AO3 News

Post Header

Published:
2025-05-01 16:17:04 UTC
Original:
World Password Day: Protect Your AO3 Account
Tags:

Ngayong taon, bilang pagkilala sa Pandaigdigang Araw ng Password, inaanyayahan namin ang lahat ng mga tagahanga na maglaan ng ilang minuto upang siguraduhing ang kanilang mga password – at ang kanilang mga account sa Archive of Our Own – AO3 (Ating Sariling Sisidlan) – ay matibay.

Kamakailan lamang, napansin ng Komite ng Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso ang dumaraming bilang ng mga tagagamit na nawalan ng akses sa kanilang mga account sa AO3 dahil gumamit sila ng hindi secure na password. Nais naming bigyan ng katiyakan ang aming mga tagagamit na walang tanda na nakaranas ng data breach ang AO3. Natukoy ng Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso na ang impormasyon para maka-log in ng lahat ng mga apektadong tagagamit ay nakompromisa sa iba pang paraan, tulad ng aksidenteng pag-download ng malware sa kanila mga device at/o paggamit muli ng password na ginamit rin nila sa ibang website na nakompromisa.

Sa unang bahagi ng 2025, ilang malalaking dataset na naglalaman ng daan-daang milyong mga pares ng email/password na nakuha mula sa malware at mga nakompromisang website ay ipinaskil online. Karaniwang gawain para sa mga scammer na subukan ang mga nakompromisang pares ng email/password na ito sa iba pang mga website, nagbabaka-sakaling magamit muli ang mga apektadong password sa ibang website. Nagbibigay-daan ito sa scammer na ma-akses ang mga account sa mga website na hindi pa nakaranas ng data breach, gaya ng AO3. Matapos makakuha ng akses ang scammer sa isang account, maaaring baguhin ng scammer ang email, password, at/o username ng account, o ibenta ang impormasyon ng account sa ibang tao.

Kailanman ay libreng gamitin ang AO3, ngunit maaaring hindi maintindihan ng ilang tao kung paano gumawa ng sarili nilang AO3 account. Maraming maging dahilan sa likod nito, tulad ng mga hadlang sa wika at kawalan ng pamilyaridad sa aming site. Ang mga taong ito ay maaaring bumili ng impormasyon ng AO3 account batay sa maling paniniwala na ang mga AO3 account ay maaaring ibenta sa lehitimong paraan. Natutuklasan lang nila na na-scam sila kapag nakuha nang muli ng Policy & Abuse ang account para ibalik ito sa orihinal na may-ari.

Masigasig na nagtatrabaho ang Komite ng Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso upang tukuyin ang mga nakompromisang account at ibalik ang mga ito sa kanilang mga orihinal na may-ari. Nakikipagtulungan din kami sa mga na-biktima ng scam na pagbebenta ng account upang makagawa sila ng sarili nilang libreng account sa AO3. Sa kasamaang palad, dahil iniisip ng ilan sa mga biktimang ito na lehitimo ang pagmamay-ari nila sa mga account na binili nila, maaaring binubura nila ang mga katha at iba pang nilalamang ipinaskil ng orhinal na may-ari ng account. Bagama't maaaring ibalik ng Patakaran at Pang-aabuso ang pagmamay-ari ng isang account, hindi namin maibabalik ang tinanggal na nilalaman.

Siguraduhing ligtas at matibay ang iyong password

Maaaring mapababa ang kahinoon mo sa mga ganitong uri ng insidente sa pamamagitan ng pagsunod sa mga mahusay na kagawiang patungkol sa seguridad sa internet:

  • Magtakda ng natatangi at ligtas na password (password generator in English) para sa bawat isang account mo sa lahat ng mga plataporma.
  • Huwag na huwag gamitin muli ang iyong password o ipamahagi ang mga ito para sa kahit na anong dahilan.
  • Gumamit ng password manager. Makakatulong ito sa pagtatakda mo ng natatangi at ligtas na mga password para sa bawat isa sa iyong mga account nang hindi nababahalang makakalimutan mo ang mga ito. Maraming mga browser ang may libre at dati nang nakalagay na password manager kung mas gusto mong huwag mag-download ng software mula sa iba.
  • Panatilihing napapanahon ang iyong antivirus software at operating system, at itakda ang mga ito upang regular na mag-scan para sa malware.
  • Tingnan ang website na haveibeenpwned.com (website in English) upang makita kung maaaring nalantad ang iyong mga email, password, at iba pang impormasyon sa mga data breach. Baguhin ang iyong mga password para sa mga website na may breach, at alinmang account sa iba pang mga site kung saan maaaring ginamit mo ang parehong password.

Kung nangangamba kang ang iyong AO3 account ay may panganib na makompromisa, mangyaring gawin ang mga sumusunod:

  • Kaagad na palitan ang iyong password. Awtomatikong ila-log out ka nito – at sinumang ibang may-akses sa iyong account – sa lahat ng kasalukuyang paggamit sa lahat ng device.
    • Kung nakalimutan mo ang iyong password ngunit mayroon kang akses sa email address na nakaugnay sa iyong AO3 account, maaari kang mag-log out at baguhin ang iyong password.
    • Kung nakalimutan mo ang iyong password, at wala ka nang access sa email address na ginamit mo para sa iyong account, mangyaring makipag-ugnayan sa Tulong.
  • Siguraduhin na regular mong tinitingnan ang email address na kaugnay sa iyong AO3 account, dahil dito ipapadala ang lahat ng mga pabatid tungkol sa iyong account. Kung kailangan mong i-update ang iyong email address, mangyaring sumangguni sa aming FAQ ukol sa pagpapalit ng email.

Kung nakatanggap ka ng email mula sa @archiveofourown.org na nagsasabing ang email na kaugnay sa iyong account ay binago tungo sa email na hindi mo nakikilala, at hindi ka na makapag-log in sa iyong account, mangyaring makipag-ugnayan sa Komite ng Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso. Itinuturing ng Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso ang mga nakompromisang account na mayroong mataas na prayoridad, at makikipagtulungan sila sa iyo sa pamamagitan ng email upang ibalik ang iyong account. Kung mahigit isang linggo na at wala pang narinig mula sa isang boluntaryo sa Patakaran at Pang-aabuso tungkol sa katayuan ng iyong account, maaaring tingnan lamang ang iyong email (kabilang ang anumang spam, social, o iba pang mga folder) bago tumugon sa aming email o magsumite ng bagong ulat sa Patakaran at Paglaban sa Pang-aabuso.

Muli, nais naming bigyang-diin na wala pang insidente ng anumang breach ang naganap sa mga server ng AO3. Naglilinang din kami at nagpapatupad ng mga karagdagang hakbang upang makatulong na maiwasan ang hindi awtorisadong pag-akses sa mga AO3 account. Gayunpaman, ang iyong account ay kasing-ligtas lamang ng iyong password at email. Hinihikayat namin ang lahat ng mga tagagamit na maglaan ng ilang minuto ngayon upang matiyak na ang iyong AO3 password ay natatangi at ang iyong email address ay napapanahon.


Isang organisasyong di-pangkalakal ang OTW (Organisasyon para sa Nagbabagong Katha) na sumasaklaw sa ilang mga proyekto, tulad ng AO3, Fanlore, Open Doors, TWC, at Ligal na Pagtataguyod ng OTW. Pinapatakbo ang buong organisasyon ng mga boluntaryo at dumepende lamang sa mga donasyon. Maaari niyong alamin ang higit pa tungkol sa amin sa pagbisita sa website ng OTW. Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa aming mga boluntaryong tagasalin, na siyang nagsalin ng paskil na ito, maaaring tumungo sa pahina ng Komite ng Pagsasalin.