winagayway agad ni Jennie ang dalawang kamay sa harap ng mukha ni Boo, “No! No! My gosh, Boo! Not that!” 

 

“What Jun’s trying to say is Wonwoo’s feeding Mingyu with food. Clear na ba? Oh my gosh ka!” Paliwanag ni Jennie na tawang-tawa pa.

 

Hinawakan ni Boo ang dibdib at may eksaherasyon pa ang buntong-hininga, “Kinabahan naman ako do’n. Linawin niyo kasi!”

 

“K-drama pala ang atake sa taas. Mukhang enjoy naman sila sa moment nila because hindi pa tayo kinukulit sa GC. Let’s wait for DK na lang bago umakyat?” Tanong ni Boo na siyang sinangayunan naman ng dalawa pa.

 

Hinintay nga talaga nila si DK na makarating, at wala rin talagang kahit na anong mensahe mula sa dalawa kahit pa halos trenta minutos silang huli sa napagusapang oras. Mukha ngang hindi na napansin nina Wonwoo at Mingyu ang presensya ng iba—masiyadong lunod sa gawain, maging sa atensyon ng isa’t-isa. 



-`♡´-



“Kinakabahan ka?” Tanong ni Boo kay Mingyu. Mahigpit na ang kapit ni Mingyu sa raketa, suot na ang kanyang jersey at sapatos, humihigop na rin ng kaunting pocari. 

 

Tinapunan ng tingin ni Mingyu ang kaibigan, “Medyo.”

 

Agad na tinapik-tapik ni Boo ang likod ng kaibigan, sinusubukang palakasin ang loob nito, “Kaya mo ‘yan! Believe in yourself, Gyu!” 

 

“Salamat, Boo!” Tanging sagot ni Mingyu na unti-unti nang dinadaga gawa ng kaba. 

 

Ngayon lang naman ang try-out para sa badminton team nila Boo, at ngayon din susubukin ang kakayahan ni Mingyu. Ngayon susubukin ang ilang taon na paglalaro ng naturang isports, maging ang ilang buwan na pag-ensayo at preparasyon. Nais niyang mapabilang sa naturang grupo dahil nalaman niya na kahit papaano ay may bawas sa matrikula ang mga napapabilang doon. Para kay Mingyu, ang ilang porsiyento na ‘yon ay malaking tulong na rin sa Tiya Glenda niya upang mabawasan ang gastusin sa kaniya. Isa pa, maliban sa pag-aaral, gusto rin naman talaga ni Mingyu ang paglalaro ng isports. Ilang gabi rin ang ginugol niya para sa desisyon na ‘yon, nanghingi rin ng payo sa Tiya Glenda niya na siyang sinuportahan naman kung ano ang gusto niya. Hindi na muna niya ito binanggit sa pamilya sa probinsya, nais gawing surpresa kung sakali mang makakapasok siya. 

 

“Wala pa sila Wonwoo?” Ani Boo habang lumilinga sa paligid at tumitingin sa relo nito. 

 

Tinignan ni Mingyu ang paligid, sinubukang libutin ito gamit ang mata. Wala pa nga. Wala pa si Wonwoo. 

 

Hindi naman sa inaantay niya ang kaklase, sadyang nangako lang ito na manonood silang magkakaibigan sa naturang try-out niya. At lalong hindi niya rin naman dinedepensahan ang sarili, pero wala eh, mukha naman talagang naghihintay siya—na para bang hindi masisimulan ang laro hangga’t wala siya… Hangga’t wala si Wonwoo sa paningin niya. 

 

Mabilisan niyang kinuha ang telepono sa kaniyang bag at saka nagtipa ng mensahe para kay Wonwoo. 

 

Wonwoo Louise Jeon

 

Hindi ka manood?

Hindi na kayo manonood? 

 

Ilang minuto niya ring tinitigan ang telepono, nag-aantay ng sagot mula kay Wonwoo—ngunit wala siyang natanggap na mensahe. Hindi rin nabasa ni Wonwoo ang mensahe niya. 

 

“Gyu! Line up na raw,” Pag-aasikaso sa kaniya ni Boo na agad niya rin namang sinunod. 

 

Nagpunta na siya sa kabilang banda ng himnasyo at nagsimula na silang kausapin ng tagapagsanay nila. Ilang minuto lang ay nagsimula na rin sila sa kanilang warm-up. Nagkaroon din ng bunutan sa kung sino sa kanila ang unang isasalang para maglaro at obserbahan, at sa kamalas-malasan, si Mingyu ang unang nabunot. 

 

“Fighting, Mingyu!” Sigaw ni Boo habang binabaybay na ni Mingyu ang pwesto niya sa gitna ng lalaruan nito. 

 

Luminga-linga muli siya sa palagid. Wala pa rin si Wonwoo. Para bang may kulang, para bang hindi niya masisimulan ang laro hangga’t hindi nakikita si Wonwoo. Na para bang sa simpleng presensya ni Wonwoo lamang siya makakakuha ng lakas, ng motibasyon at inspirasyon. 

 

“Sa!” Mahinang sigaw ni Mingyu nang hampasin niya nang pagkalakas ang shuttle cock na siyang dahilan para hindi ito mahuli ng raketa ng kalaban. 

 

Maski si Boo ay pansin na parang nag-aalangan si Mingyu sa bawat tira. Halata ang pagkabalisa at inhibisyon sa bawat kilos. Iniisip na lang ni Boo na baka talagang kinakabahan siya kaya kahit ang pagsigaw sa bawat ‘smash’ ay halos pabulong lang. 

 

Medyo mainit ang sunod na palitan ng ‘relay’ mula kay Mingyu at sa kalaban niya, walang may gustong bumitaw sa hampasan, habol kung habol. At sa kabila ng lakas ng hampas ng raketa, igik ng mga sapatos na dumudulas sa makintab na sahig, maging ang sigaw ng iba’t-ibang manonood, namutawi pa rin sa tainga ni Mingyu ang isang sigaw—ang boses na kanina pa niyang inaantay. 

 

“Go, Mingyu Manuel! Go! Go! Mingyu!” Nakadikit pa ang dalawang kamay ni Wonwoo sa bibig, dahilan para mas umalingawngaw sa buong himnasyo ang boses nito. 

 

Hindi man nakikita ni Mingyu kanino galing ang boses, kabisado niya pa rin kung sino iyon, at sigurado siyang si Wonwoo ‘yon. Hindi niya pinahalata ang namuong maliit na ngiti sa labi, subalit naramdaman niya ang biglaang paglakas ng loob—siguro nga’y kabilang na si Wonwoo sa kakaunting motibasyon at inspirasyon. 

 

Humigpit lalo ang kapit sa raketa, sinisigurong hindi ito mabibitawan. Hinanda na rin ang pwesto ng mga paa, handang habulin saan man dadako ang shuttle cock. At sa paghampas nga ng kalaban, sa kabilang ibayo ng pwesto niya ang mukhang huhulugan noon. Madaling-madali siyang tumakbo, inaantisipahan ang magiging tama nito.

 

At doon, malakasan niyang hinampas ang shuttle cock pabalik sa pwesto ng kalaban, sinisiguro rin na hindi ito mahahabol at mahahampas pabalik, sinisigurong sa kaniya mapupunta ang puntos para sa tira na iyon. 

 

“Saaa!” Malakas na sigaw ni Mingyu nang ilapat na niya ang raketa. Mas malakas na ang sigaw, mas malakas na ang kumpas ng bawat tira—mas may lakas na ng loob, at mas ginagalingan pa. 

 

“Mingyu! Mingyu! Mingyu!” Rinig niya ang sigaw ng ibang tao sa paligid, ngunit tanging boses ni Wonwoo ang siyang rumerehistro sa sistema niya. 

 

Nakuha niya ang puntos na ‘yon. Pumito ang tagapagsanay at binigyan sila ng dalawang minuto upang uminom at huminga. Mula sa kabilang bahagi ng himnasyo natanaw niya ang taong kanina pa niya inaasam na makita—naroon si Wonwoo kasama ang mga kaibigan at kaklase nila. Kita niyang may hawak pang maliit na bandera si Wonwoo—kulay asul at puti at may nakasulat pang ‘Go, Mingyu Manuel!’. Hindi rin nakawala sa pandinig ang mga daing ni Wonwoo sa kaklase, rinig niya kung paano pakiusapan ni Wonwoo ang mga kaklase na mas lakasan ang paghiyaw para sa kaniya. 

 

Parang tumigil ang mundo, bumagal ang lahat, at tanging si Wonwoo lang ang gumagalaw sa mundong kinabibilangan niya. 

 

Bumalik din agad sila sa paglalaro. Lamang ang kalaban, ngunit ayos lang, alam naman ni Mingyu na mas praktisado na ito bilang parte na ng varisity ang kalaro. Ang kailangan lang naman ay maipamalas niya ang angking kakayahan. Datapwa’t may kaba, nananalig pa rin siya—naniniwalang makukuha siya.

 

Matapos ang ilang minuto pang pagtakbo, talon at paghampas gamit ang raketa, natapos din ang laro. Nanalo ang kalaban, limang puntos din ang lamang nito kay Mingyu. Hindi naman nakaramdam ng pagkatalo o panlulumo si Mingyu, alam naman niyang binigay niya ano man ang makakaya, walang pagsisisi ano man ang maging resulta.

 

Hindi muna siya agad nakalapit sa pwesto nila Wonwoo. Nanatili muna siya sa kabilang banda, at si Boo ang unang lumapit sa kaniya, “Galing ah! Welcome to the team?” Pagbati ng kaibigan sa kaniya habang binibigyan ng tsokolate.

 

“Salamat! Pero wala pa. Sana nga makuha,” Munting pananalig niya. Kinuha na rin niya ang inaabot na tsokolate, “Salamat din dito, Boo.” 

 

Natawa si Boo dahil hindi naman sa kaniya galing iyon. “Pinapabigay ni Wonwoo.”

 

“Tiyaka, kain daw tayo sa labas mamaya. Celebrate daw tayo sabi nila,” Ani pa ni Boo. 

 

‘Sing tamis tuloy ng tsokolate ang mga ngiti ni Mingyu. Isang maliit na piraso lang naman ng snickers ang binigay, pero kung ngumiti siya wari mo’y binilhan ng isang buong pabrika. 

 

Ilang oras din ang itinagal ng naturang pagsusulit. Nauna nang umuwi ang mga kaklase nila. Tanging sina Wonwoo, Jennie, Jun at DK na lang ang natira sa mga upuan, inaantay ang resulta. 

 

Habang inaantay ang inaasam na anunsyo, pinayagan na sina Boo at Mingyu na lapitan ang kanilang mga kaibigan. 

 

Hindi pa man agad nakakalapit si Mingyu, nakahain na agad ang kamay ni Wonwoo na may hawak na pocari, inaabot ito kay Mingyu at nang kunin ito ng binata at magpasalamat, siyang hudyat naman ng pasaring na tukso ng iba pa nilang kaibigan.

 

“Anak ng! Panalong-panalo si Mingyu niyan!” Panunukso ni DK.

 

Agad gumatong si Jennie at Jun, “Uyyyyy!” 

 

“Stop nga kayo!” Suway ni Wonwoo pero kitang-kita ang pamumula ng pisngi.

 

“Salamat, Wonwoo…” Halos bulong pa ang pananalita ni Mingyu. 

 

“Attention! Everybody! Line up!” Sigaw ng kanilang coach kaya agarang pumunta sa pwesto si Mingyu. Isa-isang tatawagin ang pangalan ng mga tanggap at pumasa sa naturang pagsusulit. 

 

Nakabilog at magkahawak ng kamay sina Wonwoo at kaniyang mga kaibigan, naghahangad at nananalangin na sana’y matanggap si Mingyu.

 

“Mingyu Manuel Kim. Welcome to the team!” Masayang pagbati ng coach at saka nakipagkamay sa binata.

 

“Boo? Good job on letting him join the try-outs,” Pagpuri pa nito sa kaibigan ni Mingyu. 

 

“Thank you, coach! Thank you po! Pagbubutihin ko po!” Labis ang galak ni Mingyu, parang wala na siyang mapaglagyan ng kaniyang nararamdaman. 

 

Unang nakipagkamay sa kaniya si Boo, “Told you! Congrats, teammate!” 

 

“Salamat dito, Boo! Malaking parte ka ba’t nakuha ko ‘to,” Pasasalamat ni Mingyu sa kaibigan.

 

Sinalubong agad siya ni DK at marahang ginulo ang buhok, “Solid mo talaga! Grats, pre!” 

 

Sumunod na rin si Jennie na nakipagkamay din, “Congrats, Gyu! Super deserved!” 

 

Isang apir naman ang ginawad ni Jun, “Congrats, pogi! So galing!” 

 

Matapos ang mga kaibigan, natanaw niya si Wonwoo na may malaking ngiti sa labi. Ayan na naman ang tila anghel nitong mga ngiti. ‘Kay lambot niyang pagmasdan, ‘kay lumanay at dalisay—kahit mga tala’y luluhod masilayan lang ang kariktan nitong taglay. 

 

Akala ni Mingyu ay makikipagkamay lamang ang binata kaya’t labis na lamang ang pagkawindang niya nang akapin siya ni Wonwoo.

 

Inubos ni Wonwoo ang metro ng pagitan nila. Suot pa rin ang ngiti sa labi, inabot ni Wonwoo ang likod ng binata at saka marahang idinampi ang sariling katawan, at saka bumulong, “Congrats, Mingyu Manuel! I know you’re gonna make it! I’m so so so happy for you!” 

 

Na-estatwa si Mingyu sa kinatatayuan. Dati ay haplos ng hintuturo lang ang nararamdaman, pero ngayon, narito siya, akap ang taong gustong-gusto niya. Hindi man aminin ng isip, alam ng puso ano ang nararamdaman niya—hindi nito kailanman maikukubli ang lumalalim na pagtingin at kagustuhan. 

 

Ang daming tumatakbo sa isipan ni Mingyu. Sumasabay pa ang lakas ng kabog ng puso niya. 

 

Alam niyang tumatakbo ang oras at panahon. Alam niyang panandalian lang ano man ang nangyayari doon. 

 

Lumaki si Mingyu na matipid, lumaki siyang hindi maluho—nasanay sa kaditing na ambon ng grasya. Minsan lamang makatamasa ng swerte, minsan lamang maulanan ng sobra-sobra. Sa lahat ng panahon, mas pinipili niya ang iba, saksi ang langit sa lahat ng pagpapaubayang nagawa na niya. At kung mayroon mang talaan sa langit na siyang magdidikta ng kalalagyan niya, malugod niyang tatanggapin ang parusa kung sakali mang maging makasarili siya. 

 

Unti-unting inangat ni Mingyu ang isang kamay at pinatong ito sa likuran ni Wonwoo. Magkayakap na ang dalawa, hindi alintana ang tukso ng iba.

 

“Salamat, Wonwoo! Rinig ko mga sigaw mo kanina. May dala ka pang banner. Salamat!” Anas nito at sapat lamang para marinig ni Wonwoo. Naramdaman niya ang bibrasyon sa dibdib, hindi na lamang naririnig ang bawat hagikhik, bagkus ramdam na niya ang bawat halakhak ni Wonwoo. 

 

“Sorry! I was a bit late coz I asked some of our blockmates pa to come and cheer for you. And I also rushed the banner because the first one I prepared was kusot and I don’t like that.” Tugon ni Wonwoo, ngunit aminado naman si Mingyu na hindi niya ganoon na-proseso ano man ang sinasabi nito. Masyadong lunod ang pagkatao sa yakap at gaan na dulot nito. 

 

Kumawala na si Wonwoo sa yakap. Gamit muli ang hintuturo ay dahan-dahan niyang kinalabit ang pisngi ni Mingyu, “Congrats again! Eat tayo with them, ha? Let’s celebrate!” 

 

Kung kasalanan man ang humiling ng sobra, hahanapin niya mismo ang pila mabayaran lang ang danyos kapalit sa panandaliang saya na dulot ng pagpili sa sarili niya. 

 

“Tara na? Saan ba tayo kakain? Sobrang gutom ako,” Maligalig na pagkakasabi ni Mingyu. Agad na rin silang lumakad palayo sa himnasyo at nagpunta sa kakainan nila.

 

Masyadong lunod sa kaligayahan si Mingyu. Masyadong masaya ang puso niya para marinig pa ano mang pangongontra ang pilit sinasabi ng isipan niya. Wala lang para sa iba, ngunit para sa batang Mingyu kung nasisilayan man siya, isang malaking hapyaw ang mapagbigyan ang sarili. Itinuturing na tagumpay ang pagsang-ayon sa aya ng iba, maging ang pagtanggap sa pagmamahal na dulot ng iba. 



-`♡´-



Hindi masyadong nagpagabi sina Mingyu sa kinainan nila. Maliban sa hahabulin pa niya ang biyahe ng tren, nakapangako na siya sa ina na tatawag siya. 

 

Matapos ipamalita sa Tiya Glenda na tanggap siya ay agad na rin itong umakyat sa sariling kwarto para matawagan na ang pamilya sa probinsya.

 

“Ma? Andiyan kayong lahat?” Eksayted na tanong ni Mingyu sa kabilang linya.

 

“Oo, balong. Katabi ko si Papa mo. Si Mikoy at Mikay andito rin. Ano ba ‘yun, Goy? Nakakakaba ka naman, balong ko,” Medyo bakas ang nerbyos sa boses ng ina.

 

“Loudspeaker mo cellphone mo, Ma. Para marinig din po nila,” Utos ni Mingyu. 

 

Sumagot ang ama niya, “Balong! Naririnig mo ako?” 

 

“Kuya! Kailan ka uuwi?” Si Mikay. Sumali rin sa usapan si Mikoy, “Kuya! Matagal ka pa diyan?” 

 

Nakaramdam si Mingyu ng pangungulila. Kahit pala madalas niyang nakakausap ang pamilya ay hindi pa rin nito maiwasan hangarin na sana ay kapiling niya sila—na kung sana lang ay mas magaan ang mundo sa kanila, hindi sana siya nalayo sa pamilya. Pinilit niyang alisin ang pangungulila, nangangamba na baka lalo pang mag-alala ang ama’t-ina. 

 

“Ma! Pa! Mga ading ! Makakapaglaro na ulit ako ng badminton! Natanggap ako sa try-out tapos pasok na ako sa grupo. Bale magkakaroon na ako ng bawas sa tuition sa susunod na sem, at kahit papaano mababawasan ang bayarin ni Tita Glenda!” Masigla niyang anunsyo sa pamilya. 

 

“Wow! Galing mo talaga, Kuya!” Rinig niyang sigaw ng mga nakababatang kapatid. 

 

“I-kar-kararag ka kananayon, balong.” Ani naman ng ina nito, at bakas na rin sa boses ang pagiging emosyonal. Bagama’t pinipilit ni Mingyu ‘wag maluha, masiyadong malambot ang puso niya sa ina lalo pa’t alam niyang ipinagdadasal siya nito palagi. I-kar-kararag ka kananayon —iba siguro talaga kung mismong ina mo ang siyang nagdadasal para sa bawat tagumpay mo. 

 

Bago pa tuluyang bumaha ng luha, nakuha na ng ama ang telepono at ito naman ang kumausap sa kaniya, “Congrats, balong! Proud kami sa’yo. Pero sana ‘wag mo pabayaan ‘yung sarili mo diyan, ah? Ayos kami dito. Hintayin namin ang bakasyon mo.”

 

Wen , Pa. Lapit na rin naman bakasyon. Miss ko na kayo diyan,” Pahayag ng binata. 

 

“Kamusta ka, balong? Baka may nakukursunadahan ka na diyan ah… Ayos lang naman kung mayroon ta para hindi ka puro aral lang,” Biro pa ng ama nito. 

 

Natawa siya sa tanong at saka sumagot, “Ayos naman, Pa. Kaya naman po, tiyaka alaga po talaga ako ni Tita.”

 

“Aba’y hindi sinagot ang isa kong tanong… Mukhang may nakukursunadahan na nga ata ang panganay ko. Ayos ‘yan, balong… Ta sobrang gwapo mo dapat lang ‘yan,” Natatawa pa rin ang ama sa kabilang linya.

 

“Wala naman, Pa,” Tugon ni Mingyu.

 

Kasinungalingan. Paanong wala kung unang beses pa lang na binanggit ito ng ama ay may tao na agad na pumasok sa isipan niya. Pilitin man niyang ikubli, subukan man niyang lokohin ang sarili, mismong konsensya niya ang magtatakwil sa kaniya—sariling pantasya pa rin ang bibisto sa kaniya. 

 

Ang ina na ulit ang may hawak ng telepono, “Galing mo talaga, balong! Pero ‘wag kalimutan magpahinga, ha? Bawal magkasakit at malayo ako, hindi ako makakatulog nang maayos kapag may mga ganyan, anak ko.” 

 

“Opo, Ma. Aalagaan ko po sarili ko,” Pangako ni Mingyu sa ina.

 

“Bukas magpapadala raw si amang mo ng pera at kumain ka raw sa labas. Kunin mo na lang daw kay Glenda,” Bilin pa ng ina sa kaniya.

 

Pinigilan naman ito ni Mingyu, “ Ayna! ‘Wag na, Ma! May baon naman po ako bigay ni Tita. Kayo na lang po mag-merienda diyan, para rin sa dalawang makulit.” 

 

“Sabihin mo ‘wag siyang bangad . Ekstra naman kamo ito at mabibilhan pa naman kamo ng merienda ‘yang dalawa,” Rinig niya ang hinaing ng ama, kaya hindi na siya lumaban pa. 

 

“Narinig mo?”

 

Natawa muli si Mingyu, “Opo. Pakisabi, Ma, damihan niya dapat mabusog ako nang sobra.”

 

Natawa na lang din ang ina sa munting kulitan nilang mag-ama. Nagkwento lang sandali si Mingyu patungkol sa nangyari sa try-out. Binanggit na rin ang mga kaibigan, maging ang relasyon na mayroon siya sa mga ito—kung paano nila siya pahalagahan at respetuhin. Binanggit kung paano siya palagiang sinasamahan ni DK, maging ang pagtulong sa kaniya ni Boo sa pagsali sa badminton team. Nakwento na rin niya ang labis na pagpuri sa kaniya nina Jun at Jennie. Hindi rin naman niya nalimutan banggitin ang mga sandaling pinagsaluhan nila ni Wonwoo—kasama sa kwento ang mga ginawa ni Wonwoo sa try-out—kung paano siya nito sinuportahan at pinaniwalaan.

 

Bago pa matapos ang tawag, nagpaalala ang ina, “Ingat ka lagi diyan, balong! Miss na miss ka na namin. Malapit na bakasyon, tiis ka lang, ha?” 

 

“Opo, Ma…” Si Mingyu.

 

“Gustong-gusto mo siya, balong. Kilala mo na kung sino at ramdam ko ‘yun… Galing ka sa akin eh. Wala namang masama, Goy. Pero… Ingatan ang puso, ha? Iti sakit mo, ket sakit ko met, anak ko… ” Walang pagpigil, tanging paalala lang. Pinapaalala na sana’y ano man ang nararamdaman ni Mingyu, hindi ito maging sanhi ng ikakasakit niya—dahil bilang isang ina, ang sakit na nararamdaman ni Mingyu ay doble ng dating sa ina.

 

Saglitang nanahimik si Mingyu, prinoseso ang paalala ng ina—isinusuksok sa kokote, kinakabisa. 

 

“Opo, Ma…” 

 

Pagkababa ng tawag, agad siyang napatitig sa kisame. Ilang buwan lang ang nakalipas ay sa manipis na higaan sa sahig pa nakalapat ang likod niya, at sa kinakalawang na yero ang titig. Ngayon, nasa malambot na kama at may kisame pa—patunay lamang na hiram ang buhay na mayroon siya. 

 

Kinurot niya ang sarili, parang ginigising sa mahabang pagkakatulog na siyang nagbibigay sa kaniya ng magandang panaginip. 

 

Minsan na nga lang pagbigyan ang sarili, minsan na nga lang piliin ang sarili, ngunit ang lakas pa rin ng pag-usig sa kaniya ng konsensya. Pilit siyang binabalik sa reyalidad, sa katotohanan ng buhay na mayroon siya.

 

Hindi tuloy maiwasan ang magkumpara. Si Wonwoo na may malambot na kamay, at makinis na kutis, halatang hindi pinapakilos sa bahay, samantalang siya nama’y may ubod ng gaspang na palad. Ang bahay ni Wonwoo na mala-palasyo, samantalang ang mayroon siya’y barong-barong. Ang halimuyak ni Wonwoo mula sa mamahaling pabango, at siya’y magtitipid pa ng ilang sentimo mabili lang ang isang bote sa Bench. Doon pa lang, alam niyang talo na.  

 

Hindi naman sa nanliliit siya kapag katabi si Wonwoo, aminado naman siyang walang ganoong intensyon si Wonwoo. Gustong-gusto niya ang binata, pakiramdam nga’y baka may kaunting pagmamahal na. Sa kabila no’n, sigaw nga ng utak ay itigil na—itigil na ano mang nararamdaman niya bago pa siya tuluyang malunod. 

 

Natatakot siyang tuluyang mahulog kay Wonwoo, natatakot na baka tuluyang malunod sa nararamdaman niya. Nangangamba na baka mas lumalim, mas maging seryoso. 

 

Ano nga ang puno’t-dulo ng lahat ng ‘to? Walang iba kung hindi ang kilabot sa mga bagay na hindi niya abot—sa mga bagay sa mundo na hinding-hindi niya maibibigay kay Wonwoo kung sakaling hangarin niya ito. Takot na takot si Mingyu. Takot na takot na kahit pantayan man lang, mabigo pa rin siya. Labis na nangangamba na baka kapag sumubok siya, magiging kulang lang—at kahit kailan hindi maging sapat ano man ang kakayahan. 

 

Hindi siya kay Wonwoo takot. Hindi rin naman siya nasisindak sa estado ng buhay ni Wonwoo, dahil simula’t-sapul alam niyang iba siya. Bagkus, takot siya sa sarili na magkulang, natatakot na baka kahit anong pilit hindi maging sapat. Natatakot na hindi maibigay ang mga tala at buwan kay Wonwoo—dahil para kay Mingyu, kulang pa ang langit para gawing pamalit sa pagmamahal na kayang ibigay ni Wonwoo. 

 

At sa pagpikit ng mga mata, nakapag-isip na siya. Mas pipiliing lumayo habang maaga pa, kaysa ang tumakbo kapag lumalalim na. 

 

Para kay Mingyu, hindi siya karapat-dapat sa pagmamahal ni Wonwoo. Ultimo tingin at ngiti mula kay Wonwoo pakiramdam niya’y dapat ipinagdadamot din sa kaniya. Sa pananaw ni Mingyu, hindi rin isang hamak na tulad niya ang siyang dapat na magmamahal kay Wonwoo. 

 

“Ako na lang ang iiwas, tutal ako naman ‘tong may gusto. Para hindi na lumalim pa ‘to. Tiyaka… Hindi rin naman talaga ako babagay sa kaniya kahit ipilit ko,” Bulong niya sa kawalan at saka sinubukang patulugin ang sarili. 



-`♡´-



Ilang linggo na rin ang ginugol ni Wonwoo sa pagsubok na gumawa ng tinapay, at bilang isang taong maselan, hindi pa rin siya kuntento sa mga nagawa niyang tinapay. Ilang beses na siyang sinabihan ng mga kasambahay na masarap at malambot naman ang mga gawa, pero para sa kaniya’y hindi pa rin ito perpekto. 

 

“I’ll just bake some banana cake and carrot cupcake na nga lang,” Sa sobrang inis ay binago na lamang niya ang plano. Gusto kasi niyang bigyan ng tinapay si Mingyu, gustong mapatikman ng gawa niya. Isa pa, paraan niya na rin daw ito bilang pagbati sa mga narating ng binata. 

 

Isang linggo na rin ang nakalipas buhat ng matanggap si Mingyu sa badminton team nila Boo. Bagama’t wala naman ganoong kalaking pagbabago, sinisiguro pa rin ni Mingyu na may alimuos na pader sa pagitan nila—paniniguro lang na ititigil na niya ano man ang nararamdaman para kay Wonwoo. Hindi naman pansin iyon ni Wonwoo. Hindi ramdam ang pader na dahan-dahang itinataas ni Mingyu, maging ang linyang ginuguhit na siyang maglalayo pa lalo ng distansya nila. 

 

Nagsusulat lamang si Mingyu nang biglang tumunog ang telepono niya. Agad naman niya itong tinignan, at isang buntong-hininga ang pinakawalan nang makita sa notipikasyon ang pangalan ni Wonwoo.

 

Wonwoo Louise Jeon

 

Are you gonna uwi agad later?

Can we meet sa garden?

I have something to give lang.

And I have something 

to say din ☺️

 

Ano naman?

Ayaw mo dito na lang?

 

Not pwede! 😠

Coz it’s a secret 

between us lang eh

Please? It’ll be quick naman! 

 

Okay 👍🏼 

 

After last class, ha? 

 

Oo. Kaso may dadaanan 

pa ako sa gym

Kukuha akong jersey 

 

Okay!

I’ll wait for 

you sa benches ☺️

 

Okay 👍🏼 

 

So tipid ng reply 🙄

 

Sakto naman at nagsimula na ang klase nila kaya hindi na rin sumagot si Wonwoo. 

 

“Huli na ‘to. Pangako. Huli na talaga ‘to.” Parang dasal kung ulit-ulitin ni Mingyu iyon sa sarili. Isang linggo na rin naman siyang lumalayo kay Wonwoo, kaya naman na siguro niya ang ilang araw o taon pang susunod. 

 

Kaniya-kaniyang paalam na ang bawat isa nang matapos ang huling klase. Si DK na may lakad kasama ang ibang tropa, si Boo na pinasabay na lamang kay Mingyu ang pagkuha ng jersey dahil may pupuntahan raw na blind date. Si Jennie at Jun na sabay na ring umalis dahil nagdahilan na si Wonwoo na may gagawin pa itong iba. At siyempre, si Mingyu na papunta na ng himnasyo para kunin ang damit. 

 

Payapang naka-upo si Wonwoo sa isa sa mga upuan na gawa sa semento, prenteng inaantay si Mingyu sa napagkasunduang tagpuan. Nilabas pa niya ang isang maliit na libro at sinimulang magbasa pamatay oras lang sa pag-aantay. 

 

“Hello, Wonwoo!” Bati ng ilang estudyante sa kaniya na siyang ginagawaran niya naman ng matatamis na ngiti at pagbati. 

 

Matapos pa ang ilang minuto, ilang kumpol pa ng estudyante ang bumati kay Wonwoo.

 

“Lou! Hello! Ano ginagawa mo here?” Tanong ng isa sa mga ito.

 

“Hello, Ate Jazz! Just waiting for someone lang.” Maikling tugon ng binata.

 

Hindi pa agad umalis ang grupo, nakipaghuntahan pa sandali kay Wonwoo. “I saw your IGs nga, you were in New York last pasko and new year, right? So inggit coz nag-Europe kami that time.” Kaunting kwentuhan sa mga ginawang bakasyon. 

 

“Oo nga, Ate! I saw your E.U tour. Tapos ‘to sila Kuya Zel kita ko a week sila sa Siargao. So so nice!” Kwento rin ni Wonwoo sa mga kausap. Kapwa nagkakasundo, kapwa nagkakaintindihan. 

 

Lingid sa kaalaman ni Wonwoo ay nasa malapit na si Mingyu, rinig ang usapan nila. Kitang-kita ang pagningning ng mga mata niya sa pagkekwento pa lang ng mga napuntahang lugar, maging sa pagbanggit ng mga aktibidad na ginawa doon at mga pagkaing tinikman. 

 

Wala ni isa do’n ang alam ni Mingyu, kung tutuusin, oo, pamilyar—pero dahil lamang ‘yon sa kaalaman na natutunan sa pag-aaral. Kaya lang alam ang mga lugar na New York, Europe at Siargao dahil napag-aralan niya at hindi dahil napuntahan rin niya. Sa isip pa nga’y, maski pangarapin alin man doon ay suntok sa buwan—dahil ultimo nga lechon manok ay tuwing may mahalagang okasyon lang natitikman.

 

Kumikirot ang puso niyang makita si Wonwoo, may kirot na marinig ang dalisay niyang halakhak. Naninikip ang dibdib, nasasaktan na malaman na kahit anong kayod pa ang gawin, hinding-hindi siya magiging sapat para maibigay kay Wonwoo ang lahat ng kailangan at gusto nito.

 

Isang partikular na linya mula kay Wonwoo ang siyang nagtulak kay Mingyu upang i-angat ang mga paa at simulang lumakad palayo at hindi na nag-iwan pa ng marka. 

 

“I miss N.Y.C nga, Ate, eh! Sipping my hot choco, and eating some pizza and its winter? Oh my gosh! Life’s so good! So so good!” 

 

Kung iyon ang depenisyon ng magandang buhay para kay Wonwoo, alam ni Mingyu na hindi niya maibibigay ‘yun. Luho na nga kung ituring ni Mingyu ang pagkain ng Lot’s A Pizza, tanging Mr. Mappy ang siyang kaya nilang bilhin na klase ng pizza. Sa tuwing nabibiyayaan na makapag-almusal sa labas, mas pinipili pa rin niyang hindi na samahan ng inumin ang order—kaya nga tuwang-tuwa siya noong bumili ang Tiya Glenda niya ng Swiss Miss dahil iyon ang unang beses na nakatikim siya no’n. 

 

Datapwa’t hindi maganda ang unang naumpisahan, aminado pa rin naman si Mingyu na napawi ng ilang buwan pa nilang pagsasama ang lahat ng ‘yon. Doon, mas nakita niya ang tunay na Wonwoo—iyong masungit, ngunit punong-puno ng pagmamahal at alaga. Sa kabila no’n, sapat na rin ang maikling panahon para ipadama sa kaniya kung gaano siya kalayo, kung gaano siya kataas—at kahit subukan man niyang akyatin at abutin, mapipigtas at mapipigtas pa rin ang kinakapitang lubid. Sa dulo’y ibabagsak pa rin siya sa lupa, uusigin sa pagiging sugapa. 

 

Mabigat man sa loob niya, alam pa rin niyang iyon ang tama. Mabigat ang bawat yapak niya, halatang labag sa kalooban ang paglayo.

 

Sa kabilang dako, napansin ni Wonwoo ang paglalakad ni Mingyu. Iniisip na baka ay hindi siya nakita gawa ng mga kausap niya.

 

“Ate, Kuya, I have to go na. I think hindi ako na-see ng i-meet ko eh…” Paliwanag niya. Nagpaalam na rin naman ang mga kausap niya. 

 

“Mingyu!” Hindi agaw-eksena, ngunit buo ang pagsigaw niya. Sinusubukang bilisan ang paglalakad, sinusubukang habulin ang kaklase.

 

Hindi lumingon si Mingyu. Tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad, at nang maramdamang wala na si Wonwoo ay agad niyang sinalpak sa tainga ang headset nitong buhol-buhol pa. 

 

Hindi rin nagtagal ay naabutan siya ni Wonwoo. Nasa may entrada na siya ng unibersidad at nagsimula ng umambon. Agad niyang kinuha ang payong sa bag na hindi man lang lumilingon, tuloy-tuloy pa rin siya sa paglalakad—mas binibilisan, mas nilalakihan ang bawat yapak. 

 

“Mingyu! Wait! I’m here!” Sigaw ni Wonwoo. Mas malakas na. Mas umaalingawngaw na. 

 

At nang makalabas na siya ng unibersidad, doon na bumuhos ang malakas na ulan. Huminga ng malalim si Mingyu, alam niyang hindi na tumuloy si Wonwoo—alam na hindi susuong sa ulan ang isa pang binata. 

 

Pero mali siya. Mali ang kalkulasyon niya. Sa gitna ng ulan, sa lakas ng pagbagsak nito ay siya ring paglakas ng sigaw ni Wonwoo, “Gyu! Wait! Oh my gosh! So lakas ng ulan. Wait lang, please?  I don’t have a payong with me.” 

 

Binilisan ni Wonwoo ang paghahabol, hindi na lang naglalakad, bagkus ay tinatakbo na ang metrong pagitan nila. Sigurado siyang kahit may nakapasak pa sa tainga ni Mingyu ay mas rinig na siya kaya’t sumigaw pa muli siya, “Why are you so fast ba? I told you I’ll wait for you coz may i-give ako sa’yo and I have something to say…”

 

“OMG, Mingyu! I’m so soaked na! I’m so inis na- ah- ouch!” 

 

Napahinto ang dalawa. Sa gilid ng kalsada, sa gitna ng ulan. Hawak ni Mingyu ang payong, kita ang tagaktak ng tubig ulan sa kaniyang paa. 

 

“Ouch!” Rinig niyang daing ni Wonwoo. 

 

Nakasalampak na sa kalsada si Wonwoo. May kaunting butas ang parteng tuhod ng pantalon, may gasgas at nagdurugo ang tuhod. Pero hindi pa rin ‘yon ang ininda ni Wonwoo, mas inisip pa ang ginawang banana cake at carrot cupcake—kitang durog na ang ilan sa mga ito. Basang-basa na ng ulan si Wonwoo, at hindi nito maiwasang umiyak mula sa pagkakadapa. 

 

Pansin ni Wonwoo ang pagtigil ni Mingyu. Nakatalikod pa rin ito sa kaniya. Hindi maiwasang maglabas ng hinanakit, “I hate you! Why are you doing this to me? I thought we’re bati na, but why are you running away? Sana you didn’t say ‘okay’ na lang! I hate you, Mingyu! I’m so inis! Like really inis!” Bakas sa boses ni Wonwoo ang tampo at iyak. 

 

Nanatiling nakatayo si Mingyu, nakaharap ang likod mula kay Wonwoo. Hindi man niya kita, alam niyang galit na ang binata, alam niyang umiikot na naman ang mata nito at umuusok ang ilong—mabuti pa nga, mas mabuti pa ngang kamuhian na lang siya ni Wonwoo kaysa paliguan siya ng alaga’t pagmamahal na alam naman niyang hindi niya maibabalik nang sapat. 

 

Mas nanaisin pa niyang mainis muli sa kaniya ang binata kaysa pangarapin ang buhay na kapiling siya. Maski managinip hindi niya magawa, wari’y isang sumpa ang maisip na habang siya’y nagpapakasasa, naroon si Wonwoo, pilit pinaliliit ang sarili magkasya lamang sa mala-butas karayom na espasyong mayroon siya. 

 

Para kay Mingyu bangungot ang maisip na susubukin ni Wonwoo pasukin ang payak na buhay na mayroon siya. Masiyadong mataas ang tingin niya kay Wonwoo. Pawang magarbo at magagandang bagay lamang ang tingin niyang babagay kay Wonwoo. Ni isa wala siya no’n, wala siya doon.  

 

Kailanman ay hindi niya ikinahiya ang pinanggalingan, walang beses na sinubukang ikubli ano man ang katotohanang tinatapakan. Habang si Wonwoo ay nasa rurok, mananatiling nakatapak ang mga paa ni Mingyu sa lupa—mananatili siyang nakatingala.

 

Kailanma’y hindi natakot si Mingyu sa konsepto ng pagmamahal. Buong buhay niya’y nabuo sa pag-ibig. Ngayon niya lang naramdaman ang bigat ng ideyang ito, ngayon lang nakatikim ng pait mula sa pag-ibig. Paulit-ulit, parang sirang plaka. Kumikirot ang puso, ngunit napakalakas ng sigaw ng isip niya. 

 

“Maglakad ka na. Lumayo ka na. Kahit anong gawin, kahit anong damdamin, hindi magiging sapat ang pagmamahal mo para masuklian lahat ng kayang ibigay ni Wonwoo. Hindi sapat ang pagmamahal lang, Mingyu,” Pangungumbinse sa sarili. 

 

Humigpit ang pagkakapit sa payong, rinig na rinig ang bawat kaluskos ni Wonwoo—paanong hindi, eh wala namang siyang pinapakinggan—nililinlang ang sarili na magbingi-bingihan. 

 

Nagsimulang pumatak ang mga luha sa mata ni Mingyu. Nagtatataka, nagtatanong—bakit nga ba pinagdadamutan ang sarili, bakit hinahayaang masaktan ang sarili. Bagama’t sapat sa buhay na mayroon siya, bakit kailangan pang maramdaman ang agwat at pagitan nila. 

 

Gustong-gusto ni Mingyu si Wonwoo. Mahal niya si Wonwoo. Gustong-gusto niyang maramdaman ang pag-aaruga at pagmamahal ni Wonwoo, ngunit siya mismo ang nagdududa sa sarili—duda kung magiging sapat man lang ba ang kaditing na mayroon siya para maparamdam din kay Wonwoo ang pagmamahal niya. 

 

Nakatapak ang paa ni Mingyu sa lupa, at mananatili iyong ganoon sa mga susunod pang ilang taon. Sa kabila no’n, nais pa rin niyang subukin ang panahon at pagkakataon. Mali bang magmahal ng taong higit pa sa’yo? Mali bang mahulog sa taong kahit kailan ay hindi pinagdamutan ng mundo? Magmimistula bang kasalanan ang hangarin man lang ang mga bituin? At kung subukang akyatin at angkinin, sisintensyahan ba siya ng pagmamalabis? Iisa lang ang nais, at iyon ay ang malayang mahalin ni Mingyu si Wonwoo. Nawa ay maging pabor ang langit sa kaniyang pagtangis. 

Notes:

matsalove sa tropa ko at may paganito na ‘ko hahaha andito po me :)

 

Zaqa

 

X

Chapter 5: Sa kabila ng libo-libong tao at bilis ng takbo ng mundong magkaiba tayo, narito, pinagtapo pa rin ang mga puso.

Summary:

Maaari ngang hindi sapat ang pagmamahal lang, ngunit mas malaki pa rin ang paniniwala ni Mingyu na hindi dapat pagmamahal din ang siyang dahilan ng pagkakasakitan ng dalawang pusong gusto naman magmahalan. Kahit singkong duling itataya niya, kahit butas ng karayom lulusutan niya—mas pipiliin niyang masaktan kung sakali man, kaysa ang hindi na masilayan at mahagkan pa si Wonwoo.

Notes:

hello! :) long time no see to those who are still here! we're halfway there! yay! thank you for patiently waiting, and for all your beautiful words whenever i do update. i'm beyond grateful <3

Chapter Text

Sa unti-unting paghina ng ulan, iyon din naman ang unti-unting paglakas ng mumunting hikbi ni Wonwoo. At sa hindi kalayuan, naroon din si Mingyu, nakatalikod at lumuluha. 

 

Sino ba naman ang mag-aakala na sa isang banda ng lansangan ng Mendiola, may dalawang pusong nais lang magmahalan, ngunit ang isa’y mahigpit na hinahatak palayo ng ideya na ang tanging laman ay pagkukulang. 

 

Kanina pa gustong lumakad palayo ni Mingyu, kanina pa gustong lisanin ang lupang tinatapakan, lalo na ang mga hikbing tumatagos sa buong kalamnan. Pero iyon din mismo ang dahilan bakit parang nakapako na ang kaniyang mga paa sa kinatatayuan—hindi niya magawang iwan si Wonwoo. Hindi niya magawang lisanin ang mundo na mayroong Wonwoo. 

 

Humihina na ang buhos ng ulan, mas rinig na ngayon ni Mingyu ang pusong nagsusumigaw—ang pangungulila kahit hindi pa man siya lumilisan, kahit siya rin mismo ang pilit kumakawala. 

 

Malaki ang tiwala ng mga magulang ni Mingyu sa kaniya, marami ang may bilib sa binata, at isa sa dahilan no’n ay ang kaniyang angking talino—sa klase, at maging sa tunay na buhay. Si Mingyu ‘yung tipo ng tao na hindi padalos-dalos. Hindi basta-basta nagbibitaw ng salita, bawat desisyon ay nais pag-isipan—gustong timbangin ang bawat posibilidad na mayroon. 

 

Mula sa desisyong lisanin ang probinsya, hanggang sa pag-iwas kay Wonwoo nitong mga nakaraang linggo, at ultimo kung anong sasakyan papasok at pauwi, anong kakainin at iinumin sa tuwing lumalabas sila ng Tiya o ng mga kaklse—lahat ng ‘yan ay kalkulado—lahat ng ‘yan ay maigi niyang pinag-iisipan. 

 

Sa sobrang ingat mag-desisyon ni Mingyu, sa pagiging dahan-dahan niya sa bawat kilos, wala pa halos pagkakataon na may pinagsisihan siya. Tinatak niya sa pansariling pananaw kung gaano kahalaga ang bawat desisyon na bibitawan niya—dahil ang taong gaya niya, bihira lang mabigyan ng pagpipilian, paminsan lang magkaroon ng pagkakataong pumili. 

 

Bagama’t may payak na pamumuhay, hindi pa rin bago kay Mingyu ang reyalidad na hindi siya pinanganak na may pilak sa labi. Sa kabila ng pagsusumikap at pagpapakasipag ng ama’t-ina niya, alam niyang kabilang pa rin sila sa nakararaming pamilya na kasapi ng basag na sistema—parte sila ng milyon-milyong tao na binigo nito at lalo na ng mga taong nailuklok dito. Kaya nariyan, maging ang pagpapalaya sa sarili ay tila luho na dapat niyang ipagkait sa sarili—dahil hindi dapat iyon ang prayoridad niya—hindi ang pagmamahal ang magdadala sa kaniya sa mga pangarap niya. 

 

Kasya sa sampung daliri ang mga pagkakataon na nagdesisyon si Mingyu. Wala eh, bihira iyon mangyari, parang bulalakaw kung tutuusin—bihira magpakita, kaya dapat abangan, dapat namnamin ang iilang segundong paglitaw nito. At gaya ng bulalakaw, isang kisap lang ng mata, kaunting pagpapabaya ay paniguradong malalagpasan siya. 

 

Sa tinagal ni Mingyu sa mundong ibabaw, maraming beses na siyang nagparaya. Nariyan ang mga pagkakataon na mas pinipiling lunukin na lamang ang laway kaysa ipabili sa mga magulang ang nais kainin na kakanin sa bayan. Bakit? Dahil nais magpabili ng mga kapatid niya ng buko shake. Sanay na siyang unahin ang pangangailangan ng mga kapatid bago ang kaniya. Handa siyang tumigil sa pag-aaral at magtrabaho na lang kung sakali mang hindi maging sapat ang kita ng ama at ina para sa kanila. Datapwa’t marami at malaki ang mga pangarap ni Mingyu, sa loob-loob niya’y mayroon pa rin kung anong pagdududa kung makakamit niya ba ang lahat ng ‘to—kung magiging sapat man lang ba ang bawat sakripisyo ng mga magulang, maging ang pagpaparaya at pagtatiyaga niya. Sa mga bagay na gusto, walang kasiguraduhan ang bawat isa nito. 

 

Sa lahat ng pagkakataong iyon, hindi naman nanlumo si Mingyu. Mabilis niya lang natatanggap ang mga bagay na hindi kaya, hindi pwede o suntok sa buwan. Mabilis para sa kaniya na tanggapin kung hanggang saan lamang ba siya pahihintulutan ng pagkakataon. Kahit pa may angking galing na taglay, ni minsan hindi umabot sa ulo ng binata ang ere. Hindi yumabang, hindi nagbago. Nananatili ang bukal na puso, at ang pag-asa na darating ang bagong bukas na mas malaya na siya—mas nakakahinga, mas komportable na. 

 

Malakas ang loob ni Mingyu. Hindi siya basta-basta pinanghihinaan ng loob. Pero sa mga ganitong klase ng panahon at pagkakataon, hindi na niya kaya pang itago ang pangamba. Hindi na kaya pang ikubli ang tunay na nadarama.

 

Ayon sa iba, likas daw sa tao ang pagiging makasarili. May iilan din na nagsasabing parte na ng katauhan ang pagkagusto sa mga materyal na bagay, maging sa paghangad ng mga bagay sa mundo na higit pa sa kung ano lang ang dapat na kaniya. Hindi naniniwala doon si Mingyu. Tapat siya sa paninindigang kaya ng isang tao ang makuntento sa kung ano man ang estado nito—dahil ganoon siya—kuntento sa kung ano lang ang kaya niya, kung ano lang ang mayroon siya. 

 

Lingid sa kaalaman ni Mingyu na may isang hindi inaasahang pangyayari ang siyang babago sa sapantaha niyang iyon. Hindi naniniwala si Mingyu na likas sa tao ang pagiging makasarili… Na likas sa tao ang gumusto ng mga bagay sa mundo na hindi abot ng kaniyang mga kamay. Hindi siya naniniwala doon… Dati. 

 

Unti-unting pumihit ang mga paa ni Mingyu pabalik sa pinagmulan niya. Marahan ngunit may marka ng pagkasabik ang bawat pitik ng katawan makalingon lang. At doon, inamin na ni Mingyu sa sarili na ang minsang sapat ay maaaring magkaroon ng lamat—bagama’t kuntento, darating pa rin ang oras na maghahangad ang tao ng sobra pa. Magkakaroon at magkakaroon ng panahon at pagkakataon na mas pipiliin ng tao ang sarili—mas pipiliin ang mga bagay na magpapasaya sa kaniya, hindi alintana ano man ang posibleng kapalit nito. 

 

Nakaharap na ngayon si Mingyu sa bituin na pilit niyang tinatakasan. Hinahakbang ang mga paa patungo doon—mas magaan na ang bawat yapak ng paa—mas kumakalma na ang tibok ng puso. 

 

Basa na ng tubig-ulan si Wonwoo. Hawak nito ang mga naisalbang banana cake at carrot cupcake, durog at napisa na ang iba, pero may iilan pa namang tingin niya’y makakain pa. Napahawak din si Wonwoo sa tuhod nitong may daplis, hindi maiwasan na hindi indahin ang sugat. 

 

Akmang tatayo na sana si Wonwoo nang mapansin na nakaluhod na sa harapan niya si Mingyu, hawak ang payong at agaran itong itinapat sa kaniya. Kinuha ni Mingyu ang kamay ni Wonwoo, at saka pinahawak ang payong. Awtomatiko naman ang pagsunod doon ni Wonwoo. 

 

Kanina lang ay galit si Wonwoo, pero sa isang alo lang ni Mingyu bumibigay na agad ang kabuuan niya. Parang hindi niya kayang magtanim ng kahit na anong negatibong damdamin para kay Mingyu. Pakiramdam ni Wonwoo ay tanging kalma ang dala sa kaniya ng kaklase. 

 

Itatayo na sana ni Mingyu si Wonwoo, ngunit may isang kamay ang siyang pumigil sa kaniya. Mabilis ang mga pangyayari, narinig na lamang nila ang isang matanda na tinatawag ang pangalan ni Wonwoo. 

 

“Bitaw! Anong ginawa mo?!” Medyo agresibo ang pagtawag nito ng pansin kay Mingyu. Natulala lamang si Mingyu at tila naputulan ng dila at hindi makasagot sa tanong. 

 

Agad na inalalayan patayo ni Berting ang alaga. “Anong nangyari, Louise? Ayos ka lang ba? Basang-basa ka, nak. Halika na sa kotse,” seryosong litanya ni Berting. 

 

“I’m okay, Tatay. Don’t be mad at him, please? I… I’m just a bit cold po…” Nangangatal na nga si Wonwoo. 

 

Mabilis pa sa alas kwatro ang pagkuha ni Mingyu ng jacket sa bag at saka ito tinaklob sa likuran ni Wonwoo. Ni hindi na ininda ni Mingyu ang sarili, basa na rin siya gawa ng ulan. Aalma pa sana si Berting ngunit pinigilan na siya ng alaga. 

 

“It’s okay, Tatay. I’m okay po. Can you please let us talk po muna? We… We’ll talk po sa car.” Maliwanag ang nais mangyari ni Wonwoo, kaya naman ay hinatid na niya ang dalawang binata sa kinalalagyan ng kotse nina Wonwoo. Pinayungan ni Berting si Wonwoo, at nakasunod lamang doon si Mingyu, hawak na muli ang payong na kaninang pinahiram sa kaklase.

 

Maikli lang ang distansya sa pagitan ng kinaroroonan ni Mingyu at Wonwoo at ng kotse nito. Mabilis lang din nilang natunton ang kotse sa gabay na rin ni Berting. 

 

Tinanguan lang ni Wonwoo ang kaniyang Tatay Berting, senyales na iwanan na muna sila doon ni Mingyu. May pag-aalala kay Berting. Ngayon na lamang ulit niya nakitang ganoon si Wonwoo—halos wala sa sarili at tipikal nitong postura, gusot na ang mga suot, marumi ang mga damit, maging ang sapatos at maga ang mga mata. Tanda pa ni Berting na ang unang beses na nakita niya sa ganoong estado si Wonwoo ay noong natumba ito sa bisikleta lagpas isang dekada na ang nakalilipas. 

 

“Nagbabantay ako…” Malalim at may diin ang awtoridad sa pagbanggit ni Berting ng litanyang iyon kay Mingyu. Hindi alam ni Berting kung ano ang puno’t-dulo ng maliit na komosyon na iyon, ngunit bilang tinuring na rin naman niyang anak si Wonwoo, alam niya na nasaktan ni Mingyu ang alaga niya—ramdam niya iyon, at hindi siya magdadalawang-isip na punahin o bigyang aksyon ano man ang nangyayari doon, lalo pa’t nakita niya ang kalagayan ni Wonwoo. 

 

“O… Opo…” Tanging tugon ni Mingyu. 

 

At doon napagtanto ni Mingyu kung ano ang mundo na gusto niyang pasukin. Isang mundo kung saan naroon si Wonwoo. At isa lang ang ibig sabihin no’n, ang mundong mayroong Wonwoo, ay ang mundo kung saan kailangan niyang pa muling makipagsapalaran. Mas nadama na ni Mingyu ang bigat ng sitwasyon niya. Mas ramdam na ang timbang ng pagkakaiba, mas kita na ang deperensya. 



-`♡´-



“Wha- what are you doing?” Tanong ni Wonwoo nang ipahawak sa kaniya ni Mingyu ang payong at sinimulang pigain ang dulo ng damit nito—pinipiga ang mga ito upang mabawasan man lang ang pagkabasa ng kaklase. Inayos din ni Mingyu ang pagkakasuot ng jacket nito kay Wonwoo.

 

Lumapit si Berting sa dalawa, may inabot na isang supot kay Mingyu—may bulak at betadine na laman. May kaunting takot pa rin kay Mingyu, marahil ay ramdam niya ang pagmamahal ng drayber sa kasama niya. Agad na kinuha ni Mingyu ang supot, at nilabas ang laman nito isa-isa. Tinugunan niya ang sugat sa tuhod ni Wonwoo. Dahan-dahang nililinisan at dinadampian ng bulak na may betadine. Nanatiling tahimik si Wonwoo, paminsan ay umiiling dala ng hapdi sa natamong galos. 

 

Walang mang imik si Wonwoo, ang puso’t-isip naman ay naghuhurumintado. Matapos malinisan ni Mingyu ang sugat nito ay nauna nang pumasok sa kotse si Wonwoo, at saka sinenyasan si Mingyu na sumunod doon.

 

Ilang minuto ring tahimik sa loob ng sasakyan, tanging mabibigat na paghinga ang rinig. May espasyo sa pagitan nila, nakalapag sa gitna nila ang kahon ng mga tinapay na gawa ni Wonwoo. 

 

Napansin ni Mingyu na nilalaro ni Wonwoo ang dulo ng manggas ng jacket, sigurado siyang ramdam at kita ang tastas nito—kupas na rin kasi ang jacket na ‘yon. Nahiya tuloy si Mingyu, ngunit iyon din ang susi na siyang nagbigay katapusan sa katahimikan nila.

 

“Sorry… Luma na ‘yang jacket ko…” Mahinang sambit ni Mingyu.

 

Tinigilan naman ni Wonwoo ang paglalaro sa dulo ng manggas nito, at saka tinapunan ng tingin ang kaklase, “It’s okay, Mingyu. It kept me warm.” 

 

May kaba pa rin sa dibdib ni Mingyu, ngunit lahat ng pag-aalinlangan ay unti-unti nang nalusaw. Lakas loob niyang kinuha ang isang kamay ni Wonwoo at pinagsiklop ito sa kamay din niya. Mahigpit ang hawak niya rito, malayong-malayo sa panaka-naka lang na haplos noon. 

 

“Sorry, Wonwoo… Sorry. Sorry, Wonwoo…” Malamlam ang mga mata ni Mingyu habang binibigkas ang bawat pasensyang iyon kay Wonwoo. 

 

Hindi umalma si Wonwoo sa pagkakahawak ng kamay nila, bagkus, mas hinigpitan pa niya ang pagkakasiklop nito at sinimulang haplusin ng isa pa niyang kamay ang ibabaw ng kamay ni Mingyu.

 

“Why did you do that, Mingyu Manuel? Why did you run away? Why did you let me get soaked in the rain? Why did you ignore me?” Sunod-sunod na tanong ni Wonwoo. Bakas ang pagiging prangka nito, ni hindi man lang sinubukang pagaanin ang mga tanong, kung ano ang saloobin niya, ‘yon mismo ang tinatanong niya.

 

Hindi naman nainis doon si Mingyu. Mas gusto nga niya iyon—ang ilabas ni Wonwoo ang lahat ng gusto niyang sabihin. Mas gusto ni Mingyu na malamang nagtampo o nagalit si Wonwoo—hindi para maging tulak pa sa paglayo niya, kung hindi para malaman niya, at doon, may ideya siya sa kung paanong panunuyo o paghingi ng tawad ba ang gagawin niya. 

 

Bahagyang napayuko si Mingyu. Nahihiya sa kaduwagan, nahihiyang aminin ito kay Wonwoo. Datapwa’t may hiya, alam pa rin ni Mingyu na iyon na ang perpektong oras para ihain ang sarili sa kaklase, iyon na ang tamang panahon para sabihin ang lahat kay Wonwoo—hindi na maglilihim, hindi na magpipigil.

 

Parang bata kung subukan ni Mingyu ang magpaliwanag, pero nariyan na siya, hindi niya papakawalan ang pagkakataong masabi ang lahat kay Wonwoo. Ano man ang kalabasan nito, malugod niyang tatanggapin—dahil ang pagpapakatotoo sa sarili at kay Wonwoo ang siyang nais niya sa sandaling iyon. 

 

“Na- natakot ako…” Mahina ang boses ni Mingyu. Nanatili siyang nakayuko, nakatitig sa magkahawak nilang kamay. 

 

Mas lalong naging banayad ang paghaplos ni Wonwoo sa kamay ng kaklase. Mas gumagaan din ang pakiramdam ni Mingyu doon—para siyang batang hinehele.

 

“Natakot ako na baka wala akong mabigay sa’yo… Natatakot akong lumalim ‘tong nararamdaman ko. Hindi ko alam kung alam mo… Pe- Pero kasi… Gusto kita, Wonwoo Louise. Gustong-gusto kita. Ikaw. Ikaw ‘yung crush ko, Wonwoo,” Tuluyan na ngang binuksan ni Mingyu ang sarili para kay Wonwoo. 

 

Bahagyang tumigil sa paghaplos si Wonwoo. Inalis ang magkasiklop nilang kamay at saka hinawakan ang balikat ni Mingyu, dahilan para itaas ang tingin sa kaniya. 

 

“You like me? But… Why are you afraid, Gyu? And why are you running away?”

 

“Am I not worthy of your love?” Nangingilid na ang mata ni Wonwoo. 

 

Hindi naman ganoon si Wonwoo. Hindi siya ‘yung tipo ng tao na nanghihingi o maghahangad ng kung ano. Pero ito, ngayon, dito… Gusto niyang humingi ng isang tiyansa kay Mingyu. Kahit isang tiyansa lang. Isang tiyansa na pagbigyan siyang pansinin siya. Alagaan at mahalin siya. 

 

Kinuha ni Mingyu ang maliit na bimpo sa bulsa, dahan-dahan itong pinunas sa mukha ni Wonwoo. Unti-unti nang bumabagsak ang iilang patak ng luha sa mga mata nito, “Hindi. Hindi ganoon. Natatakot kasi ako…”

 

“Kasi baka kapag sinubukan ko. Baka kapag umamin ako at sinubukan kong ligawan ka… Baka matutunan mong magustuhan din ako. Tapos. Tapos baka kapag nasuklian ‘yun, ano. Ayaw ko na hindi ko maibibigay sa’yo ang lahat… 

 

“Kasi… Hindi ‘yun ang dapat.”

 

“Kasi… Tanging magagandang bagay lang ang gusto kong maranasan mo…” Pagpapaliwanag ni Mingyu habang patuloy pa ring inaalo si Wonwoo. 

 

Taimtim lang na nakinig si Wonwoo, hinahayaan siyang buksan ang buong puso at isip. Hinahayaang aminin lahat ng damdaming pilit niyang ikinubli, maging ang pagsiwalat ng mga sikretong nais niya sanang ibaon sa limot. 

 

Nagpatuloy si Mingyu sa pagsasalita, “Ayoko isipin na baka hindi kita mabigyan ng magandang regalo tuwing monthsary natin. Ayoko isipin na baka sa tabi-tabi lang kita maaya ng date. Ayoko isipin na kung ihahatid man kita pauwi o susunduin papasok dito, wala akong kotse o kahit na ano… Na kailangan pa kitang isakay sa tren o dyip.”

 

May pagtataka kay Mingyu dahil biglang sumilip ang isang ngiti sa labi ni Wonwoo. Ang kanina lang na umiiyak ay tumahan na. Ngayon, mas nananalaytay na ang mga ngiti sa buong mukha ni Wonwoo.

 

“You thought of that? You thought of celebrating monthsaries with me? How about anniversaries? You wanted to take me out on a date? You even thought of making hatid and sundo me? Really, Mingyu? You made isip all of that na?” Malambing ang pagkakasagot ni Wonwoo. May halong kilig kung susumahin, halatang tuwang-tuwa sa naririnig. 

 

Pero si Mingyu? Ayun, nagtataka pa rin. Sa dami niyang hinaing, bakit iyon lang ang tugon ni Wonwoo?

 

“‘Yun lang? Bakit ‘yun lang reaksyon mo?” Malumanay pa rin ang boses ng binata. 

 

Gumuhit ng maliit na ngiti ang labi ni Wonwoo bago ito sumagot. Wala talagang mintis ang kahit na anong gawin o ibigay ni Wonwoo, lahat ng ‘yon—ang paghawak ni Wonwoo sa kaniya, ang mga ngiti, maging ang mga mumunting luha sa mga mata ng binata—lahat ng ‘yon ay walang palya sa pagpapalalim pa ng pagtinging pilit ikinukubli. 

 

“I like you, Gyu…”

 

“That’s what I want to say… I want to tell you how much I like you. How much I want to be with you. I even baked some pastries for you, para- para sana I can ask you out. And… Ask you to try dating me, kahit a few times lang…”

 

“Gyu…” Muling kinuha ni Wonwoo ang kamay ni Mingyu, ngayon, dalawang palad na nito ang hawak niya. 

 

“Can’t you do that? Am I not allowed to like you? Hindi pwede give mo ako ng chance? Kahit a few dates only…”

 

“And…”

 

“And if you really don’t like me… Then I’ll be the one to distance myself na. I won’t make kulit you anymore, even in class pa. I won’t bother you na, except when it’s academic related. Please… Allow me to take you out on a few dates, tapos… 

 

“You can just reject me if you don’t like me that much talaga…” Mahaba-habang paliwanag ni Wonwoo. Hindi naman na siya lumuluha, pero magsisinungaling siya kung hindi siya aamin na may kirot ang paghingi niya ng tiyansa. Kumikirot ang puso hindi dahil baka tanggihan nga siya, bagkus, kumikirot ang puso ni Wonwoo sa dahilang baka hindi man lang niya masubukang mahalin si Mingyu—dahil para kay Wonwoo, ang malaya niyang mahalin at gustuhin si Mingyu ang isa sa pinakamagandang regalong matatanggap niya. Gusto niyang alagaan ang kaklase, gustuhin, at mahalin ng higit pa sa sobra, at ikalulungkot ng puso niya kung hindi man siya mapagbibigyan. 

 

Humigpit ang pisil ni Mingyu sa mga malalambot na kamay na humahawak sa kaniya. Nanatili siyang nakatitig sa binata, at nang makitang tapos na nitong sabihin ang lahat ng gustong wikain, siya naman ngayon ang naglakas ng loob na sabihin ano pa man ang natitirang mga salita sa puso at isip niya. 

 

“Bakit? Bakit mo hinihingi ‘yan? Hindi mo dapat hinihingi sa akin ‘yan, Wonwoo…”

 

Sumagot si Wonwoo, “But I want to. Kasi I like you, and I told you I want to be with you… That’s why I’m asking you to let me show you how much I like you.”

 

Hindi na umalma si Mingyu, sumang-ayon na lamang siya sa pamamagitan ng pagtango. 

 

Huminga muna ng malalim si Mingyu, bago muling sumagot. “Ang sa akin lang naman… Hindi mo kailangan hingin sa’kin ‘yan, kasi…

 

“Lahat ng mayroon ako, kahit kakaunti, handa akong ibigay sa’yo lahat ‘yun, Wonwoo…” 

 

Sa sandaling iyon, tanggap na ni Mingyu ang mundong gusto niyang pasukin. Tinanggap na niya sa sarili na hinding-hindi niya matatakasan ang pagmamahal na nararamdaman para kay Wonwoo. At lalong hindi rin niya hahayaan ang sarili na hindi na muli pang masilayan ang ngiti ni Wonwoo, maging ang mahawakan ang malalambot nitong kamay. 

 

Tinanggap na ni Mingyu na may minsang hindi siya nakuntento, at mas pinili nitong maghangad pa ng sobra. Doon, pinagbigyan ni Mingyu ang sarili, pinagbigyang buksan ang puso para sa taong gusto niya. Wala na siyang balak umatras o magtago pa. Gustong-gusto niya si Wonwoo. 

 

Hindi na pahintulot mula sa mga tala at buwan ang siyang hinihingi niya, tanging pahintulot na mula kay Wonwoo ang siyang pakikinggan niya. Isang hiling lang, isang beses na piliing unahin ang sarili, lahat ‘yon gagawin niya—makasama niya lang si Wonwoo. 

 

“Wala akong maraming pera. Wala rin akong magagandang gamit o mayamang magulang. Marami pa akong hindi alam, o nararanasan, lalo na sa mundo mo. Ang tanging bagay lang na mayroon ako ay sipag at tiyaga… At itong tapat na pagkagusto ko sa’yo…”

 

“Ayos lang ba na ‘yun muna ang mabibigay ko sa’yo sa ngayon, Wonwoo?” 

 

Hindi na halos pinatapos ni Wonwoo ang binata, agad niya itong hinagkan, nakasiksik ang mukha sa leeg ng kaklase. Nararamdaman pa ni Mingyu ang lamig sa balat ni Wonwoo, dala ng pagkabasa nito sa ulan—ngunit hindi na niya ininda iyon. 

 

Mahigpit ang pagkakayakap ni Wonwoo, at ramdam ni Mingyu ang pagluha nito sa kaniyang bisig. Yumakap pabalik si Mingyu, mahigpit, ayaw kumawala at mawala. Bagama’t basag at nakukulob ang boses ni Wonwoo sa leeg niya, hindi pa rin ‘yun naging hadlang para marinig ang tugon ng binata. 

 

“I understand…”

 

“Everything, anything you give is already more for me… Besides, I’m not asking for anything, Mingyu Manuel. You’re all I need eh…” 

 

“Just being with you is enough… For now… Like what you said.”

 

Marahang hinaplos ni Mingyu ang likod ni Wonwoo, sinusubukan muling patahanin ang kaklase. Maging siya’y may panaka-nakang luha sa mga mata, ngunit mas inuuna niyang pagaanin ang loob ni Wonwoo—dahil aminado naman siyang mali rin ang nagawa niya. 

 

Ilang minuto rin ang tinagal ng yakapan nila. Unang kumalas si Wonwoo, at dinala sa kaniyang hita ang mga ibibigay sanang tinapay kay Mingyu. Agad namang binaling ni Mingyu doon ang tingin. Nadudurog muli ang puso nang makita ang basang kahon at ang ilang piraso sa loob nitong durog na. Kinuha niya ang mga kahon, hinayaan naman siya ni Wonwoo na gawin iyon. Binuksan ni Mingyu ang isa doon, kumuha siya ng isang pirasong carrot cupcake at saka ito kinain. 

 

Nagulat naman doon si Wonwoo, “Hey! Don’t eat it na… Nabasa na ‘yan ng rain. I will bake again na lang.” 

 

Umiling lang si Mingyu, at patuloy pa rin sa pagnguya ng pagkain, “Sorry… Gumising ka pa siguro ng maaga para gawin ‘to. Ang sarap, Wonwoo. Sorry. Ayoko. Ayoko na ulit nang ganito. Hindi ko na uulitin. Hin- Hindi ko pala kaya…”

 

“Hindi ko kayang nakikita na nasasaktan ka. Ayoko makitang nasasaktan ka, Wonwoo… Kaya sorry… Ba- Babawi ako. Pangako,” Nagsusumamo si Mingyu. Kumakawala ang mga luha sa kaniyang mga mata. At sa puntong iyon, si Wonwoo naman ang siyang nagpunas ng mga luha niya. 

 

“It’s okay. Apology accepted, but you have to make bawi sa akin, okay?” Malambing ang pagkakasagot ni Wonwoo.

 

Ilang tango ang binigay ni Mingyu, “Pangako! Babawi ako…” 

 

“‘Yung tanong mo kanina, Wonwoo. Kung hindi ka pa karapat-dapat sa pagmamahal ko… Ako dapat magtanong no’n. Ako dapat ang may patunayan na karapat-dapat ako sa pagmamahal mo…”

 

Nilunok muna ni Mingyu ang nginunguya nitong tinapay, “Kaya naman, Wonwoo… Pwede? Pwede ba akong manligaw sa’yo? Pwede ba garod na ligawan kita? Tapos- Tapos kung ayaw mo talaga sa’kin, ayos lang… Maiintindihan ko. Sabihin mo lang…” 

 

Napalakas ang halakhak ni Wonwoo. Kumukurba ang mga mata maging ang ilong kakatawa. Wala talagang mintis. Iba talaga ang epekto ng bawat kibot ni Wonwoo kay Mingyu. 

 

Muling lumapit si Wonwoo sa kaklase at hinagkan muli ito. Nakapulupot ang mga kamay sa leeg nito, habang sinisiksik naman ang kaniyang ulo sa dibdib nito. 

 

“Is this your way of making bawi? If you’d ask me, I want us to be boyfriends na sana since the feeling is mutual naman.”

 

“But… If that’s what you want. And if this is your way of making bawi after you initially rejected me. Then… Yes, you can make ligaw. You can court me, Mingyu Manuel… I’d be happy if you’ll do that.”

 

Yumakap pabalik si Mingyu. Pinulupot ang kaniyang mga braso sa maliit na baywang ng kaklase, at saka hinilig ang pisngi sa buhok nito, “Salamat, Wonwoo Louise. Pagbubutihin ko. Liligawan kitang mabuti… Para- Para sagutin mo ako, at maalagaan at mahalin ka nang malaya at payapa…” 

 

Alam ni Mingyu na simula pa lamang ito. Simula pa lamang ng panibagong yugto na nais niyang tahakin. Hindi naman nawawala sa isip niya ang tunay na pakay kung bakit naparito siya sa Maynila—ang makapagtapos at makatulong sa pamilya. Ngunit ngayong nariyan na si Wonwoo, mas lalo lang siyang tumapang. Mas lalong umigting ang paniniwala na kahit ano pa mang dagok sa buhay ang dumaan at sumubok sa kaniya, alam niyang kakayanin niya. Bakit? Dahil nariyan sa bisig niya si Wonwoo, ang taong gusto niya, ang taong mahal niya—isa sa inspirasyon at motibasyon niya—sa pagpapakabuti at pagsusumikap. 

 

Bilang parehong pinalaki sa kanlungang puno ng pagmamahal, may taimtim na pangako sa sarili ang dalawa. Para kay Wonwoo, kung ano mang gustuhin ni Mingyu ay susuportahan niya. Nasa likod man siya, sa tabi o kahit harap pa ni Mingyu—kung saan man siya naisin ni Mingyu na maglakad patungo sa mga pangarap niya—walang atubili niyang susundin. Handa si Wonwoo samahan si Mingyu kahit saan pa man siya nito dalhin. 

 

At para kay Mingyu, walang katumbas na saya ang nadarama ng puso niya. Bilang paminsan lang mapagbigyan ng pamimilian, masaya siya na mabigyan ng pagkakataong malayang gustuhin si Wonwoo. 

 

Malayo pa ang tatahakin nila pareho, ngunit may isa lamang na sigurado… 

 

Kahit singkong duling itataya ni Mingyu, kahit butas ng karayom lulusutan niya. Mas pipiliin niyang masaktan kung sakali man, kaysa ang hindi na masilayan at mahagkan pa si Wonwoo gaya ng ginagawa niya ngayon. 

 

Hindi naniniwala si Mingyu na likas sa tao ang pagiging makasarili… Na likas sa tao ang gumusto ng bagay sa mundo na hindi abot ng kamay niya. Hindi siya naniniwala doon… Dati. 

 

Pero kung si Wonwoo na ang usapan, mas pipiliin niyang mahusgahan at matawag na makasarili kaysa habang buhay na pagsisihan ang hindi niya pagsubok na abutin ang gaya ni Wonwoo. Ikamamatay niyang may pagsisisi kung hindi siya titiwalag sa paniniwala na lumaki siyang kuntento… Dahil para kay Mingyu… Sa piling ni Wonwoo ang siyang sapat para sa kaniya. Ang mahagkan si Wonwoo sa bisig niya ang tanging luho na mayroon siya. 

 

Kung isa lamang ang pagkakataon na makapili siya, wala na siyang alinlangan ngayon na sabihin at hingin ang araw-araw na kasama niya si Wonwoo. Tanging ang presensya at pagmamahal ni Wonwoo ang paulit-ulit na hihingin ni Mingyu—sa mga tala at buwan, maging sa Maykapal, sa bawat mundong gagalawan niya, maging sa mga tao sa paligid niya. Tanging pangalan ni Wonwoo ang paulit-ulit niyang isusulat sa mga ulap, tanging si Wonwoo ang siyang hiling niya sa alapaap. 

Notes:

nandito lang ako :D

Zaqa

X